Ang Bayan Ngayon » Balangay ng Makibaka, itinatag sa Central Negros

Itinatag ng rebolusyonaryong kababaihan sa Central Negros ang kanilang balangay ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) noong Hunyo 12 sa gitna ng matinding operasyong kombat ng 62nd IB sa larangang gerilya. Naisagawa ang aktibidad kasama ang mga kababaihang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command).

Pormal na binuksan ang pagtitipon sa pag-awit sa Internasyunal. Nagkaroon ng talakayan sa buhay ng pakikibaka, mga karanasan at kontribusyon ni Juliana Arculo Gemodo mula sa pagiging isang lokal na organisador, pagsapi sa Partido at bilang Pulang mandirigma.

Isinunod sa pangalan niya ang itinalagang tagapagsalita ng Makibaka-Central Negros na si Ka Inday Gemodo. Nag-alay ng 21-gun salute ang BHB para kay Gemodo at iba pang mga martir ng larangan. Naghandog rin ng awit ang mga kasama para sa kanya.

Si Gemodo, 63, ay namartir nang sadyang pinatay ng mga sundalo ng 47th IB noong Enero 31, kasama ang kanyang asawa at kapwa mandirigma na si Pedro. Sugatang nadakip at binaril ang dalawa sa Sityo Agpapataw, Barangay Binobohan, Guihulngan City, Negros Oriental kasunod ng pag-atake ng 47th IB.

Ang mag-asawa ay pinaulanan ng bala habang nagpapahinga sa isang kubo sa Sityo Agpapataw. Nasugatan sila mula sa pamamaril ngunit nakaatras papalayo. Dahil sa tinamong mga sugat, wala na sa katayuang lumaban ang dalawa o maituturing nang mga hors de combat. Sa halip na igalang ang karapatan nang muling natunton ng mga sundalo at ituring na mga bihag ng digma, pinatay ang mag-asawa.

Kasaysayan sa pakikibaka

Si Gemodo ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1963 sa pamilya ng mahirap na magsasaka. Dahil relihiyoso ang pamilya, naging bahagi siya ng grupong Gamay nga Kristianong Katilingban (GKK) na nagsulong ng pagbabagong panlipunan na nakabatay sa pastoral na programa ng simbahan noong dekada 1980. Naging bahagi rin siya ng Kabataang Makabayan (KM).

Aktibong lumahok si Gemodo sa mga pagpupulong at rebolusyonaryong pag-aaral na ibayong nagmulat sa kanya sa kalagayan ng lipunan. Lubos niyang naunawaan sa batang edad ang kawastuhan ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa huling bahagi ng dekada 1980 ay natulak ang kanilang pamilya at buong komunidad na magbakwit dahil sa pananalasa ng pambobomba, paghamlet at paglabag sa karapatang-tao ng militar.

Sa panahong ito, bilang isang organisador at aktibista, nakatuwang si Gemodo sa pagtatayo ng mga grupo ng GKK sa Negros Oriental. Sa paglipas ng panahon, naging aktibo naman siyang organisador ng Kapunungan sa Gagmay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros-Guihulngan Chapter. Dumanas siya ng pananakot at panggigipit sa kamay ng militar bilang organisador.

Naging bahagi rin si Gemodo ng rebolusyonaryong mga organisasyon ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at Makibaka. Noong 1987, narekrut siya sa Partido. Isang taon makalipas, nagsilbi siyang kalihim ng isang sangay ng Partido sa lokalidad. Malaki ang kanyang naging kontribusyon sa pagsusulong ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa kanyang erya.

Simula Hunyo 2010, nakaranas si Gemodo at kanyang asawa ng panggigipit at pambabanta mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng isang engkwentro sa Sityo Agpapataw noong buwang iyon. Noong 2017, ilang ulit silang pinilit ng AFP at mga tauhan ng National Task Force-Elcac na “sumurender” kahit sila’y mga sibilyang magsasaka.

Ang mga kundisyong ito ang natulak sa kanilang mag-asawa na sumapi sa BHB noong 2017. Gumampan ng tungkulin sa pagiging instruktor sa pultika ng isang Section Guerrilla Unit (SGU) ng BHB si Gemodo, at noong 2019 ay naging bahagi ng komiteng tagapagpaganap ng yunit gerilya.

Sa pagkakatatag ng bagong balangay ng Makibaka sa Central Negros, nangako ang mga kababaihan sa magkakanugnog na mga bayan na tatahakin ang buhay ng sakripisyo at katapangan ni Gemodo.

Source link