Dapat singilin ng masang manggagawa at maralitang Pilipino si Ferdinand Marcos Jr. sa sumasahol na kalagayan ng sahod sa bansa na nagreresulta sa labis na kagutuman, kasalatan at desperasyon ng mamamayan. Hangga’t hindi tinutugunan ang panawagan ng bayan para sa nakabubuhay na sahod, lalong malulubog sa kahirapan ang bansa at tiyak na lalalim ang galit ng sambayanan sa kasalukuyang papet na rehimeng Marcos II.
Ang barat na sahod ang isa sa pinakamabigat na pasanin ng mga Pilipino. Lubhang napag-iwanan ng napakataas na presyo ng mga bilhin, pamasahe, utilidad at upa sa bahay ang minimum na sahod ng mga manggagawa. Sa kamay ng hikahos na pamilya, kapos na kapos ang iilang daang pisong sahod sa libu-libong gastusin kaya’t natutulak silang umutang o magtiis sa gutom. Ang abang kalagayan ang nagtulak sa taumbayan na mangalampag at itulak ang dagdag sahod sa lansangan, mga pagawaan, social media hanggang Kongreso. Naobliga ng gumugulong na kilusang masa ang mga kongresista at senador na magpasa ng mga reporma. Sa mga panukalang batas, pinakamataas na ang dagdag na P200 na inihain sa Kamara. Labas dito, ipinanawagan ng mga pederasyon ng unyon na itaas ang sahod hanggang P1,200 na itinakdang nakabubuhay na sahod ng IBON Foundation.
Nitong Hunyo, sa salita ng mga manggagawa, “kinitil” ng rehimeng Marcos II ang panukalang dagdag sahod. Kasabay ng pag-iwas-pusoy ng gubyerno, ipinalalaganap naman sa midya ang kasinungalingang makasasama sa ekonomya ng bansa ang pagtataas ng sahod dahil maaari umano itong humantong sa pagkalugi at pagsasara ng mga empresa. Bilang pakunswelo, dinagdagan ng P50 ang sahod sa NCR, kaya ngayo’y nasa P695 ang minimum na sahod sa rehiyon, bahagyang lampas kalahati ng rekomendadong family living wage (FLW) sa NCR na P1,222. Nainsulto lamang ang mga manggagawa sa mumong umento na malinaw namang hindi sasapat upang signipikanteng baguhin ang kalagayan ng pinakamahihirap na mamamayan sa sentrong kapitolyo ng bansa.
Sa iba pang rehiyon, nakasalalay sa mga manhid na wage board ang pagdadagdag sa sahod ng manggagawa. Sa Timog Katagalugan nananatili ang minimum na sahod na mababa sa kalahati ng FLW. Nasa P420-560 ang minimum wage sa CALABARZON, katumbas lamang ng 34-49% ng FLW sa rehiyon na P1,144 (Marso 2025). Mas masahol ang kalagayan sa MIMAROPA, kung saan P404-430 ang sahod o 33-35% lamang ng FLW na P1,239. Ang napakababang minimum na sahod ay mayroon ding negatibong epekto sa mga manggagawang bukid at manggagawa sa maliliit na negosyo na kadalasang hindi nasasaklaw ng regulasyon ng reaksyunaryong gubyerno. Mas mababa pa sa minimum ang kanilang tinatanggap—minsa’y sing-baba ng P150-200, lalo na kung babae, katutubo at nasa murang edad ang nagtatrabaho.
Sa ganitong antas ng sahod, anong aasahan ng mamamayan kundi ibayong kahirapan, gutom at kawalang katiyakan? Daing ng mga maralita, hindi kayang kumain ng kanin nang tatlong beses sa isang araw, ibang usapin pa kung may ulam o wala. Aburido rin ang mga naghahanapbuhay sa pamilya tuwing panahon ng enrolment ng mga estudyante o kung mayroong magkakasakit sa pamilya. Kahit mag-overtime o kumuha ng sideline, kulang pa rin at kakailanganing mangutang matustusan lang ang pangangailangan. Mapa-kanayunan man o kalunsuran, karaniwan na sa mahihirap na pamilya ang mabaon sa utang o kumuha ng mga “hulugan” na gumagapos sa kanila gamit ang napakataas na interes. Ang pagdagan ng mga kalamidad tulad ng nararanasan ngayong grabeng pagbaha ay dagdag na pasakit sa mahihirap na nakaasa sa kanilang arawang sahod o kita at walang mga impok na pwedeng hugutin sa panahon ng emerhensya.
Ang kalunus-lunos na kahirapan at kasalatan ng bayan ay pinagtatakpan ng reaksyunaryong estado gamit ang disimpormasyon at pagpapalaki sa mga pipitsugin at palpak na programang pantugon sa kahirapan tulad ng cash for work, AKAP, Kadiwa stores at P20/kilong bigas. Sapul nang isapubliko, pangita nang ginagamit lang ni Marcos Jr. ang mga programang ito upang magpabango at pagmukhaing may “ginagawa” ang kanyang gubyerno upang paalwanin ang buhay ng mga Pilipino. Sa aktwal, hindi naman maramdaman ng mayorya ang mga programang ito dahil pili lamang ang mga lugar kung saan ito ipinatutupad at sadyang maliit ang pondong laan dito kaya’t imposibleng maserbisyuhan ang nakararami. Sa TK, hindi man lang alam ng mga residente ng malalayo’t maralitang komunidad sa kanayunan kung ano ang tindahang Kadiwa. Pinagtitiisan naman ng mga benepisyaryo ng “ayuda” ang delay sa paglalabas ng kanilang ayuda na umaabot sa puntong “minsanan” sa loob ng ilang buwan.
Ngayong SONA ni Marcos II, dapat isampal sa mukha ng kanyang rehimen ang katotohanan hinggil sa kalagayan ng mamamayan at ilantad ang kanyang mabigat na pananagutan sa pagpapako ng sahod ng mga manggagawa sa napakababang halaga. Sa kanyang tatlong taon, imbes na ipatupad ang nakabubuhay na sahod para sa manggagawa ay hayagan niya pang sinagkaan ang mga panukala para rito. Wala rin siyang nagawa upang kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin na lubhang nagpapabigat sa pasanin ng bayan. Dinagdagan pa nga ng kanyang rehimen ang mga buwis at hinayaang umalagwa ang singil sa utilidad at serbisyo sa pamamagitan ng ibayong deregulasyon at pribatisasyon sa mga susing sektor at industriya. Ang ipinagmamalaki ni Marcos Jr. na Bagong Pilipinas ay kathang isip lamang. Sa esensya, nagpapatuloy at sumasahol pa nga ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino sa ilalim ni Marcos Jr.
Ang pagkakamit ng nakabubuhay na sahod ay kagyat na solusyon upang makaahon ang mamamayang Pilipino mula sa kumunoy ng lubhang kahirapan. Kailangang patuloy itong igiit ng mga manggagawa at ng buong bayan. Dapat ilunsad ang maramihan at militanteng pagkilos at pasiglahin ang kilusang welga upang ipakita ang lakas ng demanda para sa FLW. May natatanging diin at papel dito ang kilusang manggagawa sa TK lalo’t nasa rehiyon ang malaking bilang ng mga manggagawang industriyal. Rekisito sa pagpapabulwak ng kilusang masa ang pag-abot sa mas maraming manggagawa, pagbubuklod at pagpapakilos sa kanila para sa interes ng kanilang sektor.
Ang pakikibaka para sa nakabubuhay na sahod ay mainam na pagkakataon upang itaas ang pampulitikang kamulatan ng mga manggagawa at maipaunawa sa kanila ang susing papel ng kanilang uri sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa bansa. Kailangang mahigpit na panghawakan na magwawakas lamang ang kaapihan at kahirapan ng sambayanan kung magtatagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyong Pilipino na may sosyalistang perspektiba at mapapalitan ang bulok na reaksyunaryong estado ng isang tunay na demokratiko, malaya at makatarungang estadong pinamumunuan ng mamamayan.
The post Bongbong Marcos, mambabarat ng sahod, inutil sa pagsugpo sa kahirapan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.











