Ang Bayan Ngayon » Lupa sa Hacienda Luisita, muling ipinanawagang ipamahagi na

Mahigit 150 magsasaka at manggagawang-bukid mula sa Hacienda Luisita, Tarlac, ang nagprotesta sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City noong Enero 26 para kundenahin ang labis nang nabalam na pamamahagi ng lupa at laban sa pang-aagaw ng kanilang lupa ng mga burgesya kumprador. Mariin nilang kinundena ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa o land-use conversion at pasismo at militarisasyon sa asyenda.

Pinangunahan ang protesta ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).

“(Noong) 2012 pa ang desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang halos 4,915.75 ektarya ng asyenda,” ayon sa bise presidente ng AMBALA na si Leonarda “Ka Leoning” Trinidad. Pagkatapos ng halos 14 taon, papakasangkapan pa rin ba ang DAR sa mga landgrabber?”

Binatikos niya ang plano ng angkang Cojuangco-Aquino-Lorenzo at mga dambuhalang korporasyon ng mga Aboitiz at Ayala, na agawin ang lupa at ilaan ito sa tinaguriang “Master Plan” na pakikinabangan lamang ng iilan. Sa “master plan” na ito, magtatayo ang Ayala Lands at Avida Land ng komersyal na mga gusali at pasilidad tulad ng parke, daanan at pabahay sa 290 ektaryang lupang agrikultural. Kakamkamin naman ng Aboitiz Group ang 384 ektaryang lupa para sa gamit “industriyal” at komersyal.

“Buwitre ang Ayala Land at Aboitiz Group sa agad na pagsunggab sa paghihirap ng mga pesante ng Luisita,” ayon kay Ariel ‘Ka Ayik’ Casilao ng UMA.

“Hindi lamang karapatan sa lupa ang niyuyurakan ng rehimeng US-Marcos Jr. na kasabwat ng mga landlord-komprador,” ayon kay Casilao. “Sa pamamagitan ng militarisasyon, niyuyurakan pati ang karapatang mag-organisa, magpahayag, at magprotesta.”

“Ang mga napipintong kumbersyon tungong non-agricultural use ay ilan lamang sa mga pinakabagong pang-aagaw ng lupa mula sa aming mga pesante,” ayon kay Ka Leoning. “At maski mga lumang isyu ng pangangamkam sa Luisita, nagpapatuloy pa rin.”

Source link