Ang Bayan Ngayon » Hustisya para kay Nenita Buscada, katutubong pinaslang ng 88th IB sa Bukidnon

Mariing kinundena ng mga progresibong grupo, sa pangunguna ng Bai Indigenous Women’s Network, ang brutal na pagpaslang ng mga pasistang tropa ng 88th IB kay Nenita Buscada, isang katutubong kababaihan, sa Barangay St. Peter, Malaybalay City, Bukidnon noong Hunyo 15.

Ayon sa ulat, kasama ni Buscada ang kanyang asawa at dalawa pang sibilyan na patungong kagubatan para mangahoy at maghanap ng ikabubuhay nang bigla silang paulanan ng bala ng militar. Nangangahoy sila noon para may ipambili ng mga gamit pang-eskwela ng kanilang mga anak. Agad na napatay si Buscada habang nasugatan ang kanyang asawa. Palusot ng 88th IB, napagkamalan silang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) kaya sila pinagbabaril.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Kim Falyao, pambansang koordineytor ng Bai, na hindi katanggap-tanggap ang palusot ng militar. “Ang pagpaslang kay Nenita ay hindi lamang isang ‘pagkakamali’ o simpleng ‘misencounter.’ Ito ay malinaw na paglabag sa internasyunal na makataong batas (IHL)… at atake laban sa katutubong kababaihan na kumakalinga sa kanilang mga komunidad,” ani Falyao.

Hindi rin umano sapat ang mababaw na paghingi ng paumanhin ni Lt. Col. Arnold Bautista, kumander ng 88th IB. Ayon sa grupo, walang saysay ang mga salita ng militar sa harap ng mahabang kasaysayan ng pasismo, kawalang pananagutan, at terorismo ng estado sa mga lupang ninuno. Giit ng Bai, ang tunay na hustisya para sa mga biktima ay hindi magmumula sa huwad na pag-ako ng kasalanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kundi sa radikal na pagbabago sa kanayunan.

“Ang tunay na hustisya ay ang pagbuwag sa mga kampo at detatsment ng militar sa aming mga teritoryo; ang pagtigil ng militarisasyon, pambobomba, at lahat ng anyo ng pananakot sa aming mga komunidad,” dagdag ni Falyao.

Binalaan ng grupo ang rehimeng US-Marcos na habang nagpapatuloy ang mga operasyong militar sa mga lupang ninuno at habang tumatanggi ang estado na harapin ang ugat ng armadong tunggalian, magpapatuloy din ang pagdanak ng dugo ng inosenteng mga sibilyan. Nanawagan ang grupo sa mamamayan na magkaisa at labanan ang umiiral na tiranya at militarisasyon sa kanayunan.

Source link