PRWC » Ibayong kahirapan, pandarambong at di makatarungang digma ang hatid ng rehimeng US-Marcos Jr sa mamamayan ng Cagayan Valley

Ngayong araw, sa ikalimang State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr, panata ng National Democratic Front-Cagayan Valley (NDF-CV) na ibuhos ang lahat ng pagsisikap nito na pagkaisahin ang mamamayan ng rehiyon na isulong ang rebolusyonaryong kilusan upang ibagsak ang korap at bulok na rehimeng pinamumunuan niya. Sa gitna ng lumalalang krisis sa ekonomiya at pulitika na pinamamayani nito, pagtibayin ang ating paninindigan na isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon upang maipatupad ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon upang makamit ang masaganang buhay at pangmatagalang kapayapaan para sa mamamayang Pilipino.

Ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ay malawakang nangwasak sa ating mayamang kabundukan at nanalasa sa ating matabang kabukiran sa Cagayan Valley na nagtulak sa ating mamamayan sa mas mapang-aping kagutuman, nagpapatuloy na kawalang-lupa, di-makataong pagkapalayas, pagkawala ng kabuhayan at matinding desperasyon.

Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr, ang mamamayan ng Cagayan Valley ay lalong nasasadlak sa kahirapan. Ang mabibigat na epekto ng El Niño ay pinalala ng mahabang panahon ng kapabayaan at korapsyon ng reaksyunaryong gubyerno sa pagtatayo ng mga sistema ng irigasyon sa lambak. Nitong Hunyo, tinataya ng gubyerno ang ₱10 bilyon na danyos sa mahigit 500,000 ektarya ng maisan at palayan na apektado ng malalang tagtuyot, na nagreresulta sa signipikanteng pagkabawas ng ani at kita ng magsasaka sa rehiyon. Naghuhulog ito sa maralita at panggitnang magsasaka sa mas malalim na pagkakautang, dahil nakagapos sila sa walang-katapusang siklo ng usura dulot ng mataas na kapital sa pagtatanim ng imported na high yielding varieties na palay at mais. Ang kalakhang magsasaka at maralita sa lambak ay pumapasan ng mas mabigat na epekto ng sumisidhing krisis sa ekonomiya, pagkatapos na hindi makabawi mula sa pagsirit ng presyo dulot ng gera sa Middle East na sinindihan ng pag-atake ng US-Israel sa nagsasariling Iran.

Ang mga dayuhang kumpanya sa mina, na naglalaway sa limpak-limpak na ganansya sa pang-aabuso sa ating mineral na rekurso ay nagpapakasasa sa suporta ng gubyerno ni Marcos Jr. Libre nilang inuubos ang ating mineral na rekurso habang nagkakamal ng higanteng ganansya kung ibinebenta nila ito sa internasyunal na pamilihan. Habang ang mga karagatan ng Cagayan at kabundukan ng Isabela at Nueva Vizcaya ay nanganganib sa lubusang pagkawasak, ang panghihimasok ng dayuhang kumpanya sa mina ay protektado ng mga korte at ng AFP-PNP. Halos 20 porsyento ng kalupaan sa lambak ay sinisira ng iba’t ibang tipo ng minahan na nagsasapanganib sa mga balon ng malinis na tubig para sa kabahayan at para sa agrikultural na produksyon. Dahil dito, ang mga komunidad ng Nueva Vizcaya, Isabela at Cagayan ay natutulak na magpatuloy sa pagtatanggol sa kanilang lupa, rekurso sa tubig at kagubatan laban sa panghihimasok ng malalaking dayuhang kumpanya sa mina, sa harap ng karahasan ng estado at legal na panunupil ng rehimeng US-Marcos Jr.

Ang buong kapuluan ng Pilipinas ay ginawang base militar ng US sa pang-uupat ng gera at paghahari-harian nito sa Asya-Pasipiko. Sa ating rehiyon, may tatlong (3) EDCA site at base militar na iniistasyonan ng mga tropa at kagamitang pandigma nito, bilang patunay na ang Pilipinas ay bahagi ng istratehiyang “first island chain” ng US. Samantala, maraming Balikatan war exercises ng US ang sumakop sa kalakhang erya ng rehiyon, at dalawang-katlo ng buong erya ng North Luzon.

Ang imperyalistang US ay nagnenegosyo sa pang-uupat ng gera. Ginagamit nito ang sigalot sa karagatan ng Pilipinas at China upang mambuyo ng todo gera sa China. Sa kalaunan, hinahatak nito ang mga Pilipino, kabilang ang mamamayan ng Cagayan Valley na maging peyon nito. At upang isustini ang gera nito, dinadambong ng US ang ating natural na rekurso.

Ang maralitang magsasaka, katutubo, manggagawa, kabataan, maliliit na empleyado at lahat ng inaaping mamamayan ay lalo lamang masasadlak sa ibayong pagdurusa at kapahamakan, kung ang Pilipinas ay makikisama sa gera ng US laban sa China. Hindi nito reresolbahin ang malaon nang suliranin sa kawalang-lupa, mataas na presyo ng mga batayang pangangailangan, mataas na kapital para sa agrikultural na produksyon at pagkawasak sa kapaligiran dahil sa pandarambong. Lalo lamang nitong wawasakin ang ating lambak, kabukiran, kabundukan at lalasunin ang ating karagatan, ilog at tubig. Isasakripisyo lamang ng US ang buhay ng ating kabataan bilang sundalong peyon sa digmaan nito sa China.

Ang nanuot na korapsyon at walang-katapusang panlipunang suliranin sa Cagayan Valley at Pilipinas ay sanhi ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Hindi natin dapat na pagtiisan ang lubos na di-pantay na lipunan, dahil mababago ang ating kalagayan. Ang bulok-sa-kaibuturang sistema na itinataguyod ng monopolyo ng dayuhang malalaking kapitalista at kumpanya sa mina, malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista ay mawawakasan sa pamamagitan ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang tunguhin.

Nananawagan ang NDF-Cagayan Valley sa mamamayan dito na magkaisa at lumaban sa lahat ng paraang posible upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan na mapagpasyang lalansag sa base ng pampulitikang kapangyarihan ng malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista at itatag ang pampulitikang kapangyarihan ng mas malawak na base ng masang Pilipino – ang magsasaka, manggagawa at lahat ng maralita at inaapi.

Sa kasalukuyan, ang rehimeng US-Marcos Jr ang namumuno sa naghaharing-uri sa lipunang Pilipino. Ating paigtingin at isulong ang digmang bayan upang ibagsak ang rehimeng ito, at ang malakolonyal at malapyudal na lipunang kaniyang kinaluluklokan, at gawing reyalidad ang tunay na demokrasya at pambansang kalayaan para sa nakararaming mamamayang Pilipino, hindi ng iilang mayayaman. #

Source link