Nagkaisa ang mga manggagawa sa iba’t ibang panig sa bansa para igiit ang mas mataas na sahod, tamang benepisyo, at proteksyon sa karapatan sa trabaho, habang papalapit ang kalimang state of the nation address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr sa Hulyo 27. Nagkasa ng mga prtotesta ang mga unyon at pederasyon sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) nagdaang mga linggo.
Sa Central Luzon, nagkasa ng pagkilos ang dalawang shift ng mga manggagawa sa Umicore Specialty Chemicals Subic Inc sa pangunguna ng Samahan ng Manggagawang Nagkakaisa sa Umicore (SAMANA USCS-ANGLO-KMU). Giit nila ang makabuluhang dagdag-sahod at karagdagang benepisyo sa gitna ng tumataas na gastos sa pamumuhay. Inilunsad ang mga pagkilos habang isinasagawa ang negosasyon sa pagitan ng unyon at maneydsment.
Sa Surigao del Norte, kinundena ng mga manggagawa ang serye ng panggigipit ng militar na umano’y naka-target sa mga lider-unyonista sa kumpanyang Adnama Mining Resources Inc. sa bayan ng Urbiztondo. Sa ulat ng National Federation of Labor Unions (NAFLU-KMU), “binisita” ng mga sundalo ang mga bahay ng mga lider ng Adnama Mining Resources Inc. Labor Union (AMRILU) noong Hulyo 13 at 14 para kwestyunin ang kanilang paglahok sa unyon.
Iniuugnay ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang insidente sa nagpapatuloy na labor dispute sa pagitan ng unyon at pamunuan ng kumpanya. Base sa mga ulat, humingi umano ng tulong ang maneydsment sa barangay upang piliting magbayad ang mga manggagawa sa hindi tinukoy na bayarin. Sinundan ito ng pagpasok ng mga sundalo sa komunidad at sunud-sunod na pagbisita sa bahay ng mga manggagawa.
Hindi ito ang unang beses na nakaranas ang mga manggagawa ng panggigipit sa lugar, ayon sa NAFLU-KMU. Noong 2020, pinuntahan din umano ng mga sundalo ng 30th IB ang mga lider-manggagawa upang pilitin silang kumalas sa pederasyon. Noong 2021 naman, dinakip ang dating pangulo ng AMRILU-NAFLU-KMU na si Anecito Patac.
Samantala, isang serye ng mga protesta ang ikinasa ng mga manggagawa bago ang SONA para iparating ang kanilang “hatol” sa inutil na rehimeng Marcos at ipanawagan ang nakabubuhay na sahod, trabaho, at kagalingan. Kabilang sa mga nakahanda ang mga kilos sa mga tanggapan ng DOLE at iba pang lugar sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.











