PRWC » Kababaihang magbubukid, ang ating lugar ay sa rebolusyon! Tanganan ang armas, lumahok sa digmang bayan!

Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka)-Eastern Visayas sa lahat ng kababaihang magbubukid ngayong International Day of Rural Women. Sa pagbayo ng tumitinding krisis at kahirapan ng kababaihan sa kanayunan, marapat lang na mahigpit na masapol ang mga ugat nito at kung paano ito matutugunan sa pamamagitan ng pagsusulong ng digmang bayan.

Nananatiling kadusta-dusta ang kalagayan ng kababaihan sa kanayunan ng Eastern Visayas. Walo sa 10 magsasaka sa rehiyon ay walang sariling lupa. Sa iilan sa kanila na may sariling lupa, hindi ito pagmamay-ari ng babae; nasa 19% lang ng may Emancipation Patent at 31% ng may Certificate of Land Ownership Award o CLOA, ang kababaihan. Ito ay kahit ang mga kababaihan ang nangunguna sa pandaigdigang produksyon ng pagkain.

Mababa o walang bayad silang tinatanggap para sa kanilang produktibong gawain. Mas grabe pa, kung hindi makapagbayad, ginagawa silang katulong ng panginoong maylupa upang makapagbayad ng utang. Sa pinakamahihirap na komunidad, itinuturing na parang kalakal ang mga anak na babae na ibinebenta para makaagapay ang pamilya.

Mahihirap na kababaihan ang pangunahing target ng malapyudal na pagsasamantala. Sa Eastern Visayas, laganap ang microfinancing institution gaya ng ASA Philippines, na imbis na iahon sila sa hirap ay lalo lang nilulubog ang kababaihan sa walang-katapusang siklo ng pangungutang. Ang mga microfinance ay sa aktwal bagong-paketeng sarplas na kapital ng mga internasyunal na bangko; itinuturing nito bilang malaking merkado ang kababaihan dahil sila ang bumubuo sa 70% ng pinakamahihirap sa buong mundo, at mataas ang konsumo na napupunta sa gastusin sa tahanan.

Sa paghambalos ng mga sakuna tulad ng bagyo at lindol, kababaihan din ang pinakabulnerable. Hindi sila magkandaugaga lalupa’t sa kapaligiran sila pangunahing nakaasa para sa kanilang pagkain, tubig, enerhiya, at hanapbuhay. Lubhang inutil ang reaksyunaryong gubyerno sa harap ng magkakasunod na sakuna.

Biktima rin ang kababaihan sa kanayunan ng kalamidad na dulot ng paghaharing militar sa kanayunan. Tuwing ipinapataw ang mga hamlet, tuwiran silang pinipigilang maghanapbuhay nang ilang linggo o ilang buwan. Naaantala ang edukasyon at serbisyong pangkalusugan habang kinakampuhan ng mga sundalo ang mga paaralan, klinika at daycare center. Biktima sila ng seksismo at pagsasamantala batay sa kasarian. Ginigipit sila at kinikidnap kasama ang kabataan upang kumbinsihing pasukuin ang mga kamag-anak nilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan. Naghahari ang takot bunga ng walang patumanggang pangingistraping at pambobomba.

Dahil sa kawalang-hanapbuhay, lalong natutulak ang kababaihan na mangibang-bansa. Ang hindi mas mapalad ay nagiging bulnerable sa prostitusyon, pornograpiya, human trafficking, at pagbebenta ng kabataan. Ganito rin ang kalagayang kinakaharap ng mga kasapi ng LGBTQ at kabataan.

Ang pang-aapi at pananamantala sa kababaihan ay kinukubabawan ng imperyalismong US, pyudalismo burukrata-kapitalismo. Kung gayon, kailan at paano matatamasa ng kababaihan ang tunay na paglaya? Ganap lang na mawawasak ang patriyarkiya at matatapos ang pang-aapi sa kababaihan kung mawawasak din ang panlipunang base na nagtataguyod sa pang-aapi at pagsasamantala. At mawawasak lang ang ganitong klaseng lipunan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagbabago.

Sa mga mga prente gerilya ng BHB sa Eastern Visayas, itinatayo o muling itinatayo ang kanilang mga organisasyong masa na sinira ng marahas na kontra-rebolusyonaryong gyera ng pasistang rehimen. Hindi nalang sila natatali sa gawaing bahay, bagkus aktibong lumalahok sa pakikibakang antipyudal at antipasista, bumubuo ng mga kooperatiba at mga yunit na pananggol sa sarili, at gumagampan pa bilang milisyang bayan. Pinangungunahan nila ang gawaing medikal at programang literasiya. Ang mahuhusay na elemento sa hanay ng mga organisasyong masa, laluna ang kabataan, ay buong panahong nagsisilbi sa hukbong bayan.

Source link