Nagpahayag ng pagkundena at pagkabahala ang Gabriela-Southern Tagalog sa panibagong kaso ng panggagahasa mula sa hanay ng kapulisan sa prubinsya ng Cavite. Isang alyas “Lieutenant Edward” ang nanggahasa sa isang babaeng bilanggo, edad 34 anyos, sa loob mismo ng istasyon ng pulis sa Noveleta, Cavite noong Setyembre 4.
Ayon sa biktima, dati na din siyang ginahasa ng suspek nang nakulong ito noong Hunyo. Aniya, hinalay siya ng pulis kapalit ng mababang kaso.
Ayon sa grupo, hindi nakapagtataka na mula mismo sa hanay ng kapulisan ang nangunguna sa panggagahasa sa kababaihan. Sa kabila ng pagpapakilala ng institusyon bilang ‘tagaprotekta’ ng mamamayan, nananatili itong tagapagtanggol ng naghaharing uri, katulad ng militar.
Anito, hindi ito ang unang kaso ng panggagahasa ng kapulisan sa kababaihan at bata. Gamit ang kanilang awtoridad, naging talamak ang mga kaso ng karahasan sa kababaihan na pinapahintulutan at ipinapatupad ng estado, kabilang ang ‘catcalling’, panghihipo, sekswal na panghaharas, sekswal at pisikal na pang-aabuso, trafficking at pag-blackmail.
Kabilang umano sa mag kasong ito ang naganap noong Hulyo 27, 2020, kung saan iligal na dinakip ni Leoven Julita, isang myembro ng CAFGU, si ‘Belle’ isang 15 anyos na batang babae sa prubinsya ng Quezon. Dinala si Belle sa isang kampo ng militar sa Lopez, kung saan mental at pisikal siyang tinortyur at ilang beses na ginahasa ng mga sundalo.
Noong 2018, ginahasa ni Police Officer 1 Eduardo Valencia ng Manila Police District ang isang 15-anyos na batang babae kapalit ng kalayaan ng mga magulang nito na nakakulong. Sa parehong taon, nanggahasa rin siya ng isang 11-taong gulang na batang babae sa Sampaloc, Manila habang nagsasagawa ng operasyong “gera kontra-droga” sa lugar.
“Nakagagalit na sa gitna ng lumulubhang kahirapan ng mamamayan dulot ng korapsyon at pagpapahirap ng estado mula noon hanggang sa kasalukyang rehimeng US-Marcos Jr, sinasamantala ng mga awtoridad ang kahirapan ng mamamayan upang lalo pang yurakan ang karapatan ng kababaihan,” paliwanag ng grupo.
“Hamon ng Gabriela Southern Tagalog sa rehimeng US-Marcos, kung sinsero ito sa pagsugpo sa karahasan sa kababaihan at bata, marapat lamang umpisahan ito sa hanay ng AFP-PNP na siyang may mahabang kasaysayan ng paglabag sa karapatan ng kababaihan at batang Pilipino,” pahayag ng grupo.











