Naglunsad ng programa ang mga manggagawa ng Kawasaki Motors Phils Corporation (KMPC) at kanilang unyon na Kawasaki United Labor Union (KULU) noong Agosto 29 sa harap ng hedkwarters ng kumpanya sa Muntinlupa City. Minarkahan nila ang ika-100 araw ng welga na ikinasa noong Mayo 21 dahil sa deadlock o hindi pag-usad ng negosasyon sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng maneydsment at unyon.
Pinagpugayan ng unyon ang mga manggagawa sa patuloy nilang paninindigan para sa welga. “Ika-isang daang araw ng pagpapaabot ng hinaing at panawagan para sa tamang benipisyo at nakakabuhay na dagdag sahod,” pahayag ng KULU.
Sa higit tatlong buwang welga, ilang ulit nang nagharap ang pamunuan ng Kawasaki at ng unyon para mag-usap at makipagnegosasyon sa pangangasiwa ng Department of Labor and Employment. Sa mga negosasyong ito, higit lamang na ipinakita ng Kawasaki ang pagiging garapal at walang-awa sa manggagawa.
“Ramdam natin ang hirap ng ating pagsasakripisyo pero kailanman hindi pinanghinaan at sumuko dahil alam natin ang kalagahan ng ating pinaglalaban,” dagdag nito. Nagpatuloy ang welga ng KULU sa harap ng mga maniobra, panggigipit, pananakot at iba pang taktika ng kapitalistang Kawasaki.
Nitong Agosto, nagsampa ang KMPC ng notice of lock out laban sa 289 rank-and-file na myembro ng unyon. Tinawag din ng kapitalista na “iligal” ang welgang ikinasa ng KULU. Pinaratangan din nito ang KULU na lumabag sa “No Strike/No Lockout” na artikulo sa kanilang pinirmahang CBA noong Mayo 2022.
“Nakakalungkot lang dahil sa tagal ng ating laban, napatunayan natin kung gaano ka walang puso ang mga namumuno ngayon sa kumpanya sa kanilang mga manggagawa…imbes na umisip ng solusyunan kung paano magkakaayos ay puro taktika ng pananakot at paninira ang kanilang ginawa mapahina lang ang ating hanay at tangapin ang kanilang pangbabarat,” anang KULU.
Isinusulong ng KULU ngayon ang 10.5% pagtaas sa kanilang sahod (mula sa dating 11.5%) na tinatapatan lamang ng barat na alok na 5% pagtaas ng KMPC. Ayon sa unyon, ang abereyds na sahod ng mga manggagawa sa kumpanya ay nasa ₱37,000 kung saan 60% ng mga manggagawa ay mas mababa pa dito.
Hindi naniniwala ang mga manggagawa sa pagdadahilan ng KMPC na wala itong sapat na pondo para suportahan ang dagdag-sahod. Sa hawak na datos ng KULU, kumita ang KMPC ng higit ₱35 bilyon mula 2021 hanggang 2023.
Nakiisa sa programang inilunsad sa ika-100 araw ng welga ang militanteng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno at mga unyon sa ilalim nito, ang Kilos na Manggagawa at iba pang grupo. Personal na lumahok sa piket si Jerome Adonis, tagapangulo ng KMU, para magpahayag ng suporta sa laban ng unyon.
“Hindi natibag ang pagkakaisa ng mga welgista,” pagkilala ng KMU. Nanawagan sila sa mga kapwa manggagawa na tuluy-tuloy at buong-lakas na suportahan ang KULU at kanilang welga. “Samahan natin silang kamtin ang tagumpay!” hamon ng KMU.
Ang KMPC ay nagpoprodyus ng mga motorsiklo at parte ng motorsiklo. Dagdag dito, ang kumpanya ay gumagawa at nag-eeksport ng mga component at power product, at nagbibigay ng serbisyo sa mga piyesa at pagkukumpuni.











