Ganap na kalokohan ang pahayag ni Marcos na “wala nang mga grupong gerilya”

Inilalabas ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang agarang tugon na ito sa ika-apat na State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr. Mahigpit na pinasusubalian ng PKP ang maling pahayag ni Marcos na “wala nang mga grupong gerilya.” Niloloko lamang niya ang kanyang sarili sa kasinungalingang ito. Patuloy na nakapagpupunyagi at nakatatamasa ng malalim at malawak na suporta ng mamamayan sa kanayunan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Tuwirang sinasalungat ng sariling mga hakbang ni Marcos ang kanyang mga pahayag. Sa kabila ng paulit-ulit na pag-aanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tututok na ito sa “eksternal na depensa,” mayorya sa mga batalyong pangkombat nito ang nakapakat laban sa mga larangang gerilya ng BHB sa buong bansa.

Ang enggrandeng deklarasyon na nalipol na ang armadong paglaban ng mamamayan ay sasabog lamang sa mukha ni Marcos. Katulad ng nagdaang mga rehimen na idineklarang dudurugin nila ang BHB, tiyak na mabibigo si Marcos at ang kanyang mga armadong pwersa. Patutunayan ng kasaysayan na ganap na mali si Marcos.

Ipinagyabang ni Marcos kung papaanong nakikipagsabwatan ngayon sa kanyang pasistang rehimen ang sandakot na mga traydor sa rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan. Mabuti na ipinakita na nila ang kanilang tunay na makauring kulay, at ngayon ay inilantad na ang kanilang sarili bilang mga kasangkapan ng pasistang rehimen.

Sa harap ng walang humpay na brutal na atake ng AFP simula 2017, muling isinaayos at ipinakat ang mga yunit gerilya ng BHB upang lalo pang palalimin at palawakin ang pag-ugat nito sa mamamayan. Isang bagong henerasyon ng mga batang Pulang mandirigma ang patuloy ngayong lumilitaw mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at intelektwal na petiburges.

Taglay ang matibay na determinasyon, isusulong ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang armadong rebolusyon. Sila ay ginagabayan at binibigyang inspirasyon ng Partido. Taglay nila ang di-natitinag na diwa para labanan at gapiin ang kaaway, gaano man ito kalupit at mapaniil.

Maling iginigiit ni Marcos at kanyang mga militaristang tagapayo na sa suportang militar ng US, mawawakasan ng superyor na pwersang mapangwasak ang armadong paglaban ng mamamayan.

Sa kabila ng lahat ng makapangyarihang armas na ibinibigay ng US—mga jet fighter, 500-libra na bomba, drone, mga attack helicopter, howitzer, artileriya, makabagong baril at kagamitan sa labanan, pati na rin ang brutal na mga patakarang pasista sa kalunsuran at kanayunan—bigo si Marcos (gaya ni Duterte noon) at mabibigo na pigilan ang patuloy na muling paglago at paglawak ng BHB, na nananatiling malalim na nakaugat sa mamamayan.

Ang pahayag ni Marcos na “wala nang mga grupong gerilya” ay katumbas ng deklarasyong pumapatay sa posibilidad ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nagmamatigas siya at ang mga uisyal ng National Task Force (NTF)-Elcac na tumangging kilalanin at tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian. Sa ilalim ng tinatawag na National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD), layunin lamang ni Marcos na itaguyod ang “lokal na usapang pangkapayapaan” na isang pinagandang katawagan sa kampanya ng panunupil ng militar sa mga komunidad ng magsasaka.

Patuloy na umaabot sa bagong antas ng katiwalian ang korapsyon sa ilalim ni Marcos, habang ang pinakamalalaking burukratang kapitalista at burgesyang kumprador ay nagkakamal ng yaman sa pamamagitan ng mga kontrata sa gubyerno at mga proyekto sa imprastruktura. Sa pagbasura ng mga kaso laban sa iligal na yaman ng mga Marcos mula nang nakabalik sa kapangyarihan, nabawi na nila ang daan-daang bilyong pisong salapi at ari-arian kinamkam sa panahon ng diktadurang Marcos.

Binibigyang-daan ng mga neoliberal na patakaran ng rehimen ang malalaking dayuhang kapitalista na magpalago ng kapital sa pamamagitan ng pagsasamantala sa murang paggawa ng mga manggagawang Pilipino at ang walang pananagutang pandarambong sa likas yaman ng bansa. Hinila niya ang bansa pabalik sa kolonyal na ugnayan sa ekonomya sa US sa pamamagitan ng pagpasok sa tagibang na kasunduan sa kalakalan kay Trump. Siya ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

Masahol pa, pinayagan ng papet na rehimeng Marcos na gamitin ng militar ng US ang Pilipinas bilang balwarte para sa pagpapakitang gilas, walang katapusang mga pagsasanay militar, at pag-udyok ng digmaan sa rehiyon ng Asia-Pacific. Sa kanyang bulag na pangangayupapa, ipinakakaladkad niya ang bansa sa imperyalismong US patungo sa mga digmaang agresyon nito sa rehiyon.

Hindi mapagtatakpan ng mga kasinungalingan at ilusyon na hinabi ni Marcos sa kanyang state of the nation address ang saligang katotohanang lugmok sa kahirapan ang nakararaming Pilipino, at naghihirap dahil sa kawalan ng lupa at pangangamkam ng lupa, kawalan ng trabaho, napakababang sahod, tumataas na gastusin sa pamumuhay, kawalan ng tirahan, lumalalang serbisyo sa publiko, at iba pang suliraning panlipunan.

Sa ilalim ni Marcos, patuloy na lumalala at nagiging mas mapaniil ang tatlong pangunahing problema ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Dahil sa papet, pasista at korap na rehimen ni Marcos, patuloy na tumataba ang lupa para sa armadong pakikibaka.

Source link