PRWC » Ka Moy/RF, Pulang kumander, ehemplo ng kagitingan at bayani ng sambayanan!

Pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo ang alay ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog kay Jordan “Ka Moy/Ka RF (Red Fighter)” Mopon, isa sa pinakamatapang at pinakamatikas na Pulang kumander ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC)-NPA Rizal na nasawi habang nakikipaglaban sa berdugong 73rd DRC sa ilalim ng 703rd Infantry Brigade sa Sitio Balagbag, Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan nitong Oktubre 17.

Si Ka RF ay minahal ng masang anakpawis at mga katutubong Dumagat at Remontado bilang si Ka Moy, Boyong, JT, SY at Ilas sa Rizal, Laguna, North Quezon at kabundukan ng Sierra Madre na kanyang buong-pusong pinaglingkuran at ipinagtanggol hanggang huling hininga.

Si Ka RF ay kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan at kagawad ng Regional Operational Command nito nang siya ay mabuwal. Siya rin ang Pangalawang kalihim ng komite ng Partido sa teatrong gerilya na kanyang kinapapalooban. Tapat sa kanyang tungkulin, mapagpasya, presiso at mapangahas na ipinatutupad ni Ka RF ang atas ng Partido upang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon.

Napaloob si Ka RF sa grupong pang-organisa bilang kabataang magsasaka sa edad na 16. Mula dito, nagagap niya kaagad ang kahalagahan ng pagsusulong ng rebolusyon at buong panahong kumilos hanggang sa sumapi sa NPA nang mag-18 anyos noong 2003. Kinakitaan siya ng sikhay sa pagtupad sa mga atas sa maagang yugto bilang sinasanay na upisyal. Kanyang ginagawa ang ganang kaya mula sa pagiging upisyal sa lohisitika at iskwad lider hanggang sa maging sinasanay na platun lider. Lumahok din siya sa mga taktikal na opensiba sa loob at labas ng teatrong gerilyang kanyang kinapalooban bago maging ganap na platun lider. Nagkaroon man siya ng panahon na nagpahinga sa pagkilos, mabilis lamang siyang bumalik sa NPA at nakabawi hanggang tuluy-tuloy na kumilos at namuno.

Malaki ang kanyang ambag sa pagsasakatuparan ng mga programa ng mga komite na kanyang kinapalooban. Ininda at pinagngingitngitan ang mga ito ng berdugong 2nd IDPA, 92nd IBPA, 1st IBPA, 80th IBPA, maging nga mga yunit sa ilalim ng 7th ID na protektor ng mga proyektong ekoturismo, quarry at dam. Bawat taktikal na opensibang nagtagumpay sa kanyang superbisyon ay ipinagbunyi ng mamamayan sa TK dahil tugon ito ng NPA sa laban sa pangangamkam ng lupa, pagwasak sa mga bundok at ilog ng Sierra Madre at paghahasik ng teror sa kanayunan ng reaksyunaryong gubyerno. Habambuhay itong magiging inspirasyon ng kilusan at magpapasalin-salin sa mga kwento ng mga kasama’t masa.

Isa sa pinakakahanga-hangang kakayahan ni Ka RF ang pagdidirehe sa mga aksyong militar mula depensiba tungong opensiba. Siya ang tipo ng kumander na kapag may kaaway, anuman ang aktibidad ng yunit, ang kaagad niyang sigaw ay “pwesto, lalabanan natin yan!”. Nagreresulta pa nga ang mga ito sa malaking pinsala sa kaaway kaya naman gigil na gigil ang huli na mabitag at maigupo si Ka RF. Sa kabila ng mga operasyong dumog, superyoridad ng AFP-PNP sa rekurso at bilang ng mersenaryong tropa, mahusay itong hinarap ng Pulang hukbo sa kanyang pangunguna. Mataas ang pagmamatyag pero kalmado rin siya sa panahon ng labanan at maging sa mga atrasan para mapanatag pero hindi kampante ang yunit na kanyang pinamumunuan. Matiyaga at mabilis siyang nagpanday ng mga mandirigma upang maging bagong tangkas ng mga upisyal ng Hukbo. Mataas ang respeto at pagkilala sa kanya ng mga mandirigma at tulad ni Ka RF, dala nila sa kanilang mga gawain ang tapang at kapangahasan na nagmula sa kanilang kolektibong pamumuhay at masiglang team work sa aktwal na pagtupad sa mga gawain ng Hukbo at Partido.

Kabilang sa mga pinamunuang matatagumpay na aksyong militar ni Ka RF ang kampanyang militar laban sa retooled community support program at focused military operations sa balangkas ng pagbigo sa mga oplan ng reaksyunaryong gubyerno:

▪ reyd na walang putok sa Monte Rock Corporation sa Barangay Patiis, San Mateo, Rizal noong Agosto 12, 2018 kung saan mahigit-kumulang P100 milyong piso ang halaga ng mga sinira ng NPA na pag-aari ng kumpanyang quarry

▪ serye ng mga ambus sa PNP na aktibong naglulunsad ng operasyong militar sa ilang mga bayan ng Rizal noong Marso 2018 na nagresulta sa 12 kaswalti sa mga tropa ng SAF at Rizal Police Mobile Force Company

▪ operasyong haras sa isang platun ng Charlie Coy ng 80th IBPA noong Hunyo 8, 2018 sa Sityo Dapis, Barangay Puray, Rodriguez, Rizal na nagresulta sa isang KIA sa kaaway;

▪ operasyong isnayp sa Sityo Dadiangao, Umiray, Gen. Nakar noong Oktubre 27, 2018 na nagresulta sa limang kaswalti sa 92nd IBPA;

▪ ambus sa Barangay Lumutan, Gen. Nakar noong Nobyembre 8, 2019 na lima ang KIA sa kaaway;

▪ reyd sa baraks ng armadong goons ng mangangamkam na panginoong maylupang si Arturo Robes sa Barangay San Isidro, Rodriguez noong Setyembre 27, 2021;

▪ taktikal na opensiba sa Gen. Nakar noong Abril 18, 2022 kung saan dalawang sundalo ang nasawi

Sa kabila ng mga tagumpay, dala ni Ka RF ang kababaang loob sa pag-ako sa mga kahinaan at kakulangan sa bawat pagtatasa at paglalagom ng mga gawain at operasyon. Matapat siyang umaako ng kabahagi sa mga pagkukulang laluna sa mga kabiguang kinaharap ng kanyang yunit. Matalas niyang tinutukoy ang mga dapat pang paunlarin sa bawat larga, hindi lang sa gawaing militar kundi maging sa gawaing masa at iba pa. Malapit siya sa lahat ng mga kasama at palaging handang umagapay sa mga nahuhuli at nagsasanay pa lamang. Magiliw din siyang kumander laluna tuwing magkikwento ng masasayang karanasan sa Hukbo at tungkol sa mga labanan.

Tinanganan ni Ka RF ang hamon ng kanyang panahon at pinatunayang hindi maigugupo ng kaaway ang kanyang proletaryong paninindigan ng panggigipit at paglason sa isip sa kanyang mga mahal sa buhay ng AFP. Pinagpupugayan ng mga Pulang kumander at mga mandirigma ang kanyang buhay at pakikibaka, gayundin ng masang anakpawis na buong buhay niyang inaral ang kalagayan at pinaglingkuran.

Tunay na ehemplo ang kagitingan ni Ka RF para sa mga nagpapanday na upisyal militar sa hanay ng NPA. Hamon sa bawat kasapi ng NPA ang pagsasapuso at pagsasabuhay ng kanyang diwang lipos ng kadakilalan. Walang pagod na pag-aralan ang paglulunsad ng digmang bayan at buong tapang na harapin ang kahirapan, sakripisyo at kamatayan. Durugin ang berdugo at mersenaryong AFP-PNP, ibagsak ang reaksyunaryong estado at itatag ang tunay na nagsasarili at demokratikong gubyernong bayan.###

Source link