Bunga ng sama-samang pagkilos, matagumpay na napatigil ng mamamayan ng Abra ang proyektong mining exploration ng Yamang Mineral Corporation sa munisipalidad ng Sallapadan, Lacub, Malibcong at Licuan-Baay.
Nakahanda na ang kumpanya sa ekplorasyon noong Oktubre nang nakaraang taon, ngunit dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo, napilitan ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Cordillera na pigilan ang aktibidad. Napag-alaman din na walang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) mula sa mga komunidad ng Tingguian ang kumpanya.
Noong Setyembre 10, naglabas ng cease order ang NCIP-Cordillera at sinuspinde ang operasyon ng kumpanya sa Licuan-Baay hanggat hindi nito nakukuha ang permiso ng mga katutubo.
Mariing tinutulan ng tribong Masadiit ang planong pagmimina ng kumpanya. Nagpahayag din ng pagkundena ang Diosesis ng Bangued. Noong Hulyo, nananawagan ang National Anti-Poverty Commission na bawiin ang permit ng YMC dahil sa kawalan nito ng rekisito na FPIC.
Ang Yamang Mineral Corporation ay pagmamay-ari ng kumpanyang Metals Exploration PLC na nakabase sa London. Ang kumpanyang ito din ang may-ari ng Woggle Corporation na kasalukuyang may proyektong mineral exploration sa Dupax del Norte sa Nueva Viscaya.











