Dagdag-sahod ng mga kasambahay sa Hong Kong, tagumpay ng mga migrante

Nagpahayag ng magkahalong tuwa at pagkadismaya ang Asian Migrants Coordinating Body (AMCB-IMA), ang koalisyon ng mga organisasyon ng mga migrante na nakabase sa Hong Kong, sa anunsyo na itataas ang sahod ng mga migranteng kasambahay ng Labour Department mula sa HK$4,990 patungo sa HK$5,100, may dagdag na HK$110 simula Setyembre 30.

Bagamat kinikilala ng AMCB-IMA ang taas-sahod, napakaliit at nasa 2.2% lamang ito pagtaas kumpara sa kanilang panawagan na HK$6,172. Anila, napataas ang sahod dahil sa walang tigil na pangangampanya ng mga migrante.

“Ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod ay hindi lamang para sa pagtaas ng sahod, ito ay panawagan laban sa pang-alipin na sahod at para mabigyan ng disenteng buhay hindi lamang ang mga migranteng kasambahay kundi pati ang lahat ng manggagawa sa Hong Kong… Ang krisis sa ekonomya ng Hong Kong at problema nito sa implasyon ay dapat tugunan ng gubyerno at hindi ibunton ang bigat sa mga migranteng manggagawa,” paliwanag ng grupo.

Samantala, kinundena ng grupo ang hindi pagtaas sa food allowance ng mga kasambahay. Anito, sa harap ng nagtataasan na presyo ng pagkain, maraming kasambahay ang kulang sa badyet para makakain nang maayos kada araw.

“Ang mga migranteng kasambahay ay manggagawa din, tulad ng ibang manggagawa ay nararapat na tratuhin ng tama, pantay at makatwiran. Ang aming karapatan ay dapat kinikilala at pinoprotektahan. Mayroon kaming karapatan bilang tao, hindi alipin, kriminal o hindi kanais-nais,” dagdag ng grupo.

“Patuloy kaming lalaban hindi lamang para sa nakabubuhay na sahod, kundi pati sa pagpapabuti ng kundisyon ng paggawa at pamumuhay, at para sa patas at makatwiran na pagtrato sa lahat ng lokal at migranteng manggagawa sa Hong-Kong,” paninindigan ng AMCB-IMA.

Source link