Ibayong kapalpakan, pahirap at karahasan ang husga ng bayan sa papet na rehimeng US-Marcos II sa kanyang ikaapat na SONA

Kaisa ng mamamayang Pilipino ang PKP-TK sa pagtuligsa sa masahol pa sa delubyong hatid ng ikatlong taon ng rehimeng US-Marcos II sa taumbayan. Sa pagsapit ng kanyang ikaapat na SONA, marapat na labanan ng sambayanan ang ibayong kapalpakan, kahirapan at karahasan ni Marcos Jr. resulta ng walang-pakundangan at labis na pangangayupapa nito sa interes ng imperyalismong US.

Sa kabila ng mga pagtatakip, nagdudumilat ang katotohanang tuluy-tuloy na bumubulusok ang ekonomya ng bansa. Nagaganap ang krisis sa trabaho resulta ng tuluy-tuloy na pagbawas sa sektor ng manupaktura na nagdulot ng halos kalahating milyong kawalang trabaho mula 3.7m-3.3m (pinakamalaki sa semiconductors at electronics). Bukod dito, papalala ang kalidad ng hanapbuhay sa bansa. Kahit pa sinasabi ng datos ng PSA na tumaas ang empleyo ng 317,000 nitong Abril kumpara noong Abril 2024 na umaabot ng 48.7 milyon, malilinaw ang mga indikasyon ng krisis sa pagtaas ng bilang ng mga manggagawa sa impormal na sektor, pagbaba ng kalidad ng hanapbuhay at napakababang sahod.

Hilahod na ang taumbayan sa di maampat na implasyon ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Sa loob lamang ng unang limang buwan ng taon, 11 beses na tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa. Kahit pa 10 ulit ang pagrollback, nagresulta pa rin sa netong dagdag na P4/litro sa presyo ng gasolina at P3.80/litro ng diesel. Itinulak nito ang lalupang pagtaas sa presyo ng iba pang batayang bilihin.

Sa halip na dinggin ang malaon nang panawagan para sa pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa, kinitil ni Marcos II ang panukala ng dalawang kapulungan ng kongreso na P100-200 taas-sahod at sa halip ay namahagi ng limos na P50 sa NCR. Sa Timog Katagalugan, nasa 50-65% ang diperensya ng sahod na tinatanggap ng mga manggagawa kumpara sa family living wage o nakabubuhay na sahod na dapat nilang tanggapin. Kabilang ang MIMAROPA o Region-4B sa may pinakamataas na diperensya sa pagitan ng minimum at nakabuhay na sahod na P809. Samantala, nananatiling barat ang presyo ng produktong-bukid ng mga magsasaka sa farmgate tulad ng palay, iba’t ibang klase ng gulay, mga prutas, halamang-ugat at iba pa. Lalong peste para sa mga magsasaka at kanilang mga tanim ang panghahagupit ng sunud-sunod na bagyo at sama ng panahon pagpasok nitong Hunyo habang walang maayos na programa ang gubyerno para sa pagtugon sa sakuna at pamimigay ng ayuda.

Bisyo na ni Marcos ang maglamyerda sa labas ng bansa kahit pa sa gitna ng pagdurusa ng mga Pilipino sa kalamidad at hatid nitong kahirapan. Habang sisinghap-singhap ang bayan sa mga bagyo at pagbaha ilang linggo bago ang SONA, nakipagpulong ito kay Donald Trump, ang utak-pulburang presidente ng US para mangulimbat ng limos at ibubulsang kurakot kapalit ng pagsubasta sa pambansang kalayaan at soberanya. Walang-utak na pumayag si Marcos II sa pakitang-taong 1% pagbawas sa taripa ng mga produktong Pinoy patungong US mula 20% na naging 19% habang 0% ang taripa ng mga produktong US na itinatambak sa bansa. Inaasahang lalo nitong palolobohin ang taunang depisito sa kalakalan ng bansa sa US at ilulubog ang bansa sa utang. Matatandaang nitong 2024, pumalo ito sa $4.9 bilyon o katumbas ng P274 bilyon, na lumaki ng 21.8% mula sa naitala noong 2023.

Para tabingan ang kapalpakan ng rehimen at galit ng bayan, isinagawa ni Marcos sa kalagitnaan ng taon ang balasahan sa kanyang gabinete. Gayunman, pangita agad sa bungad palang ng balasahan sa economic cluster ni Marcos ang pagsisikap nitong kunin ang loob ng pinakamalalaking grupo ng malalaking burgesya kumprador sa bansa. Kaya naman, nagkaroon man ng pagbalasa at pagpalit sa mga opisyal sa gabinete ng gubyerno ni Marcos, wala pa ring nagbago–nananatiling ang mga patakarang pang-ekonomya ay kiling sa interes ng iilang naghaharing-uri at dayuhang interes sa kapinsalaan ng kabuhayan ng mayorya ng sambayanang Pilipino. Wala namang ibang yumaman sa loob ng tatlong taon ni Marcos sa estado-poder kundi ang mga tulad niyang naghaharing uri. Mula 2015, lumaki nang 563% ang yaman ng tatlong pinakamayayamang MBK sa bansa, sina Enrique Razon, Manny Villar at Ramon Ang na siya ring pinakapinapaboran ng rehimeng US-Marcos II. Hindi maitago kahit ng SWS survey nitong Marso na higit doble ang inilaki ng kagutuman sa bansa mula nang maupo ang rehimen sa 27.2% o 7.5 milyong pamilya.

Bukod dito, tumatabo ang pamilya Marcos ng limpak-limpak na halaga sa kabi-kabilang pagsisikap na makakuha ng pinakamalaking bahagi sa kikbak sa iba’t ibang negosyo at proyekto ng gubyerno, pangunahin ang Maharlika Investment Fund, pondo ng opisina ng presidente atbp. Hindi pa nasapatan dito, walang kahihiyang tinatrabaho ng pamilya ang pagpa-“panalo” sa kaso laban sa pagbawi ng mga nakaw nilang yaman sa panahon ng diktadurang militar ng matandang Marcos.

Tulad ng mga nagdaang rehimen, kulang at palpak ang ayuda habang kuntodo waldas si Marcos II sa pondong pandepensa ng bansa para gantimpalaan ng mamahaling sasakyan at armas pandigma at busugin ng burukratikong kurapsyon ang mga militar. Gumastos ang militar ng P312 bilyon o $5.58 bilyon para sa mga pinaglumaang eroplanong pandigmang F-16 ng US. Panay barya ang ayuda at dagdag-sahod para sa masang anakpawis habang tinitigib ang walang-kabusugang bulsa ng mga militar, laluna ang pinakamatataas nilang opisyal gamit ang pondo ng bayan. Ang mga militar na ito na naglulunoy sa kayamanan at kapangyarihan ang nagpapataw ng walang kaparis na pagdurusa at karahasan sa masang Pilipino, laluna sa kanayunan at nagtatamasa ng kawalang-pananagutan sa kanilang mga krimen, bagkus ay pinaparangalan pa.

Higit pang lumalala ang karahasan laban sa sambayanan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Ginamit niya ang mga pasistang batas na minana sa nagdaang rehimeng Duterte. Karumal-dumal ang naiulat na 180,074 biktima ng mga paglabag sa karapatang tao mula Disyembre 10, 2024 hanggang Hunyo 30. Ngayong taon naman, ipinatupad ni Marcos ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) 2025-2028 upang patindihin ang pampulitikang panunupil sa mamamayang Pilipino. Binago man ang pangalan, alam ng mamamayang Pilipino sa kaibuturan na wala itong pinag-iba sa Executive Order No. 70 ng tiranikong rehimeng Duterte sa pagiging pasista at mapanlinlang. Desperadong hakbang ito ng rehimen sa kabiguan nitong durugin ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino.

Itinotodo pa lalo ng rehimen ang pasismo at terorismo upang hibang na habulin ang layuning “pagpihit” ng armadong pwersa mula “internal na depensa” tungong “eksternal” para sa nilulutong gera ng US laban sa China. Ipinagpapatuloy ang FMO at RCSP sa kanayunan na pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng masang magsasaka at kanilang komunidad. Lansakan ang aerial bombardment, pang-iistraping at panganganyon sa mga kabundukan sa kanilang paIasak na paghahabol sa target na lipulin ang NPA. Sa kabila ito ng pagmamayabang ng rehimen na iisa na lang ang “pinahinang” larangang gerilya sa buong bansa.

Sa kalunsuran naman, patuloy na kinakasangkapan ng rehimen ang Anti-terrorism Law at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act upang supilin ang lehitimong pakikibaka ng manggagawa, maralitang lunsod, kabataang-estudyante at iba pang demokratikong uri at sektor, maging ang kanyang mga kritiko.

Dismayadong-dismayado na ang taumbayan sa astang hipong-tulog ni Marcos sa pagdelay at animo’y pagbasura ng lehislatibo at hudikatura sa mga petisyon sa kamara na patalsikin si Sara Duterte dahil sa mga kaso nito ng korapsyon. Para alisin ang responsibilidad bilang pinuno ng ehekutibong sangay ng gubyerno ang pananagutan, hinayaan nito ang desisyon ng korte suprema na tawaging “labag-sa-batas” nito ang mga petisyon ng pagpapatalsik kay Sara bilang bise presidente. Nagawa ito ng reaksyunaryong korte sa kabila ng popular na sentimyento ng iba’t ibang grupo at saray ng lipunan laban sa batang Duterte. Palibhasa, tigatig si Marcos ng katotohanang kapag napatalsik si Sara ay maaaring siya na ang isunod dahil kung tutuusin di hamak na mas malaki ang kinulimbat nyang pondo ng bayan kaysa kay Sara Duterte.

Tulad ng nagdaang mga SONA ni Marcos II, walang aasahan kundi mga buladas ng pinekeng mga datos na indikasyon diumano ng kaunlaran, at iba pang kasinungalingan para palabasing epektibo ang kanyang mga hakbangin at patakaran. Walang dapat ipagmalaki si Marcos II–ang kanyang bente-pesos na bigas ay parang sakit ng tiyan lamang at pangunahin pang ginamit para sa kampanya sa nakalipas ng eleksyong midterm at muling ginamit ngayong Hulyo para magpabango bago ang kanyang SONA. Pero hindi niya mapaniniwala ang taumbayan na hindi na magkandaugaga at kayod-kalabaw sa arawang paghahanap ng kikitain para lamang maitawid ang kani-kanilang pamilya sa kagutuman at kahirapan.

Walang ibang dapat gawin ang taumbayan kundi bagyuhin at yanigin ng mga protestang bayan ang kanyang ikaapat na SONA para singilin sa kanyang mga kapalpakan at kapabayaan habang ipinauunang lubos ang pagsunod sa utos ng imperyalismong US. Dapat tipunin ang galit ng taumbayan at isambulat ang isang higanteng kilusang protesta ng mamamayan. Kasabay nito, dapat ilunsad ng mga yunit ng NPA sa kanayunan ang kakayaning mga taktikal na opensiba para padagundungin ang sigaw ng masa para sa digmang bayan na tanging solusyon sa salot na rehimeng US-Marcos II na ngayo’y punong haiigi ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Ito lamang ang pinakaepektibong mga anyo ng paglaban sa rehimeng US-Marcos II para makamit ng bayan ang pangmatagalang kapayapaan, kasaganaan at hustisyang panlipunan. Ito lamang ang pamatay na dagok sa pamamayani ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo na mga salot at ugat ng kahirapan ng sambayanan. Pananagutin ng rebolusyonaryong hustisya ang mga kapural ng krimen at pang-aapi sa mamamayan. Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, ipatutupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, kaakibat ng soyalistang konstruksyon na gagarantiya sa kasapatan at kasaganaan. Titiyakin ng bagong estadong itatayo ng mamamayan na interes at boses ng uring anakpawis ang ipapauna habang unti-unting pinapawi ang pagsasamantala.

Source link