Matapos ang Balikatan 2026, agad na ikinasa ng US ang kasunod na mga war games na Salaknib, Kasangga, at Marine Exercise (MAREX) noong Mayo. Mahigit 8,000 tropa mula sa US, Japan, Australia, at Pilipinas, pati na mga tropa mula New Zealand at Canada, ang kalahok sa mga war games. Taliwas sa sinasabing para ito sa “eksternal na depensa,” komun sa tatlo ang mga kontra-insurhensyang operasyon na isinasagawa sa mga komunidad ng mga magsasaka at mangingisdang Pilipino.
Sa Luzon, isinasagawa ng US ang Salaknib 2026 na nilahukan ng mga hukbong pangkati ng US, Pilipinas, at New Zealand, at ng Japan Ground Self-Defense Force. Ineensayo nito ang paglilipat-lipat ng mga gamit-militar sa pagitan ng mga isla sa kunwa’y “archipelagic defense.” Tumutok ang war games sa pag-eensayo sa mga taktika sa digma sa kagubatan (jungle warfare at mga small unit tactic) sa mga kundisyong “real time.” Itinayo para rito ang mga “jungle combat training center.”
Sa Camarines Sur, inilunsad ang Kasangga 2026-1 mula Mayo 26 na nilalahukan ng mga tropa mula sa Australian Army. Pokus nito ang operasyong paniktik at kombat sa mga komunidad. Bago pa buksan ang war games, lumapag na ang dayuhang mga tropa sa prubinsya. Ginamit nila ang mga baybayin at bulubunduking bahagi ng Pasacao, Balatan, San Fernando, Libmanan, at Ragay. Pinapasok nila ang mga komunidad at hinigpitan ang kilos at paghahanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa Mindanao, isinasagawa ng US ang MAREX 2026 sa Maguindanao del Norte katuwang ang Philippine Marine Corps. Tutok nito ang pagsasagawa ng mga jungle patrol sa labas ng Camp Iranun at pagpapaputok ng artileri malapit sa matataong lugar sa Datu Blah Sinsuat at Barira. Nagdulot ng ligalig sa mga residente ang panganganyon.
Mula’t sapul, diin ng mga war games ng US ang kontra-insurhensyang mga operasyon. Ang Balikatan, bago ito naging multilateral na palabas ng mga tropa at armas, ay nakatuon sa “internal na depensa” o pag-eeksperimento ng mga taktika at kagamitan laban sa armadong kilusang Bangsamoro at laban sa Bagong Hukbong Bayan. Inilunsad sa tabing nito ang malalawak na operasyong sibil-militar kung saan nagpakitang-tao ang US sa pagtatayo ng mga eskwelahan, pagsasagawa ng mga misyong medikal, paghuhukay ng mga balon at iba pang pakana para ilayo ang “puso’t isipan” ng mamamayan sa pagrerebolusyon.
Samantala, diin ng Salaknib, na unang inilunsad noong 2016, ang pagpapaunlad ng mga taktika at kakayahan ng Philippine Army sa jungle warfare, small unit tactics, paggamit ng K-9 (mga aso), pagdis-arma ng mga eksplosibo, at pagpapaputok ng mga kanyon at mortar. Nitong nagdaang dalawang taon, ineksperimento dito ang maramihang paggamit ng maliliit na drone (“eye in the sky” sa Cagayan Valley noong 2025) at modernong kontra-drone at electronic warfare (2026), kaalinsabay sa magkasanib na operasyon ng mga yunit. Ang mga armas na ginagamit sa mga war games na ito ay ibinebenta kalaunan ng US sa Pilipinas.











