Daan-daang myembro ng mga organisasyon sa ilalim ng alyansang Bantay Impeachment ang nagprotesta sa harap ng Senado sa unang araw ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte noong Hulyo 6. Kasama ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at sentro ng manggagawa na Kilusang Mayo Uno (KMU), ipinanawagan nila ang pagpapanagot kay Duterte sa talamak na korapsyon at paglulustay sa pondo ng bayan.
Sa loob ng Senado, binuksan ang paglilitis sa pagpili ng presiding officer ng hukuman. Inilatag ng panig ng prosekusyon ang mga batayan ng reklamo, kung saan iginiit nilang malinaw ang mga ebidensya ng paggastos sa kontrobersyal na confidential funds at iba pang pondo nang walang sapat na awtorisasyon at tahasang lumabag sa konstitusyon at tiwala ng publiko. Ang tanging depensa ng mga abugado ni Duterte ay ang pagsabing panggigipit lamang sa pulitika ang mga akusasyon at walang ligal na batayan ang mga reklamo. Ayon sa prosekusyon, hindi nito sinagot ang mga paratang. Naging litaw din ang pagsisikap ng mga maka-Duterte na senador na idiskaril ang paglilitis.
Sa gitna ng tagisan, litaw ang girian sa naghaharing pangkating Marcos at Duterte. Idiniin ng piniling presiding officer na si Sen. Chiz Escudero na susundin ng korte ang panuntunang dapat 2/3 o 16 sa mga senador ang boboto para matanggal sa pwesto si Duterte. Sa kasalukuyan, ang 13 pa lamang na nasa panig ng “mayorya” ang nakikitang boboto para sa impeachment, habang ang siyam ay masusugid na alyado ng pamilyang Duterte. Dalawa na sa mga maka-Duterteng senador ang ipinakulong ng rehimeng Marcos sa mga kasong pandarambong at korapsyon, at ilan pa nilang kagrupo ang may nakaambang mga kaso.
Sa labas ng Senado, binigyan-diin ng Bayan na hindi dapat mauwi ang paglilitis sa bangayan ng mga paksyong ng naghaharing uri. Anito, dapat iharap sa korte at sa publiko ang lahat ng ebidensya laban kay Duterte. Hindi papayag ang mamamayan sa anumang pagtatakip o paghuhugas-kamay para protektahan si Duterte sa sigaw ng katarungan.
Wala ring ilusyon ang mga progresibong grupo sa rehimeng Marcos. “Hindi mapagtatakpan ng impeachment ni Sara Duterte ang bilyun-bilyong kikbak ni Bongbong Marcos sa flood control projects at iba pang proyekto ng gubyerno,” ayon sa KMU.
“Sangkot ang mga nagtutunggaliang paksyon at dinastiya sa malalim na korapsyong likas sa sistemang burukrata-kapitalista, simula sa mga Marcos at sa sarili nilang network ng mga partidong pulitikal at dinastiyang pinamumunuan ng mga malalaking kumprador at panginoong maylupa,” ayon sa Bayan. Sistematiko nilang dinadambong ang pondo ng bayan at ginagamit ang kanilang katungkulan sa burukrasya para makapagkamal ng yaman at kapangyarihan, anang grupo.











