Ang Bayan Ngayon » Agresibong “war rehearsal” ng US sa Asia-Pacific, tahasang panunulsol ng gera; rehimeng Marcos, kasabwat sa probokasyon

Hindi bababa sa 40,000 tropang militar mula sa mahigit 30 bansa ang kasalukuyang sabay-sabay na lumalahok sa mga war games na inilulunsad ng US sa iba’t ibang bahagi ng Asia-Pacific ngayong Hunyo. Inilunsad nito ang war games na Resolute Dragon sa Japan, katuwang ang militaristang rehimen ni Sanae Takaichi, Valiant Shield sa Guam, at ang dambuhalang RIMPAC sa Hawaii na nilalahukan ng 25,000-31,000 tropa.

Nakakonsentra ang sabayan at koordinadong mga war games sa kahabaan ng First at Second Island Chains bilang “rehearsal” o pag-eensayo ng iba’t ibang hukbo para sa inihahanda nitong imperyalistang gera laban sa China.

Bahagi ng malawakang “war rehearsal” na ito ang inilunsad ng US, kasabwat ang rehimeng Marcos, na Kamandag exercises kung saan lumahok ang mga tropang Pilipino, Japanese at Korean. Tatakbo ang war games na ito mula Hunyo 15 hanggang Hulyo 1 at gagamit ng mga pasilidad at manggugulo sa mga lugar (tinatawag na mga “node”) sa Northern at Central Luzon, Palawan, Cavite, Tawi-tawi at Metro Manila. Ang buong-layang pagpapagamit ng rehimen sa mga lugar na ito para sa layuning imperyalista ng US ay malaking pagtataksil sa soberanya at mamamayang Pilipino.

Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng buong pambansa-demokratikong kilusan ang papet na rehimeng Marcos Jr sa hayagan nitong pangangayupapa sa US at pagpapakaladkad nito sa heyopulitikal na banggaan ng dalawang imperyalistang bansa.

“Sa pagpayag na idaos ang mga pagsasanay tulad ng Kamandag sa estratehikong baybayin ng Pilipinas, itinutulak ng rehimeng Marcos ang mamamayang Pilipino sa bingit ng kapahamakan,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP. “Pawang hungkag ang mga pagdadahilan nitong ‘rehiyunal na katatagan’ at ‘depensa’ na ipinagmamayabang ng AFP at ng US.”

Aniya, panabing lamang ang mga ito sa katotohanang isinusubo ng US sa kapahamakan ang Pilipinas at mamamayang Pilipino, gayundin ang ibang mamamayan sa Asia sa peligro ng armadong sigalot nito sa China.

“Hindi pagtatanggol sa soberanya ang ginagawa ng US, kundi tahasang panghihimasok at militarisasyon na yumuyurak sa karapatan ng mga mamamayan sa rehiyon na mabuhay nang payapa,” aniya. “Ang imperyalismong US ang numero unong terorista at tagasulsol ng digmaan sa buong daigdig.”

Nanawagan ang PKP sa mga Pilipino, Japanese, Chinese, Amerikano at iba pang mamamayan sa Asia Pacific na labanan ang imperyalistang “war rehearsal” ng US, at palayasin ang mga tropang Amerikano sa kani-kanilang mga bansa.

“Dapat buwagin ang mga base militar ng US sa Pilipinas at sa Asia, at pigilan ang imperyalistang gera na magdadala lamang ng malawakang pinsala at gutom sa rehiyon,” aniya.

Source link