PRWC » Isabuhay ang rebolusyonaryong diwa ng mga magigiting na martir ng Cavite!

Ang buong rebolusyonaryong mamamayan ng Cavite ay nakikiisa sa pag-alala sa buhay at pakikibaka ng libo-libong mga rebolusyonaryong martir na nag-alay ng kanilang buhay sa ngalan ng pagwawakas sa pagsasamantala at paghahawan ng daan para sa pagtatayo ng sosyalistang bukas. Inaalala rin natin ngayong undas ang lahat ng aktibista, mamamayang naging biktima ng sakuna’t labis na pagpapabaya ng gubyerno at mamamayang biktima ng pasistang teror ng rehimeng US-Marcos.

Sa okasyong ito, inaalay ng National Democratic Front-Cavite ang pinakamataas na pagpupugay at pulang saludo kay Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM at Chief Political Consultant ng National Democratic Front of the Philippines na namayapa noong Disyembre 16, 2022. Hindi matatawaran ang naging ambag ni Ka Joma sa pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino mula sa ipinamana niyang kabang-yaman ng teoretikal at praktikal na gabay sa rebolusyong Pilipino hanggang sa mga naging ambag niya sa pagkokonsolida at pagtatayo ng pandaigdigang kilusang anti-imperyalista kapwa kilusang rebolusyonaryo.

Inaalay rin namin ang pinakamataas na pagpupugay sa mga huwarang lider at kadre ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front na nagsilbing tanglaw ng rebolusyong Pilipino sa lagpas limang dekada nitong pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Pinakamataas na pagpupugay kina Louis “Ka Louie” Jalandoni, Jorge “Ka Oris” Madlos, Wilma “Ka Bagong-Tao” Austria-Tiamzon, Benito “Ka Laan” Tiamzon, Julius “Ka Nars” Giron, Ka Maria Malaya, Gregorio “Ka Roger” Rosal, Josephine “Ka Sandy” Mendoza, at sa marami pang iba.

Nananatiling insipirasyon sa puso’t isip ng libo-libong mamamayan ng Cavite ang mga magigiting na martir ng probinsya na walang pagdadalawang-isip na binagtas ang hindi pangkaraniwang landas at nag-alay ng kanilang buhay para sa pagkakamit ng tagumpay. Tinatawag namin ang lahat ng rebolusyonaryong mamamayan sa Cavite na magsindi ng kandila, magladlad ng inyong mga pulang bandila at ibandera ang dakilang buhay at pakikibaka ng mga rebolusyonaryong martir!

Hindi natatapos sa undas ang pag-alala sa kanila sapagkat ang pinakamataas na anyo ng pagpaparangal sa ating mga martir ay ang pulutin ang kanilang naiwanan at sumulong sa landas na kanilang tinahak. Ang panahon ngayon ang pinakamainam na pagkakataon upang sagpangan ng ating rebolusyonaryong kilusan upang paigtingin ang pakikibaka ng mamamayan. Lalo ngayong pinaiigting ng estado ang pasistang atake nito sa probinsya sa pamamagitan ng militarisasyon, pinatinding sarbeylans, harasment, intimidasyon, pagbabanta at mga gawa-gawang kaso.

Sa pangunguna ng Task Force Ugnay-2nd Civil Military Operations Batallion, naghahasik ito ng ‘puting lagim’ sa mga eskwelahan, pagawaan at mga komunidad sa pamamagitan ng pagtatarget sa mga aktibista, lider-magsasaka’t mangingisda at lider-estudyante upang ipasailalim sa paniniktik, pambabanta at pagkakaso. Sinasabayan din ito ng pambabaluktot at pangdedemonisa sa rebolusyonaryong kilusan sa kanilang inilulungsad na Community Information Awareness and Approach Program (CIAAP) sa imbing layunin na puksain ang galit ng mamamayan at tanggalan ng karapatan na lumaban at magtanggol para sa mga batayang karapatan. Sa puting lagim ng TFU-2nd CMO, aktibo itong umiikot sa iba’t ibang munisipalidad at syudad ng Cavite upang pasukin ang mga pamayanan ng mga magsasaka’t mangingisda sa desperasyon na durugin ang mga samahan at organisasyong masa na lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan.

Ang hindi gagap ng estado, ilang ulit man nila itong gawin, hindi mapapawi ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan. Nakatatak na sa puso ng mamamayang Kabitenyo ang diwang palaban at rebolusyonaryo kaya rin makukuha ng probinsya ang bansag na “lupain ng magigiting” dahil sa mayamang kasaysayan ng paglaban nito. Ngayong panahon, pinatitindi ng estado ang operasyong militar-sibil nito sa lalawigan kasabay ng hindi maibangon na bagsak na ekonomiya na nagreresulta sa mas malaganap na kahirapan, kawalan ng trabaho, pagkasira ng kabuhayan at malawakang pagpapalayas.

Sa ngalan ng ‘pagpapasigla ng lokal na ekonomiya’, lantarang nagbubukas ang gubyerno ni Marcos kasabwat ang mga lokal na naghaharing-uri nito sa pag-iimplementa ng mga neoliberal na polisiya sa probinsya upang ‘engganyuhin’ ang dayuhang pamumuhunan. Kapalit nito ang panirikan ng libo-libong maralita at ang malawak na katubigan at kalupaang pinagkukuhaan ng kabuhayan ng mga mangingisda’t magsasaka. Lalo lamang na masasadlak ang mamamayan sa matinding kahirapan buhat ng mga iniraratsadang huwad na proyektong ‘pangkaunlaran’, hindi makataong programa at polisiya tulad ng Enhanced Provincial Development and Physical Framework Plan (2021-2030) na siyang higit na magtutulak sa masang-anakpawis sa laylayan ng lipunan.

Ang mamamayan ay hindi mauubusan ng dahilan upang sundan ang bakas na naiwan ng ating mga martir. Kaya ngayong buwan ng Nobyembre, ipinapanawagan namin sa mamamayan sa Cavite na hambalusin ng protesta ng paniningil ang rehimeng Marcos! Magsilbing inspirasyon sa atin ang buhay ng mga martir! Magigiting na kabitenyo, sumampa sa kanayunan, tumangan ng armas at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Source link