Pahayag

Hindi pagsuko at pagpapagamit sa AFP at PNP ang magbibigay katiyakan sa kaligtasan at kaunlaran sa kabuhayan ng masang Masbatenyo

Luz del Mar | Spokesperson | NPA-Masbate (Jose Rapsing Command) | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People’s Army

Mariing pinabubulaanan ng Jose Rapsing Command-New People’s Army Masbate ang ipinangangalandakan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na isang Rank No. 4 Regional Most Wanted Person ang kanilang hinuli noong Abril 28, 2025, alas-9 ng umaga sa Sitio Asid-asid, Barangay Jamorawon, Milagros. Si Nestor Puresima o alyas Rimbo, 39 anyos, ay dating kasapi ng NPA na napilitang sumuko at magpagamit sa militar.

Dinukot ng 96th Military Intelligence Community Operations (96th MICO) ang mga magulang at asawa ni Puresima habang aktibo pa siyang kasapi ng NPA. Binantaan itong kung hindi sumuko at makipagtulungan sa militar ay papaslangin ang kanyang mga magulang at gagahasain ang kanyang asawa. Dahil sa takot, napilitang makipagtulungan si Puresima. Sinabotahe nito ang nakaplanong taktikal na opensiba na ilulunsad ng kanilang yunit na nagresulta sa pagkasawi ng isang kasama at pagkakuha ng bomba at dalawang baril.

Matapos ang pananabotahe, sumabay na sa mga operasyong militar si Puresima at naging masunuring tuta ng mga mersenaryo. Sa atas ng militar, tinangka nitong paslangin noon ang barangay Chairman ng Barangay Barag na si Rudolfo “Gagang” Ygot.

Sinampahan ito ng kaso ni Barangay Chairman Ygot, subalit hinarang ito ng 96th MICO at inakong tauhan nila si Puresima.

Dahil sa dumaraming mga paglabag na kinasasangkutan sa kilusan at kaso nito sa masang Masbatenyo, ilinunsad ng yunit ng pulang Hukbo noong 2023, ang planong pagparusa kay Puresima. Napaslang ang dalawa nitong kasamahang CAFGU habang nasugatan sa kanyang paa si Puresima na nagresulta sa pagka-disabled nito.

Dahil sa hindi na mapakinabangan, pinahuli mismo ng 96th MICO si Puresima. Sa pangunguna ng 1st Provincial Mobile Force Company katuwang ang Milagros MPS Provincial Intelligence Unit (PIU), Masbate Police Provincial Office (PPO) at 2nd Infantry Battalion-Philippine Army (2nd IB-PA) nadakip sa Barangay Jamorawon, Milagros si Puresima.

Nahaharap ngayon sa pitong kaso si Puresima kabilang ang paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 kung saan wala itong piyansa, tangkang pagpatay, frustrated murder, direct assult, grave threats, slight physical injuries at multiple counts of attempted murder na may kabuuang piyansa na Php 446,000.

Malinaw na ipinapakita na hindi seryoso at tanging panlilinlang lamang ang programa ng rehimeng Bongbong Marcos Jr, AFP at PNP na pagpapabalik-loob sa gubyerno. Isa lamang si Puresima sa ilan pang mga kusa o sapilitang sumuko sa militar at pulis na matapos gamitin at pakinabangan ay ipinakulong, masahol ay pinalalabas na napaslang sa engkwentro sa pagitan nila at ng NPA.

Nananawagan ang pamprubinsyang kumand ng Masbate, Jose Rapsing Command sa lahat ng mga surenderi na hanggat may oras pa ay kumalas na kayo sa pagiging tau-tauhan ng mga militar at pulis.

Ginagamit lang kayo ng militar at pulis upang wasakin ang pagkakaisa ng masang Masbatenyo. Buwagin ang mga nakatayong samahan at mga pakikibakang masa na lumalaban sa pang-aagaw sa kabuhayan, karahasan at pamamaslang ng reaksyunaryong estado at sandatahang lakas nito. Higit sa lahat, gawin kayong pambala sa kanilang mga ilinulunsad na mga operasyon laban sa NPA.

Sila ang nakakakuha ng mga promosyon, pagtaas ng sahod at pagkilala kung may nakakamit silang tagumpay laban sa NPA matapos kayong makipagtulungan sa kanila. Subalit, ano naman ang nakukuha ninyo? Nais niyo rin bang maging katulad ni Nestor Puresima?

Hindi ang pagsuko at pakikipagtulungan sa reaskyunaryong estado ni Bongbong Marcos Jr at mga mersenaryo nito ang magbibigay katiyakan sa kaligtasan at magbibigay ng kaunlaran sa kabuhayan ng masang Masbatenyo. Tanging sa mahigpit na paghawak ng armas, pagsulong at pagpapatagumpay lamang ng pambansa-demokratikong rebolusyon ito makakamit.

The post Hindi pagsuko at pagpapagamit sa AFP at PNP ang magbibigay katiyakan sa kaligtasan at kaunlaran sa kabuhayan ng masang Masbatenyo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.