Nabulabog ang mga sundalo ng 62nd IB sa detatsment sa Barangay Sikatuna, Isabela, Negros Occidental noong Hunyo 12 sa inilunsad na operasyong haras ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command). Pinaputukan ng Pulang hukbo ang detatsment bandang alas-7:50 ng gabi habang nagpapahinga ang nakakampong mga sundalo.
Isang pasistang sundalo ang napatay at isa pa ang nasugatan sa armadong aksyon. Itinago ito ng 62nd IB sa kahihiyan laluna at naisagawa ito ng hukbong bayan sa gitna ng masinsing operasyong militar sa Central Negros.
Patung-patong ang mga paglabag ng mga sundalong nakakampo sa detatsment sa karapatang-tao ng mga residente. Kabilang sa mga krimen nila ang panggigipit, pananakit at sapilitang pagpapasurender sa mga magsasaka.
Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, naging matagumpay ang armadong aksyon dahil sa lubos na pagsuporta ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa erya.
“Nagpapakita ito ng pakikiisa ng Pulang hukbo sa mamamayang Negrosanon na patuloy na nakakadena sa mapagsamantalang sistema na umiiral sa isla,” pahayag naman ni Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng BHB-Negros Island. Dagdag niya, magpapatuloy ang pagsisikap ng Pulang hukbo na putulin ang kadenang ito sa pamamagitan ng pagwasak sa mga bayarang armadong makinarya ng mga sakim na panginoong maylupa at mga burgesyang komprador.
Ang Barangay Sikatuna
Ang Barangay Sikatuna ay kabilang sa mga unang barangay sa bayan ng Isabela na idineklarang “insurgency-free” sa ilalim ng rehimeng Marcos noong 2022. Kabilang ito sa mga barangay na binuhusan ng pondo ng Support to Barangay Development Program ng National Task Force-Elcac, na pondong pangkurakot ng ahensya at ng mga upisyal militar.
Iniulat ng NTF-Elcac na nagtayo ng mga imbakan ng tubig, daycare center at proyektong “solar electrification” sa barangay. Binigyan din ang barangay ng kung anu-anong mga proyektong “pangkaunlaran” ng mga pribadong institusyon, sa tulak ng militar, sa tangkang linlangin ang mga residente.
Para makatanggap ng mga proyekto at maideklarang “insurgency-free,” matagal na ipinailalim sa operasyon ng Community Support Program (CSP) ng 62nd IB ang barangay. Ang mga operasyong ito ay batbat ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
Noong Marso 25, 2024, idineklara ang buong Negros Occidental na nasa kategoryang Stable Internal Peace and Security (SIPS). Noong Mayo, idineklara na rin ng 3rd ID na “nabuwag” na ang lahat ng mga yunit ng BHB sa isla ng Negros. Napasinungalingan ito ng magkakasunod na armadong aksyon ng hukbong bayan sa nagdaang buwan.











