Ang Bayan Ngayon » Marikeños for Peace and Good Governance, itinatag

Itinatag ng iba’t ibang grupo at indibidwal noong Hulyo 15 ang alyansang Marikeños for Peace and Good Governance (MGCP) bilang pagtutol sa nagaganap na militarisasyon sa Marikina City, laluna sa mga maralitang komunidad.

Kabilang sa mga nanguna sa pagtatatag si Liza Maynigo, Vice President ng Gabriela Partylist – Marikina at lokal na lider sa Agora compound. Bahagi rin ng paglulunsad si Sheila Alano, ina ni Alyssa Alano, isang Marikeña na pinaslang ng militar sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang operasyon ng 12th Civil Military Operations Battalion sa Agora Compound, na kumakaharap sa banta ng demolisyon. Ayon sa MGGP, dapat tigilan ang panggigipit at paulit-ulit na “community outreach” ng militar kung saan kinukulekta ang pribadong impormasyon ng mga residente. Pinatitigil din nila ang pang-uudyok ng mga militar sa mga residente na magtayo ng bagong organisasyon. Anila, may nakatayo nang lokal na samahan at lokal na chapter bg Gabriela Partylist doon.

Giit ng mga residente, katiyakan sa paninirahan at hindi militarisasyon ang dapat atupagin ng estado. Panawagan din ng grupo na itigil ang demolisyon sa komunidad ng Agora Compound 2 at iba pang lugar sa syudad.

Source link