Mariing tinututulan ng mamamayan ng Eastern Visayas ang Gemini at Lihangin Wind Projects, mga proyeketong makasisira sa buhay at hanapbuhay ng daan-daan libong residente ng Calbayog City, Western Samar at San Isidro, Northern Samar para sa kapakinabangan ng dayuhang kumpanyang Vena Energy kakunsabo ang mga lokal na kapitalistang Garcia-Escaño at Aboitiz.
Nilalarga ngayon ng rehimeng Marcos ang Gemini Wind Project, isang 304-megawatt wind farm. Bubuuin ito ng 38 wind turbine na itatayo sa 10,818 ektaryang lupaing sakop ng 13 barangay sa Calbayog City at dalawang barangay sa San Isidro. Labing-tatlo sa mga turbine ay planong itayo sa 2,366 ektaryang lupa ng Calbayog Pan-as Hayiban Protected Landscape (CPHL), isang 7,832-ektaryang protected area at watershed na pinagkukunan ng inuming tubig ng halos 200,000 residente ng syudad. Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱19 bilyon at nakatakdang maging operational sa ikalawang kwarto ng 2026.
Ang Gemini Wind Project ay ekstensyon ng isa pang hiwalay na proyekto, ang 206-megawatt Lihangin Wind Project, na itatayo rin sa San Isidro. Bubuuin naman ito ng 33 wind turbine sa 176 ektartang lupang sakop ng pitong coastal barangay ng nasabing bayan. Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱2.18 bilyon at nakatakdang magsimula ng operasyon sa Pebrero 2026. Kinontrata nito ang kumpanyang PowerChina Philippines Corp para sa konstruksyon ng planta.
Tiyak na magdudulot ng permanenteng pinsala ang Gemini at Lihangin Wind Projects. Puputulin ang daan-taong mga punong matatagpuan sa loob at palibot ng CPHL, papatagin ang mga bundok at huhukayin ang lupa rito upang tirikan ng mga turbine. Masisira ang tirahan ng mga endemikong hayop at halaman. Patitindihin ng konstruksyon ang mga pagguho ng lupa at pagbaha sa lugar tulad ng Calbayog City, na nitong nakaraang bagyo lamang ay nagdeklara ng state of calamity.
Ang konstruksyon ng mga proyekto ay sisira sa mga gubat, ilog, baybayin at karagatang lubos na inaasahan at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa lugar. Hindi rin sustenable ang mga trabahong malilikha nito. Perwisyo rin ang dulot ng labis na ingay (noise pollution) ng mga wind farm na mapanganib sa mga komunidad sa palibot.
Nagsisinungaling ang mga burukrata-kapitalistang sina Northern Samar 2[nd] district representative Edwin Ongchuan at Samar governor Sharee Ann Tan sa pagsasabing magbibigay umano ng maaasahang suplay ng kuryente ang mga proyekto. Ngayon pa lamang halos 100% ng kuryenteng napoprodyus sa Eastern Visayas ay galing na sa renewable energy, ngunit nananatiling mas mahal ang singil sa kuryente rito (nasa abereyds na ₱13.6/kwh; pinakamataas sa Biliran na ₱15.7/kwh) kumpara sa Metro Manila (₱13.3/kwh ng Meralco). Sa kabila ng mataas na produksyon ng “malinis” na kuryente, halos 90% ng kinokonsumong kuryente sa Eastern Visayas ay nanggaling pa rin naman sa mga planta ng coal. Mas mahal at mas marumi na nga, mas madalas pang mawalan ng kuryente ang mga residente rito laluna kung masama ang panahon.
Ang Gemini at Lihangin Wind Projects ay kapwa mga joint venture ng Vena Energy (kumpanyang nakabase sa US), Vivant Energy Corp. ng pamilyang Garcia-Escaño, at ng Aboitiz Renewables. Dalawa lamang ito sa mga niraratsada ng Regional Development Council upang ibuyangyang ang Eastern Visayas sa pandarambong ng mga dayuhang kapitalista sa tabing ng “renewable energy.” Nariyan din ang ₱108 bilyong proyektong wind farm na buong pagmamay-ari ng Copenhagen Infrastructure Partners (Denmark) na itatayo sa baybayin ng Bobon, Catarman, Mondragon, San Roque, Pambujan at Lao-ang, Northern Samar; ang ₱1.2 bilyong tidal power plant sa isla ng Capul, Northern Samar ng kapitalistang si Antonio Ver at Sabella SAS (France); planta ng solar sa San Miguel, Leyte na binuhusan ng kapital mula sa China; planta ng solar sa Leyte ng mga kumpanyang Soleq (Singapore) at First Solar Energy Corp (pamilya Araneta); at Biliran Geothermal Inc. na consortium ng mga kumpanayang Dutch at US kasama ang Nickel Asia ng kapitalistang Zamora.
Sinusuportahan ng mamamayan ang anumang hakbangin na nangangalaga sa kalikasan, kabilang ang renewable energy, dahil sa kapaligiran sila umaasa para sa kanilang pagkain, buhay at hanapbuhay. Nilalabanan nila ang mga mapanirang proyekto tulad ng mga planta ng fossil fuel na nagdudulot ng pagbabago ng klima at ng mas matinding mga kalamidad. Kaalinsabay, karapatan ng mamamayan ang abot-kaya at maaasahang serbisyong kuryente para sa ikauunlad ng kanilang buhay.
Ngunit hindi pangangalaga kundi pagkasira ng kalikasan ang layunin ng mga mapanlinlang na renewable energy na pumuputakte ngayon sa rehiyon sa tulak ng rehimeng Marcos. Hindi naman nito mapabababa ang singil sa kuryente, lalupa’t pribado itong pagmamay-ari ng mga kumpanyang nakatuon sa pagkakamal ng tiba-tibang kita at hindi sa serbisyo sa mamamayan. Mas grabe pa, palalalain lang ng mga ito ang likas nang bulnerabilidad ng Eastern Visayas sa kalamidad.
Tulad ng mga proyektong flood control at farm-to-market roads, ang Gemini at Lihangin Wind Projects ay sintomas lang ng sakit ng burukrata-kapitalismo sa ilalim ng rehimeng Marcos, kung saan pinagkakakitaan ng mga dayuhang korporasyon, lokal na oligarko at mga burukrata ang mga serbisyong dapat binibigay ng gubyerno sa mamamayan. Upang makapagkamal ng maksimum na kita, pinabubulok ang mga batayang serbisyo at pinatataas ang singil dito habang sinisira ang kalikasan.
Nararapat lang na puspusan itong labanan ng mamamayan ng Eastern Visayas, gayundin ang iba pang mga proyektong nagbabalat-kayong “makakalikasan,” dahil sa malawakang pinsalang idudulot na iindahin ng marami pang susunod na henerasyon para sa kapakinabangan ng iilan.
Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!
Tunay na kaunlaran para sa mamamayan, ipaglaban!
Mga mapanlinlang na proyektong renewable energy ng rehimeng Marcos, ilantad, labanan!
Burukrata-kapitalismo, ibagsak!











