Ginunita noong Oktubre 17 ng Save Our Schools at mga batang Lumad ang ika-14 anibersaryo ng pagkamatay ni Fr. Fausto Tentorio, kilala sa mga komunidad ng Lumad sa Cotabato bilang si Fr. Pops.
Isang misyunaryong Italian si Fr. Pops na nagsilibi sa mga Lumad at magsasaka sa loob ng 34 taon hanggang paslangin siya ng mga pwersang paramilitar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Oktubre 17, 2011 sa Arakan, North Cotabato. Naging bantog siyang tagapagtanggol ng kalikasan at mga karapatan ng Lumad. Kasama ang mga komunidad na kanyang pinagsilbihan, nagtayo sila ng 80 daycare center sa malalayong lugar, naglunsad ng mga prorgamang literasiya at numerasiya, at nagpaaral ng libu-libong estudyante sa binuo niyang scholarship program. Umabot sa 3,000 estudyante ang natulungan ng programang ito.
Naging bahagi rin siya sa naparaming medical mission at tumulong siyang magsanay ng maraming community health worker para magsilbi sa kanilang mga komunidad. Tumindig siya sa laban sa mga proyektong mina at pagtotroso, at aktibong sumuporta sa mga programang nagtataguyod ng sustainable na pagsasaka, reforestation at biodiversity.
“Labing-apat na taon na ang lumipas, ngunit nananatiling walang hustisya,” pahayag ng SOS. Hindi pa rin napananagot ang mga salarin na myembro ng Alamada Integrated Development Foundation (ALIF), anito. Samantala, patuloy na dumaranas ang mga komunidad ng Lumad at magsasaka ng hamletting, sapilitang pagsuko, Red-tagging, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at iba pang paglabag sa karapatang tao. Ang mga paaralang pamana ni Fr. Pops ay binansagang g “komunistang paaralan” at napilitang magsara dahil sa matinding militarisasyon.
“Sa kabila ng lahat, buhay na buhay ang legasiya ni Fr. Pops,” ayon sa grupo. “Ang mga batang kanyang pinagsama-samang dati ay naging buong-panahong organisador at aktibista, at ngayon ay nasa unahan ng kilusan ng masa,” anito.
Inalala ng mga iskolar ang noo’y sinabi ni Fr Pops na mahalaga sa ginagawa niya noon ang pagsisikap na bigyan ng kaalaman at edukasyon ang mga bata. “Maliwanag na ang mga kabataang ito, gaano man kabata, sila ang tunay na kinabukasan ng tribu. Sa huli, sila ang masasandigan ng tribu,” paniniwala ni Fr. Pops noong nabubuhay pa siya.
“Ipagpapatuloy ng kabataan ang laban para sa lupang ninuno at pagtatanggol sa kalikasan na may tapang at paninindigan na ikinintal ni Fr. Pops sa kanila,” ayon sa grupo.
Nakatakdang magdaos ng isang konsyerto ang mga iskolar ni Fr.Pops na tinawag na “Living and Dying,” noong Oktubre 17 pero ipinagpaliban ito tungong Nobyembre 15 dahil sa lindol na dinanas ng rehiyon ng Davao.











