Ang Bayan Ngayon » Kabataan, tinutulan ang anti-mamamayan at pekeng Davao Bus Project

Tinawag ng Anakbayan-Southern Mindanao Region (SMR) na “pekeng modernisasyon” at “kontra-mamamayan” ang Davao Bus Project (DBP) ng lokal na konseho ng Davao City. Nagprotesta ang mga myembro nito noong Nobyembre 24 sa Freedom Park, Davao City, para ipanawagan ang pagbabasura rito.

Ang Davao Bus Project ay kilala rin bilang sistemang Bus Rapid Transit (BRT) na ipinipilit ng Asian Development Bank, kasabwat ang pamilyang Duterte, sa syudad. Layunin ng proyekto na lusawin ang gumaganang sistema ng transportasyon sa Davao na kinapalolooban ng mga moderno at tradisyunal na jeep, mga traysikel at bus, at palitan ito ng mga bus na aprubado ng Asian Development Bank. Popondohan ito ng ADB ng P54 bilyon na utang.

Ang proyekto, na tinagurian ring Davao Public Transport Modernization Project, ay binuo ng ADB noon pang 2015. Kasabay ng pagtatambak ng sarplas na mga luma at bagong bus sa syudad ng Japan at mga kaalyado nitong bansa, magiging tambakan din ito ng iba pang mga burloloy na nakakabit sa mga bus. Kaakibat ng BRT-Davao ang pagreretoke sa mga kalsada ng syudad, paglalatag ng bagong mga kalsada, pagtatayo ng mga shed, depot at terminal ng mga bus, pagsasaayos ng mga interseksyon, pagtatayo ng eskwelahan para sa mga drayber, at marami pang remedyong kailangang ilatag bago gumana ang sistema. Marami pang ibang proyektong imprastruktura ang balak itayo ang Japan at ADB sa syudad, na pawang nakapipinsala sa kabuhayan ng mamamayan, pero nakapagpayayaman naman sa mga korap na Duterte at kanilang mga kasapakat sa Davao.

Noong Oktubre, dumating na sa syudad ang 10 bus na gawang China para sa “test run” ng programa. Nakatakda itong ilako bilang “libreng sakay” para sanayin ang mga komyuter na sumakay dito.

“Malaking perwisyo at pabigat (ito) sa mamamayan,” pahayag ni Fauzhea Guiani, tagapangulo ng Anakbayan-SMR. Bahagi ng proyekto ang jeepney phase-out. Tinatayang 7,000 drayber ng dyip ang mawawalan ng kabuhayan dahil dito. Tataas din ang minnimum pamasahe mula P13 tungong P35 kada byahe.

Binatikos din ni Guiani ang kunwa’y trial run ng DBP. Tinawag niya itong “mind conditioning” para patanggapin sa mga Davaoeno ang proyekto. Nagkakahalaga ng P10 milyon ang isang bus, pondo na mas mabuti pang ginamit na lamang sa batayang pangangailangan ng mga residente ng syudad.

Hindi solusyon ang DBP sa krisis sa transportasyon, aniya. Hindi mga PUV at dyip ang sanhi ng matinding trapik sa syudad kundi ang kawalan ng regulasyon ng lokal na gubyerno para kontrolin ang pagdami ng pribadong mga sasakyan. Sa halip na DBP, sinuportahan ni Guiani ang panawagan ng mga drayber sa syudad na ibalik ang prangkisa ng mga tradisyunal na dyip at payagan muling mamasada ang mga ito.

Source link