PRWC » Binabangungot ang 5IDPA mula sa kanilang kasinungalingan

Umani kaagad ng pambabatikos mula sa masa ang katatapos lamang na isinagawang Practical Simulation Exercise (SIMEX) ng pinagsanib na pwersa ng 17th Infantry Battalion, CAA at 204th Maneuver Platoon sa Purok 2 at 3 sa Nanguilattan, Peñablanca sa lalawigan ng Cagayan na ayun sa 17IB ay pangunahing nakatuon sa pagsugpo sa “lawless groups.”

Nakabalangkas ang nasabing pagsasanay sa gera kontra-insurhensiya ng 5th Infantry Division Philippine Army (5IDPA). Bagay na nagdulot hindi lamang ng ligalig kundi kalituhan sa mga residente ng naturang lugar laluna at kasunod ng malaon nang pahayag mismo ng pamunuan ng 5IDPA na wala nang BHB sa rehiyon. Taliwas sa mga paghahambog nito, malinaw itong indikasyon na hindi madurug-durog ang BHB-CV at patuloy pa ring nangangamba ang estado sa pagpapanibagong lakas ng rebolusyonaryong armadong paglaban sa rehiyon.

Sa kabila ng pauli-ulit na deklarasyong ito, patuloy pa rin ang pananalasa ng teroristang lagim ng 17IB, 95IB, 86IB ng 502IBde at NTF-Elcac sa mga baryo sa buong rehiyon. Dumarami ang mga detatsment ng CAFGU at mga kampo-militar sa mga komunidad na naghahatid ng takot sa mamamayan at nag-iimpluwensya at nagtuturo sa mga kabataan ng gawaing anti-sosyal gaya ng paglalasing, paggamit ng droga at pagnanakaw. Dagdag pa, patuloy rin sa pagrerekrut ng mga bagong sundalo at paramilitar ang 5IDPA.

Nangangatog ang buong pwersa ng 5IDPA sa muling pagdaluyong ng kilusang masa sa rehiyon laluna ang pagkilos ng mga kabataan at estudyante. Nangangamba itong magigising ang diwa ng malawak na masa ng kabataan at mamumulat sa katotohanang hindi sasapat ang pagdaluyong lamang sa lansangan upang mawakasan ang kahirapan na dulot ng pandarambong, korapsyon at inhustisya, kung kayat dapat iangat ang porma ng kanilang paglaban tungo sa pagtangan ng armas at pagsampa sa hukbong bayan. Panandang-bato na hindi kailanman masusugpo ang armadong paglaban ng mamamayan sa rehiyon at sa buong bansa.

Ang bulok na sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino ang siyang nagpapanatiling matabang lupa ang bansa para sa rebolusyon at armadong pakikibaka. Ang lipunang pinatatakbo ng mga malalaking burgesya kumprador, burukrata kapitalista at panginoong maylupa; at ang sistemang nakabatay ng sistematikong katiwalian na pinamumugaran ng mga burukrata kapitalistang sumisipsip sa kabang yaman ng bansa ang siyang naglulubog sa mamamayan sa pamalagiang krisis at kalunus-lunos na kalagayan.

Sa rehiyon ng Cagayan Valley, sumasahol ang kahirapan na dinadanas ng mamamayan. Marami sa mga magsasaka ang inaagawan ng lupa mula sa tabing ng mga proyektong ekoturismo, huwad na programang reporestasyon tulad ng National Greening Program (NGP), pang-iilit ng tinatamnang lupa dahil sa pang-uusura ng mga komersyante-usurero, at pagpapalayas sa lupang ninuno ng mga katutubong Agta at iba pang pambansang minorya dahil sa dayuhang pagmimina.

Mas malala pa sa hirap na dulot ng baha ang malawakang korapsyon, pandarambong at pagnanakaw ng mga opisyal ng reaksyunaryong gubyerno—na pinamumunuan ng rehimeng US-Marcos bilang numero unong mandarambong at magnanakaw, gayundin ng mga lokal na sangay mula sa kapitolyo, distrito hanggang munisipyo at barangay—hindi lamang ng mga maanomalyang proyekto sa flood control kundi sa iba pang proyektong pang-imprastruktura at programa na walang direktang pakinabang ang masang magsasaka.

Maging sa hanay AFP-PNP ay tiba-tiba ang mga heneral sa pangungurakot sa kaban ng bayan. Ilan na riyan ang sobrang taas na patong sa mga proyektong barangay development program (BDP) ng NTF-Elcac, hindi dumaan sa bidding na pagbili ng mga armas, pangungulimbat sa pondo ng mga operasyong militar, gawaing sarbeylans at paniktik, kikbak sa E-CLIP at pwersahang pagpapasurender, tapyas-sabay-bulsa sa sahod ng mga CAFGU, at bayad sa mga kunwaring narerekober na mga armas. Dagdag pa ang napakalaking gastusin sa pagmentina ng maraming kampo-militar at detatsment ng mga paramilitar, pagwawaldas sa pera ng taumbayan sa sarbeylans at paniniktik, at sa red-tagging sa mga progresibong indibidwal at mamamayang lumalaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Sa halip na ilaan sa pagpapaunlad sa agrikultura sa kapakinabangan ng masang magsasaka ang mga pondo ng mga programang anti-mamamayan, inilalaan ang mga ito upang ibayong ilugmok sa paghihikahos ang mga magsasaka at mamamayan sa rehiyon.

Hindi mapapawi ang ugat ng kahirapan hanggat hindi naaagaw ang kapangyarihang pampulitika mula sa mga naghaharing uri. Ang paglulunsad ng dalawang yugtong rebolusyon – demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang rebolusyon – sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang tanging paraan upang mapapalaya ang buong sambayanan mula sa tanikala ng imperyalistang US, burukrata kapitalismo at pyudalismo; kung saan ang BHB ang magsisilbing pangunahing sandata para wasakin ang armadong lakas ng reaksyunaryo at neokolonyal na estado habang antas-antas na ipinupunla ang Pulang kapangyarihan ng mamamayan.

Tanging ang sa paglakas lamang ng BHB at paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong paglaban ng mamamayan makakaani ng makabuluhang mga tagumpay.

Itaas ang uri ng paglaban, armas ay hawakan!
Mag-aklas! Mag-armas! Sumampa sa BHB!

Source link