Inianunsyo ng grupo ng maralitang-lunsod ng Rizal ang pananakot, pagpapalayas at bantang demolisyon sa mga residente ng Sityo Pugadlawin, Barangay San Juan, Taytay. Ayon sa natanggap na ulat ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Rizal, pinagbabawalan ang mga residente na makapasok sa komunidad dahil may ibang umangkin sa kanilang lupa.
Noong Enero 29, humigit-kumulang 36 na gwardya mula sa Sapian Star Security Agency ang pumasok at pumusisyon sa iba’t ibang bahagi ng komunidad nang walang paliwanag. Anang mga residente, tumangging magpakilala ang mga gwardya at basta na lamang giniba ang tarangkahan ng komunidad.
Iniulat din nila ang pagbabakod ng mga gwardya na higit pang nagdulot ng pangamba ng nalalapit na demolisyon sa komunidad. Ayon sa mga residente, walang maipakitang malinaw na titulo o dokumento ang mga gwardya, o kahit hangganan ng kanilang planong bakuran at saklawing erya.
Kaugnay nito, nanawagan ang Kadamay-Rizal ng agarang pagbabantay at suporta mula sa mga grupo sa karapatang-tao, midya, mga abugado at nasa ligal na propesyon. Anang grupo, sana ay samahan ng mamamayan ang Sityo Pugadlawin na ipagtanggol ang karapatan sa paninirahan at wastong proseso.
Padron ng demolisyon sa Taytay
Kabi-kabila ang mga komunidad na kumahaharap sa banta ng demolisyon sa bayan ng Taytay. Kabilang dito ang naiulat na pwersahang pagsasara ng mga tauhan ng Baltao Corporation sa lagusan ng mga residente sa Sityo Igiban, Barangay San Isidro mula Enero 7. Humigit-kumulang 60 na pamilya ang apektado sa ginawa ng kumpanya.
Nahaharap din sa demolisyon ang mga sityo ng Siwang, Sapang Gody, Bato-bato, Batong Dalig, Halaman Uno, Halaman Dos, at PCSO. Ang mga residente sa naturang mga komunidad ay walang akses sa tubig at kuryente dahil sa panggigipit ng mga nangangamkam ng lupa.
Ayon sa naunang pahayag ng Taytay Urban Poor Alliance (TUPA), ang kaliwa’t kanang mga demolisyon ay patunay lamang ng pagpanig ng estado sa interes ng mga pribadong kumpanya, sa halip na itaguyod ang karapatan ng mga maralita sa paninirahan.











