PRWC » Operasyon isnayp, inilunsad ng BHB-Northen Samar

Naglunsad ng operasyong isnayp ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar (Rodante Urtal Command) laban sa mga sundalo ng 19th IB na nakahimpil sa detatsment sa Barangay Geparayan de Turag, Silvino Lobos, Northern Samar noong Mayo 22. Ang armadong aksyon ay pagpapataw ng hustisya sa patung-patong na mga krimen ng 19th IB sa masang magsasaka.

Matagal nang iniinda ng mga residente ng Silvino Lobos ang pananalasa ng pasistang militar sa kanilang komunidad. Ang nasabing detatsment ay katabi lamang ng kabahayan at dahil sa sobrang dami ng pasistang tropa sa kampo ay nakahalo sila sa mga sibilyan. Maya’t maya rin ang mga operasyong kombat na gumugulo sa paghahanapbuhay ng masa.

Samantala, napatay sa armadong aksyon ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang isang sundalo ng 79th IB na nag-ooperasyon sa Sityo Cagayon I, Barangay Tamlang, Escalante City, Negros Occidental noong Hunyo 1. Maagap na nakapaglunsad ng depensa ang yunit ng hukbong bayan laban sa papalapit na tropa sa kanilang himpilan. Sampal ito sa paulit-ulit na deklarasyon ng reaksyunaryong estado at ng armadong makinarya nito na wala nang nakatayong larangan sa erya.

Matapos ang labanan, pinaigting ng 79th IB ang operasyong kombat at militarisasyon sa barangay. Sapilitan nilang pinagbakwit ang 150 pamilya o 554 indibidwal na pansamantalang nanatili sa Tamlang Elementary School sa loob ng isang araw.

Source link