Nagpiket ang mga myembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa harap ng Senado noong Nobyembre 14. Isinabay ang piket sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga proyektong flood control. Panawagan nila ang pagpapanagot “mula sa taas hanggang sa baba,” una na sa pangulo na si Ferdinand Marcos Jr.
“Hindi na pwedeng paikot-ikot at paulit-ulit ang hearings. Hindi pwedeng may pagtakpan at paligtasin,” ayon sa KMP.
Muling binuksan ang imbestigasyon sa Senado mula nang pansamantala itong isara noong Oktubre. Nakatutuok ito sa mga “ghost projects”, natanggap na kikbak ng mga senador at mga “insertion” o isiningit na proyekto sa badyet noong 2025.
Isa sa naging tagapagsalita ng pagdinig si Roberto Bernardo, dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways. Idinetalye niya ang pagbibigay niya ng kikbak sa dating mga senador na sina Sonny Angara (ngayon ay kalihim ng Department of Education) at Grace Poe. Ibinunyag din niya ang nakuhang kikbak ng mga senador na sina Jinggoy Estrada, Francis Escudero, Ramon “Bong” Revilla Jr., at Nancy Binay.
Samantala, nagpasya si Lacson na huwag nang ituloy ang pag-imbita sa dating kinatawan ng Ako Bicol Partylist na si Zaldy Co. Una niyang inanunsyo ang paglahok ni Co sa pamamagitan ng Zoom dalawang araw bago nito.
Pasabog ni Co laban sa “hari ng korapsyon” na si Marcos
Sa halip na testimonya sa Senado, nagpadala si Co ng mensaheng nakabidyo sa mga mamamahayag kung saan direkta niyang itinuro si Marcos bilang upisyal na may pinakamalaking “insertion” sa badget para sa 2025. Aniya, inutusan siya ni Marcos na magsingit ng P100 bilyon na ipingako diumano sa kanya ng kanyang pinsan na si Martin Romualdez. Idinaan ang atas kay Amenah Pangandaman, kalihim ng Department of Budget and Management.
Naglabas din si Co ng listahan ng mga proyekto kung saan napunta ang P100 bilyong pondong ipinasingit ni Marcos. Ang P81 bilyon nito ay nakalista para sa imprastruktura, kung saan 80% ay mga proyektong flood control. Ang natitira ay para sa mga aktibidad ng pangulo, tulad ng pag-host ng ASEAN Summit.
Susi ang papel noon ni Co sa pagbubuo ng badyet dahil pinamunuan niya ang komite para sa appropriations (o pagbabadyet) sa Mababang Kapulungan. Bahagi siya ng maliit na komite ng Kongreso at bicameral committee kung saan nagaganap ang pagsisingit ng mga pondong pangkurakot ng pangulo, mga senador at kongresista.
Habang nasa Kongreso, nakakopo ang kanyang pamilya ng mga kontrata para sa pampublikong imprastruktura na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso. Alinsunod sa salaysay ng mga inhinyerong naka-ugnayan ni Co sa DPWH, kumukuha siya ng 20%-25% na kikbak mula sa bawat proyekto.











