Umabot sa 20 bayan sa prubinsya ng Masbate ang direktang tinamaan ng malalakas na pag-ulan at hangin dulot ng bagyong Opong noong Setyembre 26. Dalawang beses nag-land fall o tumama sa kalupaan ang bagyo sa prubinsya nang araw na iyon, una sa bayan ng Palanas, sunod sa Milagros.
Nagdulot ang bagyo ng matinding pinsala sa kabuhayan, pananim at kabahayan ng libu-libong pamilya. Ayon sa tala ng estado, umabot sa ₱4.7 bilyon halaga ang mga nasirang mga imprastruktura at kabahayan sa prubinsya. Nasa 87,499 na indibidwal o 24,579 pamilya ang naapektuhan. Nasa 98% sa 50,000 residente sa bayan ng Mobo ang nawalan ng tirahan at hirap pa rin hanggang sa kasalukuyan na itayo ang kanilang mga kabahayan dahil sa kawalan ng mga materyales.
Sa kasalukuyan, nasa 76,000 residente na mga nakaasa sa serbisyo ang wala pa ring kuryente. Nasa 24 sa kabuuang 328 na mga barangay o 7.32% pa lamang ang naibalik ang kuryente mula noong Oktubre 6.
Nalubog sa baha at nasira ang mga taniman ng palay, mais at gulay, at maraming niyugan ang pinatumba ng malakas na hangin. Maraming bangka at kagamitang pandagat din ang nasira.
Ayon kay Ronnie Manalo, lider magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), libu-libong magsasaka at mangingisda ang nawalan ng kabuhayan, ani at kita ngayong taon. Ang malubha, may utang pa sila.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), panrehiyong balangay ng KMP, kabilang sa pinakakailangan ng mga taga-Masbate ay pagkain at tubig, batayang mga gamot, mga pangangailangan ng mga bata at matatanda, at materyales sa paggawa ng mga bahay.
Dagdag dito, maliban sa kagyat na panganagailangan ng mga mamamayan, dapat rin tugunan ang estado ang pangmatagalang rehabilitasyon ng mga irigasyon, kalsada at pasilidad pang-agrikutura.
“Panawagan natin na mabigyan sila ng agarang tulong upang makabangon muli. Hindi pautang, kundi ayuda at kumpensasyon,” pahayg ni manalo. Anang KMP, ang mga magsasaka at mangingisda ang gulugod ng lokal na ekonomya ng Masbate at dapat bigyan sila ng agarang atensyon at tulong.











