Ang Bayan Ngayon » ICC, itinakda ang kumpirmasyon sa kaso ni Duterte sa Pebrero

Itinakda na ng International Criminal Court (ICC) ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa dating pangulo na si Rodrigo Duterte sa Pebrero 23. Ito ay matapos magdesisyon ang korte na siya ay “fit to stand trial” alinsunod sa rekomendasyon ng grupo ng independyenteng mga duktor. Unang itinakda ang kumpirmasyon noong Setyembre 23, 2025.

Ipinagpaliban ang pagdinig dahil sa petisyon ng mga abugado ni Duterte para sa walang taning na pagpapaliban dahil wala diumano siya sa wastong kaisipan para harapin sa paglilitis. Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng kasong krimen laban sa sangkatauhan bunga ng kanyang huwad na gera kontra-droga. Matutuloy na ang paglilitis matapos ang kumpirmasyon.

“Dapat mapatigil nito ang drama na (si Duterte) ay matanda at lubha nang mahina…malinaw na itinuturing ng Korte na maalam siyang tao na may pag-unawa kung ano ang ikinaso sa kanya,” pahayag ni Atty. Krissy Conti, isa sa mga abugado ng mga pamilya ng mga biktima. “(H)anda kami para sa araw na iyon, at para sa bawat araw na didinggin ang kaso sa korte.”

Matatapos din nito ang mga pagtatangka ni Duterte sa nakaraang limang buwan na pigilan ang paglilitis, ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

“Desperado sina Duterte at mga kasapakat niya na ipatigl ang proseso dahil wala silang kahit anong depensa sa mga krimeng ginawa nila,” ani Palabay. “Hanggang ngayon, siya pa rin ang brutal at walang pagsisising tirano gaya noong nasa poder pa siya.”

Source link