Ang Bayan Ngayon » Dayalogo sa pagitan ng mga residente at administrasyon ng UP, walang naabot; laban sa UP SDG Park, nagpapatuloy

Nakipagdayalogo ang mga residente at magsasakang myembro ng Samahan ng Mamamayang Nagkakaisa sa Diliman (SAMANA Diliman) kay University of the Philippines (UP) Diliman Vice Chancellor Edgar “Carlo” Vistan noong Hulyo 14 para ipanawagan ang pagbasura sa proyektong UP Sustainable Development Goals (SDG) Park at Rental Housing Building.

Iginiit ng mga residente mula sa Pook Malantic, Area 17, Pook Aguinaldo, Sityo Libis, at Krus na Ligas (KNL) sa administrasyon ng unibersidad na ilantad ang tunay na adyenda sa likod ng proyekto, matapos ang naganap na tensyon sa barikada noong Hulyo 8.

Ayon sa mga lider-komunidad, bigo ang administrasyon ng UP na dinggin ang kanilang mga hinaing hinggil sa karapatan sa lupa. Sa halip na lutasin ang sigalot, patuloy nitong ipinagpipilitan ang konstruksyon ng walong gusali at isang parke sa 20-ektaryang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay at kabuhayan. Inilulusot ang proyekto kasabwat ang Department of Human Settlements and Urban Development at Megawide Corporation sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program ng rehimeng Marcos.

“Muling pinatunayan ng UP na wala silang intensyong pakinggan ang hinaing ng mamamayan,” ayon sa SAMANA Diliman. “Sa halip na resolbahin ang usapin sa lupa at karapatan ng magsasaka at mga residente, pilit na iniiiwas ng administrasyon ang usapin sa ownership at isinusulong pa rin ang SDG Park at Rental Housing Building.”

Mariing tinutulan ng samahan ang parke at proyektong pabahay na ito. Anito, hindi kaya ng mga residenteng manininda, magsasaka, at kontraktwal na manggagawa ang mataas na pamantayan ng pabahay, kabilang ang 24-buwang Pag-IBIG membership at tatlong buwang payslip. Binigyang-diin din nila na hindi ubra ang maliliit na silid ng mga bahay para sa malalaking pamilya. Hindi rin rent-to-own ang pabahay kaya habambuhay silang mangungupahan dito.

Bukod sa paupahang negosyong pabahay, kinwestyon ng mga residente ang pagmamay-ari ng UP sa lupain. Batay sa pagsisiyasat ng komunidad, ang hawak na titulo ng unibersidad (TCT 9462 Decree No. N-15584) ay hindi sakop ang Krus na Ligas kundi nakapangalan sa San Antonio, lalawigan ng Zambales.

“Matagal nang nakatuntong sa lupa ang mga magsasaka ng Krus na Ligas, dekada na bago pa ang UP at Quezon City,” pahayag ng SAMANA Diliman. “Ang iginigiit ng UP na may titulo raw sila na sakop ang Krus na Ligas ay fake land title.”

Iniharap din sa dayalogo ang serye ng karahasan at panggigipit na hinarap ng komunidad mula sa mga armadong “Blue Guard” ng ARMMS Agency, Department of Public Order and Safety (DPOS), at Quezon City Police District (QCPD). Kabilang sa mga inirereklamo ang pagwasak ng kagamitan, pagbubunot ng pananim, at pisikal na pananakit sa mga kababaihan at kabataan.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakatayo ang mga kubol at barikada sa Pook Malantic na ang layunin ay harangan ang pagpasok ng mga kagamitan sa konstruksyon ng kumpanya. Kasabay nito, nagsasagawa ng mga house-to-house campaign ang mga organisasyon ng kabataan para higit pang patatagin ang pagkakaisa ng mga residente.

Giit ng SAMANA Diliman, hindi tutol ang mga residente sa pag-unlad, pero paninindigan nila ang barikada laban sa anumang proyektong wawasak sa kanilang mga tahanan at susupil sa kanilang kabuhayan.

“Hindi natatapos sa diyalogo ang laban,” anito. “Hangga’t may banta sa Pook Malantic, Pook Aguinaldo, Area 17, at Sityo Libis, mananatiling nakabarikada ang komunidad laban sa anti-mamamayang pag-unlad.”

Source link