Ikatlong beses na pagpapasuko at paghuli ng AFP at PNP sa taksil sa rebolusyon na si Boboy Goyala, pagkamal sa pondo ng pakanang programang balik-loob sa reaksyunaryong gubyerno ng rehimeng Bongbong Marcos Jr

Nito lang Agosto 5, nakakagulat ang balita at pahayag ni PCol. Jefferson Araojo, Provincial Director ng Masbate Police Provincial Office, na isang Rank No. 1 Regional Most Wanted Person ang nadakip sa barangay Cawayan Exterior, Masbate City na kinilalang si Jake/Gerome na umanoy kasapi ng New People’s Army (NPA). Pinuri pa nito ang pagtutulungan ng kapulisan at militar kabilang ang CIDG Masbate PFU, RIU5/PIT5, PIU Masbate PPO, Masbate City Police Station, Masbate MARPSTA, 94th SAC at 96th IB sa umanoy pagkahuli ni Jake/Gerome.

Sa katunayan, matagal nang nag-AWOL (absence without leave) sa kilusan si Boboy Goyala alyas Jake/Gerome, taga-Cawayan Interior, Masbate City dahil hindi nito kayang sumunod sa mga alituntunin at patakaran sa loob ng kilusan. Sumapi ito sa BHB noong 2019 at sa loob ng humigit-kumulang apat na taon na pagiging kasapi ng NPA, makailang ulit itong bumaba hanggang sa nag-awol noong 2023, dala ang nakaisyu sa kanyang isang armalayt at isang KG9 at mga granada.

Matapos mag-awol, sumuko siya sa reaksyunaryong gubyerno sa pamamagitan ni Mayor Atis Tuazon noong 2024 at naging bayaran at goons ng pulitiko at tau-tauhan ng militar at pulis.

Matapos matalo si Tuazon sa kandidatura noong nakaraang Mayo 9, 2025 eleksyon ay lumipat at naging tauhan ito ni Mayor Marites Delarosa ng Baleno. Noong Hunyo 10, kabilang si Goyala sa ipinangalandakan ni Lt. Col. Francis Espiritu, Commanding Officer ng 96th IB sa mga sumuko na NPA sa bayan ng Baleno. Kasama pa nitong sumuko sina Junjun Fernandez, Gilbert Dalanon at Angelo Ybañez.

Nakakatawang isiping tila pinalalabas pa ng militar at pulis na aktibo pa ring kasapi ng NPA si Goyala sa mga isinampa nilang kaso laban dito. Sa kabila na batid na batid nila na matagal na nila itong surenderi at sa katunayan maamo nilang tuta. Dahil pinapayagan nito ang militar at pulis na makailang ulit siyang gamitin upang makamal ang pondong nakalaan sa pakanang programang balik-loob ng reaksyunaryong gubyerno.

Malinaw na ipinapakita nito na hindi tunay at maaasahan ang naturang programa ng reaksyunaryong gubyerno dahil hindi totoong napapasakamay ng mga surenderi ang pondo para umano sa pagpapanibagong buhay ng mga ito. Sa halip, kinakasangkapan lang ng militar at pulis ang mga surenderi upang paghatian at maibulsa nila ang ilandaang-libong pondo at naging di natutuyong bukal ng kanilang kurakot ang naturang programa. Matalino silang nagpapalabas ng kunwaring mga nagkaroon ng benepisyo sa programang balik-loob upang pagtakpan ang kanilang pangungurakot. Habang itinatago naman ang kalagayan ng mas nakararami na patuloy pa ring nabubuhay sa kahirapan at gutom. At kadalasan ay biktima sila ng pagbabandera ng militar at pulis sa pakitang mga accomplishment laban sa NPA at rebolusyonaryong kilusan sa tabing ng mga pagpapasuko, pagkahuli at masahol, sa mga pekeng engkwentro.

Matagal nang batid ng lahat ng masang Masbatenyo ang iskemang ito ng militar at pulis. Batid na batid rin nila na iilan lang sa mga nagbalik-loob ang tunay na mga dating kasapi ng NPA dahil sila mismo ay biktima ng sapilitang pagpapasuko ng militar at pulis. Inobliga silang ipalinis ang kanilang mga pangalan sa kabila na lehitimo naman silang mga sibilyan.

Nananaginip nang gising ang militar at pulis kung pinaniniwalaan nilang mapapaniwala nila ang masang Masbatenyo sa pagbabandera ng umanoy mga tagumpay laban sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng muling pagpapasuko at paghuli sa mga dating surenderi. Puno ng kasinungalingan at panlilinlang ang programang balik-loob na pinasimulang ipatupad ng dating rehimeng Rodrigo Duterte at kasalukuyang ipinagpapatuloy naman ng rehimeng Bongbong Marcos Jr. Dahil kailanman, hindi matutupad ang mas ligtas at mapayapang Masbate na palaging bukambibig ng mga militar at pulis dahil sila mismo ang pangunahing naghahasik ng kaguluhan, karahasan at kasangkapan sa pag-agaw sa kabuhayan at lupa ng mamamayan sa prubinsya. Tanging sa pagtatagumpay lang ng rebolusyon tunay na makakamtan ng masang Masbatenyo ang kapayapaan, katiwasayan at kasaganaan ng kanilang pinakamamahal na bayan.

Source link