Ang Bayan Ngayon » Hedkwarters ng inutil na ICI ng rehimeng Marcos, sinugod ng mga nagpuprotesta

Nagulantang ang mga gwardya ng compound sa Taguig City kung saan nag-uupisina ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pagsugod at biglaang protesta ng mga progresibong grupo noong Oktubre 24. Kinundena nila ang kainutilan ng ICI at ng rehimeng Marcos na panagutin ang mga tiwaling upisyal ng gubyerno matapos ang higit 40 araw mula nang itinayo ang komisyon at higit 70 araw nang nagsimula ang mga imbestigasyon.

Ang protesta ay pinangunahan ng People’s Surge, alyansa ng mga biktima ng sakuna, ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE). Lumahok din sa pagkilos ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap at mga grupong pangkalikasan. Ang mga grupo ring ito ang sumugod sa upisina ng mga Discaya, mga kontratistang dawit sa katiwalian, sa Pasig City noong unang linggo ng Setyembre.

Ang ICI ay ahensya ng gubyerno na binuo ni Marcos sa bisa ng Executive Order No. 94 noong Setyembre 11 bilang pakitang-taong tugon sa panawagan ng publiko na mayroong managot sa katiwalian. Una nang binatikos ng napakaraming grupo ang ICI dahil sa pagtanggi nitong i-livestream o ipakita sa publiko ang mga pagdinig at paglilitis.

“Halos 60 days na lang, Pasko na. Wala pang nakakasuhan at nakukulong sa mga sangkot sa korapsyon,” ayon sa People’s Surge at KMP. Ipinapakita lamang umano nito na walang ngipin ang ICI, at ginagamit ito para pagtakpan at protektahan ang ibang sangkot, at palabasin na mayroonng ginagawa ang rehimeng Marcos sa harap ng galit ng taumbayan.

“Hindi ito imbestigasyon, kundi pagbibigay ng oras para makabuo ng mga bagong palusot, sunugin ang mga ebidensya, makatakas ang mga magnanakaw, at maitago ang mga ninakaw sa mamamayan,” pahayag ni Jonila Castro ng Kalikasan-PNE.

Sa pagkilos, panawagan ng mga grupo na imbestigahan mismo si Ferdinand Marcos Jr, hari ng korapsyon, at si Sara Duterte, reyna ng korapsyon. Giit nilang panagutin ang mga Marcos, Duterte at lahat ng sangkot na mga burukratang kapitalista.

Dagdag rito, binatikos nila ang pag-atake ng rehimen sa mga kabataan at mamamayang nagpuprotesta laban sa katiwalian. Anila, wala pang napapanagot at nakukulong na tiwaling upisyal ngunit patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mamamayang sinasampahan ng mga kasong kriminal, hinaharas, kinukulong at ginigipit ng mga pwersa ng estado.

Source link