Ipinailalim ng mga pulis sa arbitraryong pagbabartolina at panghaharas ang bilanggong pulitikal na si Lorenzo Perolino ng Negros Occidental District Jail-Male Dormitory (NODJ-MD) sa Bago Cty, Negros Occidental noong Oktubre 26 ng hapon. Tinarget siya ng panggigipit ng naibalik sa poder na mapang-abusong jail warden na si Maj. Crisysrel Awe. Ito ay dahil sa pamumuno niya sa mga protesta at pagpapatalsik kay Awe noong Agosto.
Ayon sa Human Rights Alliance Negros (HRAN), dinala si Perolino ng mga tauhan ng Special Tactics and Response sa hiwalay na selda na nakaposas at walang malinaw na dahilan. Kasunod umano ito ng pagbisita ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao at abugado ni Perolino sa kanya.
“Muling inilantad ng insideneng ito ang klima ng takot, intimidasyon at pang-abauso na namamayani sa ialim ng hindi demokratikong estilo ng pamumuno ni Warden Awe,” pahayag ng HRAN. Ang pang-aabuso ni Awe ang isa sa mga dahilan ng protesta ng mga bilanggo at petisyon laban sa kanya noong Agosto.
Napilitang bumaba sa pwesto si Awe noong Agosto 28 kasunod ng apat na araw na protesta at sama-samang pagkilos ng mga bilanggo ng NODJ-M . Lumahok sa protesta ang higit 600 mga bilanggo. Si Perolino ay isa sa mga negosyador para sa mga bilanggo sa mga panahon ng pagkilos.
Kabilang sa mga batayan ng pagpapatalsik kay Awe ang mga kaso ng panggigipit at intimidasyon sa mga lider ng bilanggo, hindi pagtupad sa naunang mga kasunduan sa kanila, hindi makatarungang isolation at iregularidad sa ipinatutupad na sistemang cashless sa bilangguan. Dumanas rin sila ng pagbabawas ng rasyon ng pagkain, pagbabawal sa mga bisita, pagpapatigil ng mga programang pangkabuhayan sa loob ng bilangguan at pagtatanim ng gulay, at pagkakait ng akses sa gamot at serbisyong medikal.
“Batay sa mga ulat, ang sitwasyon sa loob ng kulungan ay higit pang lumubha matapos ibalik sa pusisyon si Warden Awe,” ayon sa HRAN. Nairekord ang mga kaso ng pagganti, restriksyon sa batayang mga karapatan, at pagsupil sa kagalingan at dignidad ng mga bilanggo.
Nanawagan ang HRAN sa NODJ-MD na agarang ibalik si Perolino sa regular na selda kung saan kasama niya ang mga kapwa bilanggo. Anang grupo, maituturing na iligal na detensyon at malubhang paglabag sa tamang proseso ang pagbabartolina. Ang ginawa kay Perolino ay ipinagbabawal sa ilalim ng United Nations Nelson Mandela Rules at maging sa Anti-Torture Act of 2009 ng Pilipinas.
Giit ng HRAN, dapat managot si Warden Awe at ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa nagpapatuloy na panunupil na ito. “Dapat wakasan ang lahat ng porma ng panghaharas at paglabag sa karapatang-tao sa loob ng pasilidad,” ayon sa grupo.
Kaugnay ng mga ito, inianunsyo ng HRAN na nakatakda itong magsampa ng kriminal at administratibong kaso laban kay Awe. Ayon kay Atty. Rey Gorgonio, hawak niya ang affidavit ng 50 bilanggo na nagsasalaysay sa iba’t ibang pag-abuso ni Awe sa karapatan ng mga bilanggo.
Dagdag ni Gorgonio, papanagutin rin nila si BJMP-Negros Island Region Regional Director JCSupt. Brendan Fulgencio para sa pagbabalik sa pusisyon kay Awe nang walang maayos na imbestigasyon at parusa.
Samantala, nanawagan rin ang HRAN sa Commission on Human Rights (CHR) at iba pang angkop na ahensya ng gubyerno na imbestigahan ang insidente, tiyakin ang kaligtasan at kagalingan ni Perolino at kamtin ang hustisya at pananagutan para sa lahat ng kaso ng pag-abuso.











