Ang Bayan Ngayon » Pagkasira mga korales sa Bais Bay, ikinabahala ng grupong simbahan

Nagpahayag ng pagkabahala ang Caritas Philippines sa naiulat na malawakang pagkasira ng mga korales sa Bais Bay sa Negros Oriental dulot ng malawakang pagkatapon ng nakalalasong tubig sa karagatan. Ayon sa sarbey, nasa 69% ng mga korales sa Bais Bay ang namatay. Malaking banta ang pagkasira ng malapad na bahagi ng korales sa lokal na biodiversity at sa kabuhayan ng mga pamayanang mangingisda sa baybayin.

Ang pagkasira ay dulot ng pagtagas ng basurang tubig mula sa nagamit na molasses patungo sa Bais Bay noong Oktubre 27, 2025. Matapos ito gumuho apektadongng pader ng 20-ektaryang containment lagoon sa distillery ng Universal Robina Corporation. Pininsala ng tagas ang humigit-kumulang 6,000 ektarya ng karagatang saklaw ng Tañon Strait sa pagitan ng Cebu at Negros Island. Ang kipot ay nagsisilbing mahalagang lugar ng pagpapakain at pagpaparami ng mga hayop na mammal sa dagat, isda, at mga crustacean.

Ayon sa pahayag ng Caritas Philippines na inilabas noong Hulyo 19, ang pagkasira ng mga korales ay hindi lang usaping pangkalikasan kundi isyu ng moralidad. Pinayayabong ng mga ito ang pangisdaan, pinuprotektahan ang mga baybayin, sumusuporta sa napakaraming uri ng yamang-dagat, at nagbibigay ng kabuhayan sa libu-libong pamilyang naninirahan sa baybayin. Kapag sila’y namamatay, marami ang mapipinsala, kabilang ang mahihirap na umaasa sa malusog na karagatan.

“Gaya ng paalala ni Papa Francisco sa Laudato Si’, ‘ang lahat ay magkakaugnay.’ Ang pagkamatay ng mga bahura ng korales, ang pagdurusa ng mga mangingisda, ang pagkaunti ng yamang-dagat, at ang kinabukasan ng ating mga anak ay magkakarugtong na hindi mapaghihiwalay,” paliwanag ni Bishop Gerardo Alminaza, presidente ng Caritas Philippines.

Hinikayat ng organisasyon ang lahat ng kinauukulang ahensya ng gubyerno na tumugon nang may kakagyatan, transparency, at pananagutan. Kung nagpapatuloy ang polusyon sa kasalukuyan, dapat magpatupad ng nararapat na hakbanging ligal at regulasyon para mapigilan ang karagdagang pinsala, matukoy ang pananagutan, matiyak ang pagsunod sa mga batas pangkalikasan, at maisagawa ang rehabilitasyon ng mga apektadong ekosistema.

Anito, ang tunay na sukatan ng ating pag-unlad ay hindi kung gaano karaming yaman ang ating nakukuha mula sa kalikasan, kundi kung gaano natin tapat na pinangangalagaan ang kalikasan.

“Hahatulan tayo ng mga susunod na henerasyon hindi batay sa ating mga hangarin, kundi sa kalagayan ng mga dagat, kagubatan, at pamayanang ating iiwan,” pagtatapos ni Bishop Alminaza.

Noong Oktubre 2025, nanawagan rin ng pananagutan mula sa URC ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Negros Island at maka-kalikasang grupo sa isla na Hakson Inc. Giit nila noon ang pagpapabayad sa URC sa buong rehabilitasyon ng Bais Bay at para sa nawalang kita ng mga apektadong komunidad.

Source link