PRWC » Ang kataksilan ng papet-pasistang rehimen ni Marcos Jr ang lalong magtutulak sa sambayanang Pilipino na patuloy na tahakin ang rebolusyonaryong landas at isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan

Sa apat na taon na panunungkulan ng papet-pasistang rehimeng Marcos Jr, ay tuluyan rin nitong hinubad ang kanyang maskara–ang lantarang pagpapakatuta sa imperyalismong Estados Unidos. Na tila baga isang asong ulol na nagkukumahog sa pagsunod sa mga utos ng among si Trump.

Mariing kinokondena at naninindigan ang National Democratic Front (NDF)-Ilocos laban sa patuloy na pagpapalawak ng presensiyang militar ng Estados Unidos sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga kasunduang militar, malawakang war exercises gaya ng Balikatan, at iba pang mga programang naglalagay sa bansa sa sentro ng tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang mga kasunduang ito, kasama ang mga bagong estratehikong hakbangin tulad ng Pax Silica, ay mga instrumento ng imperyalistang dominasyon na idinisenyo upang mapanatili ang geopolitical at pang-ekonomiyang interes ng Estados Unidos sa rehiyon ng Asya-Pasipiko.

Kailanman ay hindi naging tunay na kaibigan ang imperyalistang Estados Unidos. Isang hungkag na palabas ang deklarasyon ng Filipino-American Friendship Day kada Hulyo 4 ng bawat taon. Mula 1947 sa ngalan ng US-RP-Military Assistance Agreement o training and development kuno, sinakop nito ang Pilipinas at ginawang neokolonya. Patuloy na kinakaladkad ang bansa sa giyera sa pagpapaypay sa sigalot sa Asya-Pasipiko. Kasapakat ang mga papet at traydor na rehimen sa nagdaan hanggang sa kasalukuyang rehimeng US-Marcos Jr, patuloy nitong ginagawang gatasan ang bansa para sa kanyang pang-ekonomiya at geopolitical na interes.

Sa ilalim ng papet-pasistang rehimeng Marcos Jr, lalong isinuko ang soberanya ng bansa sa pagbubukas ng mga pasilidad militar, pagpapalawak ng mga base at imprastraktura para sa dayuhang pwersa, at pagtanggap sa mga programang nagsisilbi sa estratehikong interes ng Estados Unidos. Ang ganitong mga hakbang ay naglalantad sa sambayanang Pilipino sa panganib ng digmaan mula sa tumitinding tunggalian ng mga imperyalistang bansa, habang isinasantabi ang tunay na pangangailangan ng sambayanan para sa demokratikong karapatan sa lupa, kabuhayan, serbisyong panlipunan, at pambansang industriyalisasyon.

Ang Balikatan war exercises ay hindi simpleng humanitarian missions o defensive activities. Ang mga ito ay paghahanda sa digmaan na nagpapadali sa interbensyon ng dayuhang militar at nagpapatibay sa pag-asa ng AFP sa doktrina, kagamitan, at istruktura ng komand ng Estados Unidos. Gayundin, ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nagbibigay ng pambihirang mga pribilehiyo at legal na imyunidad sa mga dayuhang tropa habang tinatapakan ang soberanya ng Pilipinas at ang mga demokratikong karapatan ng sambayanang Pilipino. Patunay nito ang presensiya ng siyam (9) na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa iba’t-ibang panig ng bansa na kung saan, apat (4) sa mga ito ay naidagdag sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr. Hindi pa kasali rito ang nakaposisyon sa Burgos, Ilocos Norte na hindi idinideklara ng rehimen at pilit na ikinukubli sa mamamayan ng rehiyon bilang isang training ground lamang.

Mahalagang suriin ang mga proyektong pang-ekonomiya at pangseguridad na may implikasyon sa pambansang kasarinlan, likas na yaman, at kapakanan ng mga lokal na komunidad. Dapat manaig ang interes ng sambayanang Pilipino sa anumang kasunduan sa mga dayuhang kapangyarihan. Gaya ng Pax Silica Initiative ng Estados Unidos na ginawa noong Disyembre 2025—programa na naglalayong agawin mula sa Tsina ang dominasyon sa pagmimina, produksyon, pagproseso at reserba ng mga kritikal na mineral para sa paglikha ng teknolohiyang komersyal at pangmilitar na mahalaga para sa pambansa at pang-ekonomiyang seguridad ng Estados Unidos. Tagapagtatag ng Pax Silica ang bansang US, Australia, Israel, Japan, South Korea, Singapore at UK. Lumaon ay sumali din ang Finland, Greece, India, Qatar, Sweden at UAE. Ang Pilipinas ay sumali sa programa nitong nakaraang Abril 17, 2026. Sa ilalim nito ay planong itayo ang Economic Security Zone (ESZ) sa 1,620 ektaryang lupaing sumasaklaw sa New Clark City, Angeles City, Pampanga at Capas, Tarlac. Sa pamamagitan ng ESZ, kokontrolin ng Estados Unidos mula sa Tsina ang pagmina, pagproseso at produksyon ng mga kritikal na mineral tulad ng nickel, cobalt, chromite. Gagawing isang higanteng pabrika ng imprastrakturang AI, semiconductors, enerhiya at kritikal na mineral na nakatali sa seguridad ng Estados Unidos sa suplay ng mahahalaga at abanteng teknolohiya at pangmilitar.

Taliwas sa propaganda ng reaksyunaryong GRP, ang pwersang Amerikano ay tumutulong sa counter-insurgency operations ng AFP at PNP at sa pagpapatupad ng pasistang lagim sa kanayunan upang supilin ang armadong pakikibaka na isinusulong ng rebolusyunaryong pwersa ng CPP–NPA at ng NDFP habang sinusupil ang pakikibaka ng progresibong kilusan ng mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa paligid ng mga EDCA sites at iba’t-iba pang military installation nito, at sa tabing ng war exercises, ginagamit ng US ang mga abanteng teknolohiyang militar at sinasanay ang AFP, upang hawanin, manmanan at targetin ang baseng masa ng NPA na masugid na lumalaban sa imperyalistang panghihimasok at paghahari sa bansa.

Iginigiit ng NDF-Ilocos na ang ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas ay hindi nakasalalay sa paggamit ng salitang terorismo o insurhensiya kundi sa talamak na krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan–kawalan ng lupa (landlessness), pagsasamantala, malawakang kahirapan, kawalan ng trabaho, katiwalian sa reaksyunaryong gobyerno, at dayuhang dominasyon. Walang halaga ng dayuhang tulong militar o mga operasyong kontra-insurhensya ang makakalutas sa mga pangunahing problemang ito.

Mahigpit din na naninindigan ang NDF-Ilocos na ang tunay na pambansang seguridad ay hindi nakasalalay sa pagdami ng dayuhang tropa o sa pagpapalawak ng mga base militar. Ito ay nakasalalay sa pagkakaroon ng isang malaya, nagsasarili, at makabayang patakarang panlabas na nagtatanggol sa soberanya ng bansa at nagsusulong ng kapayapaan batay sa paggalang sa sariling pagpapasya ng mamamayan.

Mananatiling mapagbantay ang sambayanang Pilipino at paiigtingin nito ang pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Naniniwala ang NDF-Ilocos na ang kataksilan ng papet-pasistang rehimen ni Marcos Jr ay lalong magpapaigting ng kamalayan sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyonal, pambansang minorya, taong-simbahan, at lahat ng makabayan at demokratikong sector na tahakin ang rebolusyunaryong landas at isulong ang Demokratoking Rebolusyong Bayan. Magkakaisa sa paglaban sa imperyalistang giyera at pandarambong ng Estados Unidos. Magpapalakas ito sa kamalayang anti-imperyalista ng mamamayan, ipagtatanggol ang pambansang kasarinlan, at tutulan ang mga patakaran at kasunduang naglalagay sa Pilipinas sa panganib ng panibagong giyera at higit na pag-asa sa dayuhang kapangyarihan. Tanging ang sambayanang Pilipino lamang ang nagtataglay ng soberanong karapatan na matukoy ang kanilang sariling kinabukasan, malaya sa interbensyon ng dayuhan at imperyalistang dominasyon.

Naniniwala ang NDF-Ilocos sa mamamayan ng rehiyon na maibabangon nitong muli at maisusulong ang demokratikong rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Ilokano. Nagpupunyagi ang mga rebolusyonaryong Ilokano para sa pagsusulong ng tunay na repormang agraryo, demokratikong karapatan, at kasarinlan. Patuloy na naninindigan na nananatili at tanging sa ganitong paraan lamang ang landas tungo sa pagkamit ng pambansang demokrasya at tunay na kalayaan. Dahil kailanman ay hindi simpleng isusuko ng mga naghaharing-uri kasapakat ang mga dayuhang imperyalista ang kanilang kapangyarihan at patuloy na dominasyon sa isang bansang matagal nang nakaratay sa kahirapan at pang-aalipusta.

Source link