PRWC » Kabataan ng Lambak Cagayan, ibagsak ang burukrata kapitalismo! Tumungo sa kanayunan, isulong ang digmang bayan!

Nakikiisa ang Kabataang Makabayan-Cagayan Valley sa malawak na kilusang kabataan ng buong Pilipinas laban sa katiwalian ng mga korap na opisyal ng reaksyunaryong gubyerno na pinaghaharian ni Marcos Jr, ang numero unong kurakot at mandarambong, at mga kasapakat at kroni nito.

Nitong nakaraang Setyembre 21, ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng madugong batas militar ni Marcos Sr., matagumpay na kumilos ang kabataan at iba pang mga sektor sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya upang singilin at panagutin ang lahat ng nasa likod ng lantarang pangungurakot ng pondo sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura na pinapangunahan ng rehimeng US-Marcos Jr at ang mga burukrata kapitalista.

Sigaw ng kabataang estudyante, inilabas sa lansangan!

Binaha ng mga protesta ng kabataang estudyante ang buong Pilipinas. Sa rehiyon, malakas ang naging panawagan ng mga walkout sa iba’t ibang mga kolehiyo at unibersidad. Umabot sa 500 estudyante ang nagkasa ng makasaysayang walkout at black Friday protest sa Isabela State University (ISU)-Echague, pinakamalaki sa nagdaang dekada. Hindi rin bababa sa 1,000 mula sa iba’t ibang sektor na kalakhan ay kabataan ang lumahok sa kilos protesta sa Tuguegarao City. Aktibong nanguna ang konseho ng mga mag-aaral at campus journalists ng Cagayan State University (CSU)-Andrews at Carig campus.

Sa Santiago City sa lalawigan Isabela, nagtirik ng kandila ang mga taong-simbahan, kabataan, magsasaka, manggagawa at propesyunal sa harap ng St. James the Apostle Parish sigaw ang panawagang “Panagutin ang lahat ng mga korap sa bayan.” Samantala, nagsabit naman ng puting ribbon ang iba pang kabataan at sektor sa bantayog ni Gat. Apolinaryo Mabini sa parehong lungsod. Isang linggo namang nagsuot ng blue ribbon at pumirma laban sa korapsyon ang mga estudyante ng Our Lady of the Pillar College-Cauayan, College of Nursing and Midwifery sa Cauayan City.

Dumaluyong din sa harap ng St. Dominic Cathedral ang mga kabataang estudyante ng Saint Mary’s University-Bayombong, mga taong-simbahan at iba pang sektor ng mga Novo Vizcayano laban sa korapsyon at dayuhang pagmimina.

Dala ang mga panawagan, nagsuot naman ng puti bilang simbolo ng kolektibong paglaban sa korapsyon ang mga parokya ng Saint Vincent Ferrer Parish at mga guro at estudyante ng Saint Vincent School sa Maddela, Quirino gayundin ang Saint Jerome’s Academy of Bagabag Inc sa Nueva Vizcaya bilang “pagkawala sa tanikala ng inhustisya,” at mga mananampalataya ng United Church of Christ of the Philippines (UCCP) sa Alicia, Isabela.

Malaking sampal sa mukha ng mga korap at burukrata ang katatagan ng mga kilos protesta ng kabataan sa kabila ng pagbuhos ng ulan dala ng bagyong Opong. Rumaragasa na parang malakas na agos ng Cagayan River ang pangangahas ng kabataang Pilipino!

Ang krisis sa klima at kalikasan ay pinaiigting pa ng mga ganid sa gubyerno!

Habang nagpapakasasa sina Marcos Jr sa pera ng taumbayan mula sa flood control projects, ang mamamayang Pilipino ay lunod sa baha at kahirapan na dinulot hindi lamang ng sunud-sunod na pagbagyo kundi ng salot na burukrata kapitalismo. Sa Cagayan Valley, sinira ng bagyong Nando ang pananim ng mga magsasaka at binaha ang mga kabahayan sa iba’t ibang parte ng rehiyon. Hirap na hirap din ang mga mga mangingisda dahil nawasak ang kagamitan nila sa pangingisda nang niragasa ang karagatan ng malalakas na hangin at malalaking alon. Ang peligrong dulot ng krisis sa klima at kalikasan ay mas lalo pang pinapalala ng kapalpakan ng mga proyektong flood control, at mas lalo na ang katiwalian ng gobyerno sa bilyong piso na inilalaan dito na dumidiretso sa mga maruruming bulsa nila.

Pasismo ang tugon ni Marcos Jr. sa mamamayang lumalaban

Mariing kinukundena rin ng KM-CV ang karahasan ng kapulisan at ang mass arrests sa pagkilos ng mga kabataan sa Mendiola noong Setyembre 21. Mahigit 200 ang inaresto, kasama ang ibang menor de edad, at marami ang sugatan. Nagpaputok din ang pulis ng Manila Police District (MPD) at nakapatay ng isang manggagawa na dumaan lamang sa lokasyon ng kilos-protesta. Napatay din sa saksak ang isang kabataan na kasama sa rali. Maging sa Cagayan Valley, patuloy ang panggigigipit sa mga kabataang organisador at tanggol karapatan. Pagkatapos ng kilos-protesta sa Tuguegarao City, tiniktikan at hinaras ang ilang mga kabataang dumalo samantalang nakaranas ng represyon ang campus journalists ng CSU matapos tanggalin ng Facebook ang kanilang social media page na kalaunan ay ibinalik din matapos nitong ilathala ang mga larawan at panawagan na hindi pabor sa administrasyon ng unibersidad at sa isang kongresista. Malinaw na hawak ng rehimeng US-Marcos Jr ang dugo at kaban ng mamamayang Pilipino at hindi ito titigil sa pagsupil ng karapatan ng mamamayan.

Sa pagsulong ng digmang bayan lamang tunay na mapapalaya ang kabataan at ang mamamayang Pilipino!

Natural sa mga kabataan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Hindi maitatanggi na tatahakin ng kabataan ang landas ng rebolusyon sa gitna ng lumalalang krisis ng lipunang Pilipino. Pinatunayan ng sunud-sunod na pagkilos ang hindi napatatahimik na sigla ng kabataan hanggang sa tanggapin nila ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan.

Karugtong nito, dapat magsikhay ang mga kapwa Kabataang Makabayan na ibayong magparami ng kasapian at magtayo ng mga balangay sa mga komunidad, bukid, eskwelahan, pagawaan at iba pang pook ng trabaho. Masigasig na organisahin ang malawak na hanay ng kabataan na galit sa bulok na sistema at naghahangad ng isang lipunang tunay na malaya at demokratiko habang tuluy-tuloy na pinararami ang iba’t ibang organisasyong sumusuporta sa kanilang pampulituika at pangkulturang ekspresyon habang mulat na itinataas ang kanilang kamalayan at pakikibaka, at mula rito ay umani para sa rebolusyonaryong pangmasang organisasyon ng kabataan, ang KM.

Takot na takot ang rehimeng US-Marcos Jr. sa naiipong lakas ng kabataan, maging sa kalunsuran at kanayunan dahil hindi napuputol ang salinlahi ng mga Kabataang Makabayan. Tinatawag na ng panahon ang mga kabataan para pagsilbihan ang mamamayang Pilipino at ang rebolusyon sa pinakamataas na porma nito.

Hamon sa kabataan na ipagpatuloy ang kadakilaan ng mga rebolusyonaryong martir mula kina Andres Bonifacio hanggang kina Ka Aika (Lennel Domanais) at Ka Seed (Danielle Marie Pelagio), mga kabataang nag-alay ng dugo para sa pagpapalaya ng lipunan.

Kabataan, isulong ang digmang bayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Source link