Nagsagawa ng protesta sa baybay ang mga kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) noong Hulyo 12 para gunitain ang hatol ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 hinggil sa mga usapin sa West Philippine Sea (WPS). Kasabay ang pagkilos ng ika-9 na anibersaryo ng arbitral ruling ng PCA.
Sa desisyon ng korte noong 2016, pinawalang-saysay ang pag-angkin ng China sa kabuuan ng South China Sea, kabilang ang malaking bahagi ng West Philippine Sea, sa ilalim ng sinasabi nitong “9-dash line.” Pinagtibay din ng korte ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa 200 nautical miles (370 km) mula sa baybayin ng bansa na itinuturing na exclusive economic zone (EEZ). Itinakda ito sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Isinaad rin sa desisyon na ang Scarborough Shoal (Panatag Shoal) ay isang komun na pangisdaan na pinagsasaluhan ng tradisyunal o maliliit na mangingisdang Pilipino, Vietnamese at Chinese. Nangangahulugang hindi pupwedeng pigilan ang mga mangingisdang Pilipino na pumasok at mangisda doon. Ito ay bahagi rin ng EEZ ng Pilipinas.
Pinuna rin ng desisyon ang China sa labag sa batas na pagharas nito sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na naglalayag sa EEZ at isa itong paglabag sa soberanong karapatan ng bansa. Idiniin nito ang pagsira ng China sa kalikasan ng ilang bahagi ng West Philippine Sea dahil sa isinagawa nitong mga proyektong reklamasyon sa lugar para magtayo ng artipisyal na mga isla.
Tulad ng sinabi sa desisyon, “ang China ay parehong may sala sa pagkasira sa kalikasan ng dagat sa pamamagitan ng malawakang reklamasyon at iligal na pangingisda, at paglabag sa karapatan ng mga Pilipinong mangingisda sa ating exclusive economic zone,” pahayag ni Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya.
Aniya, siyam na taon matapos ang makasaysayang tagumpay sa PCA ay hindi pa rin tumitigil ang China sa paglabag sa ating karapatan sa pangingisda sa karamihan ng bahagi ng West Philippine Sea. Isinaad ng lider-mangingisda na apektado ng mga hakbang na ito ng China ang mahigit 600,000 na mangingisda at mga manggagawa sa pangingisda mula sa iba’t ibang lalawigan ng bansa.
Nanawagan si Hicap sa China na sumunod sa hatol ng korte at igalang ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino. Kasabay nito, itinutulak ng Pamalakaya ang mga diplomatikong hakbang para isulong ang demilitarisasyon sa WPS nang walang pakikisawsaw ng dayuhang mga kapangyarihan sa ating teritoryong pantubig.











