PRWC » Deklarasyong “insurgency-free” sa Calabarzon, panlilinlang at desperadong hakbang ng GRP

Nangangarap nang gising ang rehimeng US-Marcos II nang ideklara nitong nasa estadong “Stable Internal Peace and Security” (SIPS) ang Calabarzon nitong Hunyo 12. Sa desperasyon nitong kamtin ang target na lipulin ang rebolusyonaryong kilusan, nagmamadali itong magdeklara ng pinakamaraming mga probinsya at bayan sa ilalim ng SIPS sa tabing ng huwad na kalayaan at pekeng kaunlaran.

Kalahok sa deklarasyon ang mga pambansa at lokal na burukrata kapitalista at mga kumander ng militar at pulis sa rehiyon—sina DILG secretary Juanito Victor Remulla Jr., Tagapangulo ng Calabarzon regional Peace and Order Council at gobernador ng Quezon na si Helen Tan, executive director ng NTF-ELCAC na si Ernesto Torres Jr., kumander ng Solcom na si Lt. Gen Cerilo Balaoro, kumander ng 2nd ID na si Maj. Gen. Ramon Zagala at direktor ng PNP-Region 4A na si Police Brig. Gen. Hansel Maratan. Ang mga ito ay mga burukrata-kapitalista’t sagadsaring anti-komunista na masugid na tagapagtanggol ng interes ng mga lokal na naghaharing uri at imperyalismong US.

Kalokohan ang “pagdiriwang” ng reaksyunaryong estado at lokal na gubyerno dahil nililinlang lamang nila ang kanilang mga sarili. Habang nagpapanggap na wala nang rebolusyonaryong pwersa sa Calabarzon, todo at walang puknat ang mga operasyong militar sa iba’t ibang bahagi nito. Hinahalihaw ng mga pwersa ng Solcom at 2nd ID ang mga kabundukan at kanayunan. Masinsin din ang pakat ng mga pwersang militar at pulis. Nasa 32-34 panagupang batalyon ng AFP-PNP sa buong Timog Katagalugan, kung saan karamihan ay nasa Calabarzon.

Hungkag ang palabas na “nakamit na ang kapayapaan” sa pagiging “insurgency-free” ng Calabarzon. Kung tutuusin, lalong naliligalig ang buhay ng mamamayan sa rehiyon sa paglaganap ng mga paglabag sa karapatang tao resulta ng atrosidad ng AFP-PNP sa mamamayan. Para sa kanila, salot ang nagaganap na militarisasyon kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Pinipigilan at inaabala ang produksyon ng mga magsasaka, pinagbabawalan ang mga pambansang minorya na bumalik sa kanilang lupang ninuno kaya naiiwang tiwangwang ang malalawak nilang lupain sa produksyon. Hangga’t patuloy na dinadambong ang likas na yaman ng mamamayan sa rehiyon, pinapalayas ang mga magsasaka, binabarat ang sahod ng mga manggagawang bukid at hindi matamasa ng mayorya ng mamamayan ang serbisyong panlipunan, hindi makakamit ng mamamayan ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan na inaasam nila. Katunayan, habang patuloy ang pang-aapi at pagsasamantala, sumisibol ang paglaban ng mamamayan at mananatili silang nakasalig sa rebolusyonaryong kilusan na nakikita nilang tanging kakampi sa harap ng pang-aatake ng imperyalismo, lokal na reaksyunaryong gubyerno at AFP-PNP.

Samantala, ang pagmamalaki na “insurgency free” na ang Calabarzon sa araw ng Huwad na Kalayaan ay bahagi ng paghahandog sa among imperyalista ng katapatan at garantiya na malaya nang gamitin ang rehiyon sa gerang agresyon at iba pang pang-ekonomyang interes ng imperyalismong US. Ang deklarasyong “insurgency free” ay nangangahulugang malaya nang ipwesto ng mga imperyalista ang kanilang tropa saan mang sulok nang rehiyon dahil “wala” na ang mga “balakid”. Kung matatandaan, ang Calabarzon ang isa sa mga pinaglunsaran ng Balikatan Exercises at kabahagi ng Luzon Economic Corridor na magsisilbi sa nilulutong imperyalistang gera laban sa China. Nagbabalak pa itong magtayo ng paliparan sa Sangley Point, Cavite, na may pangmilitar at komersyal na gamit.

Ang nagpapatuloy na presensya ng NPA at ang pagpupunyagi ng rebolusyonaryong pwersa sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon sa harap ng pang-aatake ng AFP-PNP ay nagpapatunay na walang kwenta at hungkag ang deklarasyong SIPS. Hindi ito maitatanggi maski ng mga personaheng dumalo sa aktibidad. Kung tunay na wala nang rebolusyonaryong pwersa sa Calabarzon, e di dapat nang lumayas ang mga militar sa kanayunan. Dapat ding ilipat ang pondong militar sa ayuda at iba pang serbisyong panlipunan na kapaki-pakinabang sa mamamayan, kaysa gamitin sa paghahasik ng karahasan sa bayan. Marapat na patuloy na labanan ng mamamayang Pilipino ang militarisasyon sa Calabarzon at buong Timog Katagalugan.

Anumang panlilinlang, hindi mapasusubalian ng deklarasyong SIPS ang katotohanang malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino na batayang kondisyon kung bakit mananatili at magpapatuloy ang rebolusyon ng mamamayan sa pamumuno ng CPP sa buong bansa. Pinatunayan na ng kasaysayan na ang bulok at pasistang estado ang nagtutulak sa mamamayan sa landas ng rebolusyon.

Hindi kailanman nawala ang NPA sa Timog Katagalugan. Nakahanda ang mga yunit ng NPA sa ilalim ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog na magpunyagi sa armadong rebolusyon at dalhin ito hanggang tagumpay. Patuloy nitong tutupdin ang tungkulin sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa upang isulong ang pambansa-demokratikong interes ng mamamayang api, laluna ang masang magsasaka at ibayo pang palawakin ang pulang kapangyarihan. Nakatudla ang NPA sa rehiyon na magpanibagong sigla at lakas hanggang sa ihatid ang digmang bayan sa panibagong antas ng lakas hanggang tagumpay.

Source link