Nagtungo sa upisina ng NCIP Regional Office sa San Fernando, Pampanga noong Oktubre 23 ang katutubong Ayta, kasama ang mga taong simbahan at iba pang organisasyon, para ipaabot ang kanilang pagtutol sa mga proyektong nagpapalayas sa kanila sa sarili nilang lupa. Kabilang dito ng malakihang pagkakwari at pagmimina, gayundin ang pagtatayo ng mga golf course at solar farm ng malalaking burgesya at dayuhang kumpanya.
Bago nito, nagtipon sila sa isang porum para itatag ang Pamilalamu, isang samahan ng mga Katutubo at simbahan, at Mansaway, ang hiwalay na organisasyon ng katutubong Ayta. Lumahok sa porum na nito ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.
Sa pagtitipon, tinalakay nila ang karapatan ng katutubo na ipagtanggol ang kanilang mga sarili at kanilang lupang ninuno laban sa mga mangangamkam ng lupa. Sa mga diskusyon, lumitaw ang pagkakapareho sa karanasan ng mga Ayta sa iba pang inaaping katutubo sa bansa. Nakita rin nila ang kainutilan ng NCIP, na umaaktong kasabwat ng malalaking negosyo at dayuhang kumpanya para dambungin ang kanilang mga lupa at itayo rito ang mga proyektong mapanira sa kanilang komunidad, kultura at kapaligiran.
“Sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, malinaw na ang NCIP ay hindi tagapagtanggol kundi tagapagtulak ng mga mapaminsalang proyekto,” ayon sa Katribu. Pinananagot ng grupo ang ahensya sa paglalabas nito ng maanomalyang mga certificate of precondition na tahasang lumalabag sa tunay na proseso ng pagkuha ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC).
“Kailangang imbestigahan ang pakikipagsabwatan nito sa mga kumpanya sa pagmimina, enerhiya, at agribusiness, gayundin ang manipulasyon sa proseso ng pagkuha ng FPIC na nagiging daan sa pagpasok ng mga proyekto nang walang pahintulot ng mga komunidad,” anito.











