Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-NPA-ST ang lantarang pangingialam ng US sa pagdebelop sa Sangley Point International Airport (SPIA) sa Cavite. Sa tabing na pagpapaunlad para gawing komersyal na international airport, malilinaw ang indikasyong gagamitin itong dagdag pasilidad militar ng US, kasabwat ang Cavite Holdings ng Virata–Yuchengco bilang pangunahing developer nito.
Ang SPIA ay isang malakihang masterplan na tinatayang gagastusan ng ₱215.69 bilyong halaga at may kapasidad umanong tumangkilik sa daan-daang milyong pasahero sa pangmatagalang panahon. Popondohan mismo ng US Trade and Development Agency ang pag-aaral sa pagpapaunlad sa Sangley Point na para umano sa komersyal na gamit pero eksklusibo ang byahe sa pagitan lamang ng US at Pilipinas.
Binanggit din ng US at ng rehimeng Marcos II na bahagi ito ng pagsisikap para higit na pasiglahin ang Luzon Economic Corridor (LEC). Ang LEC ay idinidirehe ng US kasama ang Japan, papet na rehimeng US-Marcos II at walo pang alyadong bansa ng US para sa maniobrahang pang-ekonomya at militar ng US kontra-China. Malaking pihit ang idudulot nito sa pagtatayo ng imprastruktura, ekonomiya at heyopulitikal ng Timog Katagalugan at ng Metro Manila.
Dahil sa lokasyong malapit sa mga pinag-aagawang bahagi ng South China Sea, ang paggamit sa Sangley Point bilang isang aktibong hub ng lohistika at potensyal na military-civilian point ay gagatong sa usaping heyopulitikal ng US at China. Hindi malayong maging katulad ito ng itinatayong paliparan sa Balabac, Palawan na Catagbuan Airport na ipinaketeng pangsibilyan na gamit pero pangunahin ngayong pinagsisilbi sa pangmilitar na pangangailangan ng US; at ang Antonio Bautista Airbase na gumagamit ng runway ng karatig na Puerto Princesa International Airport.
Tiyak na gagamitin itong lagakan ng advanced security systems, cargo/logistics capability at malalaking runway na bukas na bukas na gamitin ng US para sa military logistics o joint exercises kung iaatas niya sa sunud-sunurang rehimen. Papalakasin nito ang interoperability sa pagitan ng sundalong US at AFP. Sa ganito, mas madali para sa US na lusutan ang anumang ligalidad o lehislasyon at hadlang sa pagtatayo ng paparaming base militar sa Pilipinas dahil nakakubli ito sa “sibilyang gamit”.
Kung lilingunin, historikal ang gamit ng Sangley Point bilang istasyong nabal ng US na itinayo mula pa noong panahon ng pananakop (1898). Nagsilbi ito bilang pasilidad sa komunikasyon at ospital ng mga tropang Amerikano at nag-opereyt hanggang 1971. Ginamit din itong istasyon at daungan ng US Navy patrol squadron forward para sa Vietnam War.
Ang pagpapalawak ng Sangley Point bilang international airport ay mangangailangan ng reklamasyon na maaaring magdulot ng malalim na epekto sa marine ecosystems, pangingisda at saribuhay sa Manila Bay. Maaaring palalalin nito ang pagguho ng lupa, magbago ng mga tidal patterns, at magpahina sa likas na depensa laban sa storm surge at pagtaas ng lebel ng dagat. Itutulak din nito ang pwersahang paglipat ng mga residente sa lugar at pagbabago sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Pinalalabas na ang kinalaman ng US sa Sangley Point ay umiikot lamang sa teknikal na suporta at strategic signaling: tumutulong magpatibay ng proyekto sa pinansyal at operational na aspeto habang nagbubukas ng diskursong heyopulitikal at dual‑use applications. Napakanipis lamang ng linya sa pagitan ng komersyal na imprastruktura tungong militar na pasilidad. At sa pagiging himod-pwet na alipores ng US ni Marcos Jr., isang utos lang ang kailangan para ibigay niya sa US ang kagustuhan nitong itransporma ito para sa ganansyang militar nito anumang oras nito kailanganin. Ang kapalit— magiging lehitimong target ito ng pagsalakay ng sinumang kalaban ng US.
Dapat ilantad at labanan ang mga proyekto sa ilalim ng LEC kabilang ang SPIA upang pigilan ang mga imbing pakana ng rehimeng US-Marcos II na kaladkarin sa imperyalistang gera ang Pilipinas kung saan ang mamamayang Pilipino ang pangunahing magdurusa at maaapektuhan ang buhay at kabuhayan. Tuligsain ang pagiging sagadsaring tuta ni Marcos Jr. at ipanawagan ang paglalansag ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Anumang presensya ng sundalong Kano at iba pang dayuhan sa Pilipinas na naglulunsad ng military exercises ay pagyurak sa pambansang soberanya at kasarinlan at nagsasapanganib sa kaligtasan at kapayapaan ng sambayanan.
Sa patuloy na pag-arangkada ng mga SPIA at mga katulad na proyekto, hamon sa rebolusyonaryong kilusan at sa hanay ng NPA na higit na magpunyagi upang patuloy na magparami at palakasin ang ating hanay para ipagtatanggol ang mamamayang Pilipino at kamtin ang tunay na kalayaan at pambansang kasarinlan.











