Ngayong Buwan ng Magsasaka, ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid-National Democratic Front of the Philippines-Ilocos ay nagpupugay sa buong uring magsasakang Pilipino na nagbabandila ng kanilang makasaysayang tungkulin bilang pangunahing pwersa sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang kanilang deka-dekadang pakikibaka laban sa pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo ay kahahalawan ng mahahalagang aral sa higit pang pagpapayaman ng praktika ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.
Ang rebolusyonaryong kasaysayan ng Ilocos ay maningning na kasaysayan ng dakilang pakikibaka ng magsasaka. Nag-alsa sila laban sa monopolyo sa tabako at basi ng kolonyalistang Espanya sa Unang Rebolusyong Pilipino at ipinagpapatuloy ang paglaban sa malapyudal at malakolonyal na kaayusan ng lipunan sa kasalukuyang bagong demokratikong rebolusyon. Ang pagsulong ng kanilang dakilang pakikibaka ay pinagbuwisan ng dugo’t buhay ng hindi iilang mga Pulang mandirigma, mga kadre ng Partido, rebolusyonaryo at mga lider-masa na ang kalakhan ay nagmula sa uring magsasaka. Marami itong pinagdaanang hamon, pangunahin ang mga kampanyang pagdurog ng mga nagharing rehimen, kabilang ang mga paglihis at pag-atras dahil sa mga panloob na kamalian, subalit sa kabuuan ay sumulong ito at nakapag-ambag sa pagtataguyod ng demokratikong rebolusyon sa buong bansa sa mahigit nang limang dekada.
Nailatag ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa Ilocos sa panahong lukob ang bayan ng pasistang diktadura ng US-Marcos sa pagpataw nito ng Martial Law mula maagang bahagi ng 1970s. Naghari sa rehiyon ang mga warlord ni Marcos na mga despotikong panginoong maylupa’t malalaking burges kumprador, na nandadahas sa magsasaka upang ipataw ang mataas na upa sa lupa, usura at barat na presyo ng tabako.
Sa isang hayag na samahan ay unang ipinaglaban ng magsasaka ang pagpapababa sa upa sa lupa at interes sa pautang ng mga panginoong maylupa at usurero, sa tulong ng progresibong pari na si Fr. Zacharias Agatep. Agad na sinupil ito ng pasistang rehimen. Dahil sa kahirapan ng hayag na kilusan na salagin ang marahas na panunupil ng kaaway, maraming magsasaka ang nagpasyang humawak ng armas at nabuo ang isang platun ng NPA sa Ilocos Sur. Ang mga progresibong kasapi ng hayag na samahang magsasaka ay sumapi sa rebolusyonaryong organisasyong pangmagsasaka—na naging baseng masa sa paglalatag ng sonang gerilya ng Ilocos hanggang sa mga huling taon ng dekada 1970.
Pagsapit ng dekada 80 ay nagpatuloy ang paglakas ng armadong pakikibaka sa rehiyon. Ito ay sa pagpapatuloy ng masikhay na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang magsasaka sa usapin ng suliranin sa lupa at pyudal na pagsasamantala. Subalit mula 1984, ang lihis na linya ng adelantadong insureksyon at adbenturismong militar na lumaganap sa buong bansa ay tumagos sa Ilocos.
Sa paglulunsad ng Partido sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, muling pinagtibay ang usapin sa lupa bilang sentral na usapin sa pakikibakang masa at digmang bayan. Binalikan ang pagbubuo at pagpapalakas ng bag-as at mga rebolusyonaryong organisasyong masa (ROM). Malaki ang pinapel ng mga kabataang-estudyante mula sa mga sentrong bayan ng Ilocos at kalunsuran na tumugon sa panawagan ng Partido na sumampa sa hukbong bayan at tumulong sa pagsusulong ng kilusang pagwawasto sa kanayunan.
Bunga nito ay muling isinulong ang anti-pyudal na kampanya. Nakapagbreytru sa pagpapataas ng sahod, at muling isinulong ang pakikibakang kontra-usura at pagpapababa sa upa sa lupa. Ipinaglaban ang land tenural rights at tinutulan ang kanselasyon ng CLT. Nakaani ng tagumpay ang magsasaka dito gaya ng mula 50-50 hatian ay naging 75-25 pabor sa magsasaka sa mga bayang nilunsaran ng pakikibaka at mga pagbabawas sa interes ng pautang hanggang sa pagpapawalambisa sa mga utang ng magsasaka na pinatawan ng mabibigat na kundisyon. Sa antas-rehiyon na pakikibaka sa pagpapataas ng presyo ng tabako, ay nakakapagkamit kahit kakarampot ng kongkretong benepisyo dito. Pinalakas ng magsasaka sa Ilocos ang pagsisiwalat sa korapsyon sa excise tax ng tabako, na lumaganap at tumampok sa pambansang antas na rumurok sa pagpapatalsik kay Presidente Joseph Estrada.
Inilunsad din ng mga magsasaka ang matatagumpay na antas bayang pagkilos para sa serbisyo sa sakahan at panlipunan gaya ng pag-aayos ng NIA sa mga irigasyon, konstruksyon ng farm-to-market road, serbisyo sa kalusugan at potable water system at epektibong flood control. Sa mga mauunlad na rebolusyonaryong organisasyon ay ipinatupad ang mga kooperasyon sa sakahan gaya ng ammoyo o bayanihan sa gawaing-bukid, pag-iimpok at mga sosyo-ekonomikong proyekto. Kasabay ng mga paglabang ito ay lumahok din ang masang magsasaka ng Ilocos sa mga pagkilos laban sa black sand mining at malakihang pagmimina sa kabundukan, gayundin ang pagtutol sa pulitikal na dinastiya. Umigting ang militarisasyon para supilin ang pakikibakang masa, ngunit mas tumaas pa ang militasya ng mga magsasaka at isinulong nila ang kampanyang pagpapalayas sa mga nakadeploy na militar sa mga komunidad.
Ang paglulunsad ng agraryong rebolusyon (agreb) ay naging epektibo sa pag-agapay ng armadong pakikibaka. Isinagawa ng Pulang hukbo ang gawaing pagnyutralisa sa mga matitigas na panginoong maylupa at komersyante-usurero at pinarusahan ang despotiko na gumamit ng militar sa pandarahas sa magsasaka. Pinarusahan ang mga ahenteng paniktik at naglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga tropa ng Philippine Army at PNP gayundin sa pagpuksa sa mga kriminal at masasamang elemento sa baryo. Malaki din ang naitulong ng Hukbong Bayan sa pagresolba sa mga sumusulpot na kontradiksyon sa hanay ng magsasaka, sa gayon ay lalong humigpit ang kanilang pagkakaisa at pinalakas pa ang kanilang suporta sa armadong pakikibaka. Upang madagdagan ang kanilang pwersang pananggol ay itinayo ng magsasaka ang mga yunit ng Milisyang Bayan. Lumaki ang bilang ng mga sumapi sa NPA. Napalawak ang eryang kinikilusan ng hukbo na nilulunsaran ng agreb.
Makabuluhan na ang nakamit nating tagumpay sa pagsusulong ng agreb at digmang bayan sa Ilocos, subalit malawak pa ang mga kanayunan, kabundukan, mga kapatagan at kabayanan na kailangan nating abutin. Marami pang magsasaka ang ating mumulatin, oorganisahin at pakikilusin upang magtamo din ng mga benepisyo sa agreb.
Hangga’t hindi ganap na napagtatagumpayan ang demokratikong rebolusyon ng bayan, mananatili ang bulok na sistemang panglipunang pinaghaharian ng iilan. Ilang dekada na ang nakakaraan, mula panahon ng rehimen Marcos Sr hanggang sa kasalukuyang rehimen Marcos Jr ay hawak pa rin ng mga parehong dinastiyang warlord na panginoong maylupa at malalaking burges kumprador ang kapangyarihan, lupa, negosyo at kayamanan sa rehiyon. Lumalala ang suliranin sa lupa sa pang-aagaw sa kanilang sinasaka at kabuhayan sa patakarang pagpapalit-gamit sa lupa. Mas umiigting din ang pang-aapi sa mga katutubong magsasaka sa pang-aagaw sa kanilang ansestral na teritoryo sa mga proyektong pang-enerhiya at turismo. Patuloy na bumabagsak ang kanilang ani at kita dahil sa usura, lumalalang mga porma ng pagsasamantala sa bentahan dahil sa liberalisasyon sa agrikultura, kawalang suporta ng rehimen sa magsasaka sa panahon ng mga kalamidad, at korapsyon sa pondong pang-subsidyo at serbisyo sa produksyon.
Gamit ang Anti-Terror Law at NTF-Elcac, lalo pang pinag-iibayo ng rehimeng Marcos Jr ang kampanyang pagdurog at panunupil sa rebolusyonaryo at demokratikong kilusan ng mamamamayan, at karamihan pa ring pinupuruhan nito sa Ilocos ay mga magsasaka. Sa harap nito ay patuloy pa ding nakikibaka ang magsasaka ng Ilocos. Ito ay taliwas sa ipinangangalandakan ng rehimen na durog na ang rebolusyonaryong armadong kilusan at baseng masa nito sa rehiyon. Ang hukbong bayan at magsasaka ay mahigpit pa ring nagkakapitbisig sa pagrerekober at pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong baseng masa at nagsusulong ng agraryong rebolusyon.
Halawin at isabuhay natin ang mga mahahalagang aral sa pakikibaka ng magsasakang Ilokano para sa ibayo pang pagsulong hanggang makamit ang tagumpay. Ang pundamental na aral dito ay ang pagsalig sa prinsipyo ng mahusay na integrasyon ng tatlong sangkap ng demokratikong rebolusyon ng bayan-ang armadong pakikibaka, agraryong rebolusyon at pagbubuo ng base.
Una ay ang paghawak sa pakikibakang anti-pyudal na linya bilang sentrong usapin sa pakikibaka sa kanayunan. Naipundar ang rebolusyonaryong kilusan ng magsasaka at mamamayan ng Ilocos dahil sa pag-iral at paglaban sa monopolyo sa lupa at pyudal na pagsasamantala.
Pangalawa, malalabanan lamang ang pyudal na pagsasamantala sa pamamagitan ng armadong pakikibaka dahil ang naghaharing-uri ay gumagamit ng armadong pwersa ng estado sa pagtatanggol sa kanilang interes. Sa kabilang banda, ang agraryong rebolusyon ang sentrong batayan ng armadong pakikibaka.
Pangatlo, sa pagsusulong ng agreb at armadong pakikibaka, kinakailangan ang rebolusyonaryong samahang magsasaka na bag-as ng pakikibakang magsasaka. Ito rin ang balon ng hukbong bayan at kasuporta nila sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Kung sumusulong ang agreb at nagbebenepisyo ang magsasaka dito, lumalawak at lumalalim ang baseng masa at sumusulong ang armadong pakikibaka.
Dapat igpawan ang konserbatismo sa pagpapataas at pagpapalawak ng mga ROM sa hanay ng mga nagbebenepisyong magsasaka. Ang katatagan ng rebolusyonaryong base ang sasalag sa atake ng kaaway.
Sa kabuuan, sa inabot na pagsulong ng pagpapatupad sa minimum na programa sa reporma sa lupa sa rehiyong Ilocos, tinatamasa ngayon ng ilampung libong masang magsasaka ang benepisyo sa pagpapababa sa upa sa lupa, usura at mga serbisyo sa pagsasaka. Pakonti-konti man, dahil sa kanilang pakikibaka ay naitataas pa rin ang presyo ng tabako at mas mahalaga ay naisisiwalat at nilalabanan ang mga pagsasamantala ng mga kapitalista at mga burukrata dito. Pinakamahalagang tagumpay na nakamit sa ilang dekadang pakikibaka nila ay ang pagkakabuklod ng magsasaka tungo sa paglalatag sa digmang bayan at pagbubuo ng Pulang kapangyarihan ng magsasaka ng Ilocos. At anupamang kampanyang paglipol ang ipakat ng kaaway ay hindi na basta-basta malilipol ito.
Sa Ilocos, higit pang tumatampok ang pangangailangan ng ibayong pagsusulong ng armadong pakikibaka dahil sa pananatili ng paghahari ng mga dinastiyang warlord na panginoong maylupa at malalaking burges-kumprador, na lalo pang pinalalakas ng AFP at PNP. Ito ang matabang lupa upang higit pang sumulong ang armadong rebolusyon ng magsasaka sa rehiyon. At walang ibang magpapatuloy sa kasaysayan ng dakilang pakikibaka ng magsasaka kundi ang mga kabataan. Habang ibinabandila ang mga tagumpay na natamo ay kailangang mahigpit na panghawakan ang mga aral sa mahigit limang dekada ng pakikibaka.











