Nagkasa ng welga noong Hulyo 24 ang mga manggagawa ng San Miguel Integrated Logistics Services Inc. (SMILSI) sa Laguna bilang tugon sa iligal na pagsisante ng kumpanya sa mahigit 800 manggagawa noong Hulyo 6. Pinangunahan ang welga ng unyong Liga ng mga Manggagawa ng SMILSI sa San Miguel Corporation (SMC) Santa Rosa Industrial Complex sa Barangay Pulong Santa Cruz, Santa Rosa City. Sinuportahan sila ng mga pambansa-demokratikong grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na tumungo sa piketlayn noong Hulyo 25 para makiisa sa kanilang pagkilos.
Ang SMILSI ay isang pangunahing logistics company na may hawak sa mga dry goods, cold goods, at ready-to-eat products ng mga bantog na tatak tulad ng Magnolia at Purefoods sa ilalim ng SMC. Ang korporasyon ay pag-aari ng burgesyang kumprador na si Ramon S. Ang na tinukoy ngayong taon bilang ikalawang pinakamayamang bilyonaryo sa Pilipinas. Naiulat na $3.4 bilyon ang kanyang net worth.
Inilagay sa “floating status” ang mahigit 800 manggagawa matapos matalo ang kumpanya sa bidding process para sa mga operasyon nito sa bodega, transportasyon, at bundling. Pinilit rin ng maneydsment ang mga manggagawa na pumirma sa mga dokumento nang walang malinaw na paliwanag. Ang nanalong ahensya na ipinalit sa kanila ay mga subsidyaryo at pag-aari rin ng SMC.
Sa pagputok ng welga, hinarangan ng mga manggagawa ang pagpasok at paglabas ng mga sasakyang may kargang materyales at produkto ng SMC. Kabilang sa mga kumpanyang nasa kompleks ang San Miguel Brewery Inc., San Miguel Foods, San Miguel Foods (RTE), Magnolia Ice Cream, at ArchEn Tech. Isinagawa ang welga kasunod ng hindi paborableng takbo ng negosasyon sa maneydsment sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) sa Calamba, Laguna.
“Makatarungan ang pag-alpas ng daan-daang mga manggagawa sa mga ligal na proseso upang sama-samang kumilos at agarang nagpasya para iputok ang kanilang welga bilang hudyat ng mainit na pakikibaka ng mga manggagawa,” pahayag ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU).
Ayon sa unyon, tuluy-tuloy silang kikilos habang nagpapatuloy ang negosasyon. Mag-iisang buwan nang walang trabaho ang mga manggagawa at nahihirapan nang humanap ng mapagkakakitaan para matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Nauna nang binatikos ng mga manggagawa ang tanggalan bilang taktika ng kapitalista para buwagin ang kanilan unyon. Bago ang insidente, naglabas ng desisyon ang National Labor Relations Commission (NLRC) noong Abril 27 na pumapanig sa unyon para sa kanilang karapatan sa collective bargaining agreement (CBA).
Kinilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang unyon bilang Sole and Exclusive Bargaining Agent (SEBA) noong pang Disyembre 29, 2023. Ito ay matapos silang manalo sa Certification of Elections noong Setyembre ng parehong taon.
Ayon sa Pamantik-KMU, lalo lamang inilalantad ng pagsisisante mahabang rekord ng SMC at ni Ang sa pagtapak sa karapatan ng mga manggagawa sa regular na hanapbuhay at pagdurog sa mga unyon ng manggagawa. Noong 2023, naganap ang parehong tanggalan sa planta ng SMILSI sa Valenzuela City at San Fernando, Pampanga kung saan itinayo ng mga manggagawa ang kanilang unyon.
“Higit kailanman, kinakailangan ngayon ang lakas at pagkakaisa ng buong uring manggagawa para itaguyod ang mas papalawak at papalakas na kilusang paggawa sa Timog Katagalugan at iba’t ibang bahagi ng bansa,” panawagan ng panrehiyong sentro sa paggawa ng KMU.











