Nag-walkout ang mga lider-estudyante ng University of the Philippines-Mindanao sa porum ng TAGBO 2025, isang leadership training, noong Oktubre 26. Kinundena nila ang pagsingit sa forum ni Arian Ramos, traydor sa rebolusyonaryong kilusan at isa sa pinakapusakal na tagapagtanggol ng NTF-Elcac at Armed Forces of the Philippines.
Si Ramos, sampu ng kanyang kaparehong mga traydor, ang nangunguna sa Red-tagging ng lehitimong mga organisasyong estudyante at kanilang mga lider. Dinala si Ramos ng isang Waldy Puyod, na alumni ng unibersidad at inimbitahan ng administrasyon bilang tagapagsalita sa araw na iyon. Ang malala, nagdala si Ramos ng bodyguard at ahenteng paniktik na nagdulot ng matinding pangamba at pagkadismaya sa mga estudyanteng kalahok sa naturang porum.
Pinuri ng Council of Student Leaders (CSL) ng unibersidad ang ginawang pag-walkout ng mga estudyante.
“Ang kanilang kolektibong aksyon ay malinaw at matapang na hakbang para ipakita ang pagtatakwil sa mapaminsalang naratibo at matatag na paggigiit na hinding-hindi palalampasin ng mga estudyante ng UP Mindanao ang kahit anong anyo ng Red-tagging sa anumang pagbabalatkayo,” ayon sa CSL.
Tinuligsa rin nila ang administrasyon ng UP Mindanao na nagpahintulot sa pangyayari na anila’y hindi isang “isolated” na insidente. Anila, salamin ito ng mga “kahinaan sa institusyon” na dati na nilang tinuligsa sa inihapag sa kanilang 11-Point UP Mindanao Student Demands.
“(A)ng pangyayaring ito ay direktang salungat sa itinutulak na kampanya para sa transparency ng administrasyon, proteksyon ng kalayaang pang-akademiko, at garantiya para sa ligtas at inclusive na student space,” ayon sa mga lider-estudyante. Kinundena at pinanagot nila ang administrasyon sa kawalan nito ng konsultasyon at paglilihim sa mga inimbitahang tagapagsalita. Ang ginawang pananakot ng mga tagapagsalita na ito ay isang seryosong paglabag sa kaligtasan at tiwala ng mga estudyante.
“Naninindigan ang Council of Student Leaders na dapat walang estudyante ang malalagay sa sitwasyon kung saan ang kanyang pagkakakilanlan, aktibismo, o komitment na magsilbi sa mamamayan ay ituturing na banta,” anito.
Pinirmahan ang pahayag ng higit 30 organisasyong pang-estudyante ng UP Mindanao.











