Nagprotesta ang mga progresibong grupo ngayon araw, Disyembre 29, sa harap ng Kongreso sa Quezon City para tutulan ang ratipikasyon ng badyet para sa 2026 na pinirmahan ng bicameral conference committee.
“Laman nito ang mga alokasyon para sa pork barrel, unprogrammed appropriations, confidential funds at malalaking pondo para sa imprastruktura na isiningit sa pamamagitan ng koordinasyon ng Kongreso at Malacañang,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Tinawag ng grupo ang badyet bilang “pork reenacted budget” na mayroon lamang mga bagong katawagan o label.
“Habang ang ordinaryong mga Pilipino ay nagtitiis sa matataas na presyo, kawalan ng katiyakan sa trabaho, mga sakuna dahil sa klima, at lumalalang serbisyong panlipunan, tinitiyak ng elite na pulitiko na ganap na mapopondohan ang makinarya ng pagnanakaw at sistemang padrino,” anito.
Tutol din ang kabataan sa ipinapasang badyet. Binatikos nila ang paglalaan ng rehimeng Marcos ng pondo para sa pasismo at pang-aatake sa mamamayan imbes sa edukasyon at ibang panlipunang serbisyo.
“Imbis na dagdagan ang budget para sa edukasyon ay nilalaan ito upang gawing pondo para sa pasistang atake sa mga komunidad,” ayon sa Panday Sining.
“Sa gitna ng teatriko ng pagiging bukas at malinis, napakalaki pa rin ng badyet para sa pasismo at pork ng mga mambabatas,” ayon naman sa Kabataan Partylist. Tinututulan ng Kabataan ang badyet na “hindi tutugon sa tunay na pangangailangan ng bawat Pilipino.”
Sumama sa pagkilos ang Student Christian Movement of the Philippines na tutol sa “nagmamantika at naglalakihang mga pork barrel, sobrang laking badyet sa mga unprogrammed fund ng Pangulo at sa pasistang NTF-ELCAC.”
Nakiisa rin ang Alliance of Concerned Teachers sa isinagawang kilos-protesta. Panawagan ng grupo, pondo para sa dagdag sweldo at edukasyon, hindi sa korapsyon.











