Limitadong saklaw ng kaso ni Duterte sa ICC, ikinadismaya ng mga abugado ng mga biktima

Isinapubliko ngayong Setyembre 23 ng International Criminal Court (ICC) ang Document Containing the Charges (DCC) o dokumentong nagdedetalye ng mga kaso na ihaharap nito kay Rodrigo Duterte. Ang naturang dokumento ang ihaharap sana sa kanya kung natuloy ang kumpirmasyon ng asunto ng korte ngayong araw. Ipinagpaliban ang naturang kumpirmasyon matapos maghapag ng petisyon ang mga abugado ni Duterte na ipagpaliban nang walang taning ang pagdinig dahil hindi na umano siya “fit to stand trial.” Pinaboran ng korte ang petisyon para bigyan ng sapat na panahon ang mga duktor ng korte na siyasatin ang kanyang kalusugan.

Laman ng DCC ang tatlong bilang (count) ng krimen laban sa sangkatauhan, partikular sa pagpatay at bigon pagpatay. Sinaklaw nito ang 49 magkakahiwalay na insidente ng pagpatay na may kaugnayan sa drug war noong meyor pa si Duterte sa Davao City hanggang noong siya ang naging presidente. Nakasaad sa naturang dokumento na may walo pang “co-perpetrator” si Duterte. Sa ngayon, inililihim pa ng ICC ang kanilang pagkakakilanlan. Dagdag sila kina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at dating Kalihim ng Katarungan Vitaliano Aguirre II na binanggit na dahil sa kanilang litaw na papel sa pagpapalawak ng operasyon ng Davao Death Squad sa buong bansa.

Sa harap nito, nabahala ang grupong Rise Up for Life and for Rights at kanilang mga abugado sa makitid na saklaw ng mga kaso. Anila, nililimitahan nito ang pagkilala sa mga biktima at sa buong lawak ng mga krimen ni Duterte,. Nangangahulugan din ito nas mas kaunti ang bilang at mga kategorya ng mga biktima na kikilalanin ng ICC at maaaring lumahok sa kaso.

“Ang makitid na saklaw ng kasong ito ay nagpapabaya sa libu-libong biktima ng pagpatay, iligal na pag-aresto, pagkakakulong, tortyur, at iba pang paglabag sa mga karapatang-tao na naranasan sa panahon ng pamumuno ni Duterte,” ayon kay Atty. Kristina Conti, pangkalahatang kalihim ng National Union of Peoples’ Lawyers-National Capital Region at katuwang na abogado ng Rise Up.

Binanggit ni Conti na mas malawak ang saklaw ng imbestigasyon ng ICC, kung saan kasama ang mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan kaugnay sa sapilitang pagkawala, karahasan sa sekswal, tortyur, at iba pang hindi makataong krimen.

“Ang pag-usad (ng kaso) gamit ang isang maliit na bahagi lamang ng mga krimen ay maaring estratehiya ng prosekusyon, pero ito ay isang kawalang-katarungan para sa mga biktima ng mga maramihang pagpatay, pati na rin sa iba pa niyang mga krimen,” ayon kay Conti. Sinabi rin niyang “nakababahala at nakakainip” ang inantalang pagsasapubliko ng DCC, gayong nauna na itong naibigay sa depensa at sa korte noon pang Hulyo 2025. Resulta nito, sa halos 304 biktima na nagsumite ng aplikasyon para lumahok sa kaso, 15 lamang ang tatanggapin na aplikasyon dahil sila lamang ang sakop ng kaso.

Sa kabila ng mga hamon, itinuturing pa rin ng Rise Up na mahalagang yugto ang paglalabas ng DCC sa kaso laban kay Duterte. Ito ang kauna-unahang kriminal na paratang ng mabibigat na paglabag laban sa isang Pangulo ng Pilipinas at naglalaman ng komprehensibong ebidensya ng mga pagpatay sa panahon ng kanyang “gera kontra droga.”

“Kapag naganap na ang pagdinig para kumpirmahin ang mga paratang, haharapin ni Duterte ang mga akusasyon nang harapan sa hukuman. Mahalagang manatili siyang nakakulong sa ICC upang matiyak ang hustisya at pananagutan para sa mga biktima,” pahayag ni Conti. “Ang kasong ito ay isang mahalagang hakbang para sa pandaigdigang katarungan, lalo na’t limitado ang mga pagkakataon para sa pananagutan sa loob ng bansa.”

Source link