Magsasakang dinampot ng 77th IB sa Ilocos Norte, napag-alamang nasa kulungan sa Ifugao

Inianunsyo ng Kaammoyo Ti Kappia (KTK) at Ilocos Human Rights Alliance (IHRA)-Karapatan na nakakuha ito ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dinampot ng 77th na magsasakang si Ferdinand Bangngad (Willy). Isa si Bangngad sa dalawang dinampot ng mga sundalo noong Agosto 11 ng gabi sa Sityo Salicsic, Barangay Dampig, Pagudpud, Ilocos Norte.

Noong Agosto 21, sa paghahanap ng KTK, IHRA-Karapatan, mga lokal na grupo ng simbahan, at mga kinatawan ng mga pambansang minorya sa Pagudpud ay napag-alaman na nakakulong si Bangngad sa Ifugao. Nakuha nila ang impormasyon sa Philippine National Police (PNP) sa Asipulo na nakulong ang biktima sa istasyon noong Agosto 20 ng alas-3 ng hapon dahil sa kinahaharap na kasong kriminal na isinampa noong 2016.

Matapos nito ay sinabing inilipat siya sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bayan ng Kiangan. Nang puntahan ng mga grupo ang BJMP Kiangan, pinagbawalan sila ng mga pulis na makapasok at kausapin at kumustahin si Bangngad.

Ayon sa KTK, ang pagkakatunton kay Bangngad ay malinaw na ebidensya ng iligal na detensyon ng militar sa biktima sa loob ng walong araw. Matatandaan na nagpahayag ang 77th IB na “inaresto” nila si Bangngad, sa kabila ng kawalan ng hurisdiksyon at malinaw na mandamyento de aresto, noong Agosto 11.

Kaugnay nito, binatikos ng grupo ang panggigipit ng mga pwersa ng estado sa mga kaanak ni Bangngad sa Ifugao nang nagtangka silang makipag-ugnayan sa mga grupo sa karapatang-tao. Noong Agosto 21, naunang pumayag ang mga kaanak ni Bangngad na makipagkita sa mga grupo para makipag-usap hinggil sa kalagayan ng biktima ngunit tumanggi dahil sa takot sa militar.

Iniulat ng mga residnente na nagtayo ng mga tsekpoynt ang 54th IB sa Barangay Cawayan, Asipulo kung saan nakatira ang mga Bangngad sa araw sana ng pakikipagkita ng mga grupo. Dahil dito, hindi rin nakapagpatuloy ang mga grupo sa pagbisita sa barangay.

Nais sanang kausapin ng mga grupo ang kaanak ni Bangngad sa Ifugao kasunod ng natanggap nilang ulat na “nakabisita” pa ang biktima sa kanyang mga kaanak sa Barangay Cawayan noong Agosto 15. Sinabing dinala siya sa komunidad ng mga sundalo, sa pakikipagsabwatan ng nagpapakilalang dating rebelde na kapatid ni Bangngad na si Thomas, at makalipas ang ilang oras ay umalis rin.

“Sumasalamin ito sa mas masaklaw na padron ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP sa paggamit sa mga dating rebelde…bilang instrumento ng pagmamanman at pamimilit,” ayon sa KTK. Ginagamit umano ang mga indibidwal na ito para magsampa ng mga kasong kriminal sa kung sinu-sinong sibilyan.

Itinuring ng mga grupo at ng pamilya ni Bangngad ang pagkakatunton sa kanyang kinaroroonan bilang paunang tagumpay, ngunit ipinahayag na magpapatuloy sila sa kanilang pagsisikap na bigyan ng ligal na representasyon ang biktima at tiyakin ang kanyang kaligtasan.

Samantala, kinundena rin nila ang panghaharas ng militar at pulis sa Isnag Yapayao Balangon Tribal Council na nakipagtulungan sa KTK at mga grupo sa karapatang-tao kaugnay ng paglabag sa mga karapatan ni Bangngad. Nanawagan ang mga grupo na panagutin ang 77th IB sa mga paglabag nito sa konstitusyunal na karapatan, mga kasunduan sa karapatang-tao at mga proteksyong ipinagkakaloob sa mga katutubong mamamayan sa ilalim ng batas ng Pilipinas at internasyunal na pamantayan.

Ginigipit ang mga biktima at ang tribu dahil sa pagtutol sa proyektong Cabacanan Dam, isang nakasisirang dam na itatayo bilang bahagi ng ₱837-milyong Cabacanan Small Reservoir Irrigation Project (CSRIP). Ang Cabacanan dam ay 95.10 metro ang taas mula pundasyon at 248 metro ang lapad ng base, na mag-iimbak ng 2.87 milyong metro kubiko ng tubig.

Source link