PRWC » Hindi pagpapatibay sa kapayapaan kundi pinatinding panunupil at karahasan ang hatid ng militar sa Masbate

Pagkakalat ng kasinungalingan at kahambugan ang ipinamarali ng 903rd Infantry Brigade at 3rd CMO Company sa ilinunsad nitong “peace rally” sa Rizal park ng Masbate City noong Marso 29, 2026. Gumamit pa sila ng mga praps upang gawing kapani-paniwala sa madla ang kanila umanong pagtataguyod sa kapayapaan sa prubinsya ng Masbate. Ipinarada nila ang mga nagbalik-loob sa gubyerno na umanoy mga dating kasapi ng New People’s Army o NPA. Desperado ang militar na may maipagmayabang na “tagumpay” laban sa NPA at rebolusyonaryong kilusan sa Masbate at sa buong rehiyong Bikol kasabay ng ika-57 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan.

Katunayan, hindi naging mapayapa ang buhay ng mamamayang Masbatenyo mulat-sapol na nagkaroon ng mga presensya ng militar ang kanilang lugar laluna sa panahon na hibang na ipinatupad ang programang balik-loob ng gubyerno. Mas tumindi ang mga panunupil at paglabag sa karapatang-tao dahil sapilitang pinagsurender ang mga sibilyang komunidad sa kabiguang mapasuko ang mga Pulang Hukbo. Binabantaan silang aakusahang taga-suporta o di kaya ay kasapi ng NPA kung hindi “magpalinis ng kanilang pangalan” na katumbas ay pagiging surenderi.

Maraming sibilyan ang noo’y nagreklamo, hindi naman sila NPA o armado, bakit pati sila pinasusuko ng gubyerno. Ngunit, dahil sa pananakot at pambabanta, nagtagumpay ang mga militar na gawin silang mga surenderi na pinagkakitaan ng mga ito. May katumbas na humigit-kumulang ₱65,000 ang bawat isang surenderi na ibinulsa lang ng mga upisyal ng mga militar at pulis habang walang natanggap ang mga sapilitang pinasukong mga sibilyan.

Salungat ito sa kanilang ipinagmamayabang na kusang pagsuko sa kanila. Maraming beses na nagkaroon ng drama na ipinapakita ang pagsasalong ng armas ng mga umanoy kusang sumukong kasapi ng NPA na ilan sa kanila ay nabistong militar, pulis o di kaya ay mga tau-tauhan nila.

Totoong meron silang napasuko pero ito ay mga AWOL (absence without leave) at matagal nang hindi kasapi ng NPA. Ang mga ito ay nahaharap sa mga aksyong pandisiplina sa loob ng rebolusyonaryong kilusan dahil sa mga paglabag sa alituntunin at regulasyong militar. Ilan din sa kanila ay dating mga lider masa na dumanas ng pananakot at pambabanta, ang iba ay nalinlang sa inasukalang pangakong magandang buhay na ibibigay ng gubyerno kapalit ng pagtigil sa pagkilos at tumiwalag sa pinapaloobang samahan o organisasyong masa.

Subalit, sa halip na magandang buhay, ginamit lang sila ng militar upang magsaboy ng mga paninira laban sa rebolusyonaryong kilusan at NPA. Ipinasuka sa kanila ang kanilang mga nalalaman upang makilala ang mga kadre at kasapi ng Partido at Pulang Hukbo. Ginagawang giya sa operasyon at pinagmyembro sa CAFGU na kadalasan ay nagnanakaw sa mga alagang hayop ng mga magsasaka dahil kulang na kulang ang honorarium na natatanggap at para tustusan ang kanilang bisyo at pampulutan ng kanilang mga upisyal. Ilan din sa mga kababaihan kahit may asawa ay ginawang kabit ng mga upisyal ng militar.

Ang mantsa ng pagiging berdugo at mamamatay-tao na matagal nang naipinta sa masang Masbatenyo ay hindi na mabubura pa kailanman. Anumang pagpapanggap ang gagawin ng militar hindi nito mapagtatakpan ang katotohanang dinaranas ng mamamayan mula sa duguan nilang mga kamay.

Kung totoong para sa magandang kinabukasan ang kanilang ginagawa bakit marami pa rin ang mga dukha at nagugutom sa mga syudad, namamalimos, walang bahay o di kaya ay sa iskwater erya nakatira, namumulot ng basura, nagiging mga puta at tagabenta ng droga? Bakit kasabwat ang militar ng mga dayuhang korporasyon sa mina at lokal na mga rantsero sa pang-aagaw sa lupa ng mga magsasaka sa kanayunan, ninanakaw ang mga alagang hayop at sinusupil ang kanilang katapatan? Ang mga mangingisda ay itinataboy sa kanilang kabuhayan upang bigyang daan ang ekoturismo sa lugar. Dumadanak ang dugo sa tuwing ipinaglalaban nila ang kanilang lupa at kabuhayan mula sa mga mangangamkam. Ito ba ang magandang buhay? Ito ba ang pagtataguyod ng kapayapaan? Kayo ang maghusga!

Ngayon, nahahaharap sa lumalalang kahirapan at gutom ang masang Masbatenyo dahil sa nangyayaring kaguluhan sa ibang bansa. Ngunit sa halip na gawing prayoridad ang pagtugon sa mga hinaing ng mamamayan upang mabawasan ang dinaranas nilang paghihirap, dinagdagan pa ng isang batalyon ang prubinsya para bigyang-daan ang pagdambong sa lupain ng Masbate para sa mina, ekoturismo at pagrarantso.

Nakatakdang magtayo ng command post at ditatsment ang militar sa barangay San Carlos, Palanas upang magsilbing security sa planong pagkamkam sa kabundukan ng Dumalingding habang nasa humigit-kumulang 200 pasistang tropa ang nagpapatuloy na sumusuyod sa mga barangay sa bayan ng Palanas. Nagsasabwatan ang mga matataas na upisyal ng pamahalaan ng Masbate, Filminera at Empark katuwang ang mg militar na agawin ang lupa at kabuhayan ng mga magsasaka at residente ng mga barangay sa bayan ng Palanas. Mina at ekoturismo ang nasa likod sa dumaraming pwersa ng militar sa Masbate hindi para itaguyod ang kapayapaan sa prubinsya.

Nananawagan ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate sa mamamayang Masbatenyo na ilantad at labanan ang balak na pagdambong sa inyong lupa at kabuhayan. Huwag hayaang magtagumpay ang mga mandarambong na kamkamin ang inyong matagal ng binuhusan ng inyong dugo at pawis na ari-arian at kabuhayan.

Nananawagan din ang pamprubinsyang kumand mula sa barangay upisyal, munisipal hanggang prubinsyal na gumawa ng mga hakbang para protektahan ang kapakanan ng masang Masbatenyo laban sa patuloy na panunupil, paglabag sa kanilang karapatan at pambibiktima sa kanila ng mga militar at pulis. Bilang lingkod bayan, dapat niyong gamitin ang inyong otoridad at kapangyarihan para sa pagtatanggol sa inyong nasasakupang mamamayan.

Source link