3 KIA at maraming WIA sa 203rd Brigade

Binabati ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro ang mga Pulang mandirigma nito sa muli na namang pagbigo sa atake ng 203rd Brigade. Matagumpay na nakapagdepensa ang isang yunit ng LdGC laban sa mga pwersa ng 203rd Brigade na nagresulta sa 3 patay at maraming sugatan sa panig ng kaaway noong Setyembre 25, 11:50 ng tanghali sa Sityo Barayong, Barangay Manuol, Mansalay, Oriental Mindoro.

Anumang paglilihim, hindi magawang pagtakpan ng 203rd Brigade ang mga kaswalti nito. Nagdiriwang ang masang Mindoreño sa tagumpay ng kanilang Pulang hukbo at pinsalang natamo ng pasistang kaaway. Ikinalulugod nilang maparusahan ang mga sagadsaring berdugo na walang ibang hatid sa kanila kundi perwisyo at pasakit dahil sa tindi ng militarisasyon sa kanayunan. Hangad nila ang hustisya para sa mga biktima ng mga brutalidad ng AFP.

Makakaasa ang mamamayang Mindoreño sa NPA, ang tunay nitong hukbo na patuloy na ipagtatanggol ang masang api at parurusahan ang mersenaryong AFP. Muli na naman nitong pinatutunayan ang patuloy na paglakas ng Pulang hukbo sa mahigpit na suporta ng mamamayan. Muli naman itong sampal sa mukha ng mayayabang at sinungaling na opisyal ng AFP na nagsasabing wala o papahina na ang NPA. Sa kabilang banda, patuloy na tumataas ang moral at diwa ng Pulang hukbo at mamamayan na lumaban at makibaka laban sa pasista, pahirap at papet na rehimeng US-Marcos II. Sa harap ng matinding korapsyon ng estado, lalong kinakailangan ang rebolusyon upang ibagsak ang burukrata kapitalismo at ang amo nitong imperyalista na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Source link