Sa pangunguna ng Migrante at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), naglunsad ng protesta ang mga Pilipinong migrante sa mga bansang kanilang kinaroroonan bilang pagpapakita ng kanilang pagtatakwil sa “Filipino-American Friendship Day” noong Hulyo 4.
Nagrotesta ang mga grupo sa konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong at sa Jr Shinjuku Station East Exit, Tokyo City, Japan. Lumahok naman sa lokal na protesta laban sa imperyalismong US ang Bayan Aotearoa kasama ang Palestine Solidarity Network Aotearoa at mga kaibigang grupo sa konsulado ng US sa bansa. Sa Australia, lumahok ang lokal na balangay ng Bayan sa Global Anti-US Imperialist Rally na inorganisa ng Lasnet Solidarity Network at Pine Gap sa State Library, Naarm, Melbourne, Australia.
Sa tinatawag na “US-Philippine Friendship Day,” ginugunita ang huwad na kasarinlan na ipinagkaloob ng US noong 1946. Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling nasa ilalim ng malakolonyal na paghahari ng US ang Pilipinas.
Ayon sa Bayan-Aotearoa (New Zealand), saklaw ng paghahari ng US ang ekonomya, hindi lamang ang larangan ng militar. Sa loob ng maraming dekada, pinanatili ng imperyalismong US ang Pilipinas bilang taga-eksport ng murang lakas-paggawa at hilaw na materyales habang binabaon ang bansa sa utang at mga neoliberal na patakaran. Dinadambong nito ang mga kabundukan, inaagaw ang mga lupain, at isinasadlak ang mamamayan sa kahirapan at sapilitang migrasyon.
“Ito ang tunay na pamana ng 80 taon ng tinatawag na US-Philippines na ‘pagkakaibigan.’ Ito ang pamana ng imperyalistang pagsasamantala, dominasyong militar, at pambansang pang-aapi, na angkop sa kanilang napakalaking military-industrial complex,” paliwanag ni Eugene Velasco, tagapagsalita ng Bayan-Aotearoa NZ.
“Kaisa ang mga Pilipino sa Hong Kong ng ating mga kababayan sa Pilipinas sa panawagang kundenahin ang imperyalistang kontrol ng US sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Asia Pacific… Kailangang mabunyag ang tunay na katangian at dahilan kung bakit labis na sabik ang gubyernong US-Trump na magtayo ng mga istruktura, lalo na ang mga bagong base sa Pilipinas,” pahayag ng Bayan-Hong Kong.










